Hindi ko man masabi ang nadarama kong ito sa iyo,
Sana madama mo sa bawat liriko ng tulang ito
Ang lahat ng ninanais ipabatid ng pusong ito.
Sana mabasa mo ito sa panahong nakatakbo na ako
Sa masamang panaginip na idinulot mo.
PUSO-- Ang pusong sugatan ay hindi matatakasan ang kalungkutan. Sa kamay ng taong hindi laan para sa iyo ay tiyak na pagdurusa ang kahihinatnan. Hindi naman masama magmahal ng taong hindi para sa iyo. Ang masama ay patuloy kang umasa na siya ay mapapasaiyo.
PUSO-- Sa maniwala ka at sa hindi, alam kong nasasaktan ka sa tuwing naalala mo siya. Nakikita kong lumuluha ka sa tuwing ibabalik ko ang inyong alaala. Alam na alam kong siya pa rin ang iyong hinihiling na makapiling. Nakikita kitang napapatigil sa kawalan tuwing may bagay na magpapaalala sa kanya.
PUSO-- Hindi ko intensyon na pasakitan ka. Hindi ako ang nasasaktan tuwing bumabalik tayo sa mga alaala. Hindi ako ang nahihirapan tuwing babalik ang aking isip sa nakaraan. Pero kahit kailan, hindi ko gugustuhing sadyaing saktan ka.
PUSO-- Sa tuwing babalik ako sa nakaraan, iyon ay dahil malungkot ka. Alam kong siya lang ang sagot sa pangungulila mo. Pero tuwing ibibigay ko ang daing mo, mas lalo lamang lumalala ang nadarama mo. Dahil kitang-kita ng dalawang mata ang pagsampal ng katotohanang masaya na siya sa piling ng mahal niya.
PUSO-- Oo, alam kong mahal mo siya. Mahal na mahal mo siya. Pero hindi ka na niya mahal. Hinding-hindi ka pipiliin dahil may iba na siyang minamahal.
PUSO-- Kailan ka rin ba titigil sa pananakit sa iyong sarili? Kailan mo tatanggaping hindi kayo para sa isa't isa? Kailan ka titigil sa pag-iyak para sa taong hindi ka na naalala? Kailan mo matatanggap na wala na, finish na.
Puso-- Tama na, tama na rin ang pag-asa na babalik siya. Tama na, tama na rin ang pag-iisip sa kaniya na iniisip ka rin niya. Ikaw ang tumigil sa pagmamahal sa taong hindi nararapat sa pagmamahal mo. Ikaw ang kumitil sa sarili mong ilusyon na minahal ka niya, mahal ka niya, at mamahalin ka pa rin niya.
PUSO-- Hindi mo na siya kailangan ibaon sa limot. Hindi mo na kailangan na humukay pa at ihimlay ang iyong nararamdaman. Walang pumipigil sa iyong maglakad palayo sa lugar ng alaala niyong dalawa. Humakbang ka na at huwag nang lumingon pa.
PUSO-- Huling payo para sa iyo. Hindi mo man hawak ang tala na noo'y kuminang nang makasama mo siya. Balang araw, may isang tao na hindi lang isang tala ang ibibigay sa iyo, Kundi ang buong kalawakan ay handa niyang ialay para lamang sa iyo.
Nagmamahal, Isip
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
----------------------------- SAVAGEBLOSSOM ALL RIGHTS RESERVED WATTPAD2018 -----------------------------