Chapter Four: Love & Hate (Part 3)

1.6K 263 0
                                        

Dahil hindi nakasama sa lakad ng tatlong kaibigan si Tina, pumunta na lang itong mag-isa sa National Bookstore.  Hinanap niya si Jake upang magpasama, at upang sabihin na rin dito na hindi niya nagawa ang assignment nito ngunit hindi niya ito nakita sa mga pinagtatambayan ang nobyo.  Sabi ng barkada nito’y umalis na raw ito.

     Hindi pa rin maipinta ang mukha ni Tina sa galit dahil sa nangyari kanina sa library.  Gusto sana niyang abangan si Myles pero naisip niyang mas marami pa siyang importanteng gagawin kaysa awayin ang lalaki.

     Napansin niyang makulimlim ang kalangitan, at kung hindi siya nagkakamali, isa itong malakas na ulan kaya naisipan niyang mag-dala ng payong sakaling abutan man siya ng ulan sa daan.

     Nagmadali siyang pumunta ng Bookstore, at hindi na siya roon nagpatumpik-tumpik.  Agad niyang dinampot ang libro at binayaran.  Hindi na niya naisipan pa ang magwindow shopping.

     Gaya ng inaasahan, malakas na ang buhos ng ulan ng lumabas siya ng mall.  Maraming tao ang nasa gilid at hindi makaalis dahil sa lakas nga ng ulan.  Hindi niya akalaing isa sa mga taong naroon na naghihintay sa pagtila ng ulan ay si Myles.

     Gusto niya sanang sugurin ito dahil sa nangyari sa library kanina, ngunit hindi siya gagawa ng eksena sa harap ng maraming tao. 

     “Myles.” Hindi na niya napigilan at tinawag niya ito.

     Lumingon ito at nakita siya, nangiti ito at lumapit sa kanya.  Napansin niyang basang-basa ang buhok nito gayundin ang polo na naksabit sa balikat nito.  Sa tingin niya’y naabutan ito ng ulan.  Imbis na aawayin sana niya ito, naawa siya dahil sa hitsura nito.

     “Sumugod ka ba sa ulan” tinanong niya rito.

     “Obvious ba?” nakangiti ngunit nakakaasar na sagot nito.

     Naningkit ang mga mata ni Tina sa sagot na iyon sa kanya ng lalaki.  Pakiramdam niya’y siya dapat ang may karapatang magtaray dito dahil sa ginawa nito sa kanya sa library, pero ito pa rin siya pinipigilan ang sarili.  Siya na nga ang concern na nagtanong dito ay ganoon pa ang sagot nito sa kanya. 

     “Napaka-arogante mo naman at saksakan ka ng bastos.” Galit niyang sabi rito

     “Kailan kita binastos?” Aroganteng tanong nito.

     “Maraming beses na.  Kanina na lang sa library, alam mo namang hawak ko na ang libro, huhugutin ko na, inagaw mo pa sa ‘kin.

     “Excuse me, kung hawak mo na ‘yung libro maagaw ko ba ‘yon sa’yo.  Tsaka ang daming librong katulad no’n.  Eskandalosa ka lang talaga at Mahilig sa away.” Natatwang sabi nito.

     “Hoy, hindi ako eskandalosa at mahilig sa away.” Malakas na sabi ni Tina.

     “Ano sa tingin mo ang gnagawa mo ngayon.  Lumapit ka sa akin para lang awayin ako.”

     “Lumapit ako, dahil nakita kitang basa ng ulan.  May payong ako.  Dahil mabait naman ako, magmamagandang loob na rin sana ako sa’yo kahit pa saksakan ng yabang ‘yang pagkatao mo.  Pero dahil ganyan ang sagot mo, at  kang kasing arogante, binabawi ko na.”

     “Eh di bawiin mo kung anong gusto mong bawiin.”

     “Arogante ka talaga.  Ang sama ng ugali mo.  Ako na nga ang lumapit, babastusin mo pa ako.  Diyan ka na nga.” Ani Tina at lumayo ito sa tabi ni Myles ngunit abot tanaw pa rin niya ang kinaroroonan nito.

     Lalong lumakas ang buhos ng ulan.  Napansin ni Tina na habang tumatagal ay lalong giniginaw si Myles, at nanginginig ang buong katawan nito.   Hindi niya alam kung bakit pero hindi niya matiis na nakikita sa ganoong hitsura, kaya kahit na nabubuwisit siya rito ay nilapitan muli niya ‘to.

University BluesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon