KABANATA 33

30 0 0
                                    

KABANATA 33

“Naramdaman ko na natatakot sila, Kuya Ben. Lalong-lalo na si Daddy. Alam kong may tinatago siya at may kinalaman yon sa mga litratong nakita ko sa opisina niya sa bahay.” Bulalas ni Berlin at sinadya niyang maagang pumasok sa school pero dumeretso siya sa condo para ireport sa kapatid ang nangyari kagabi. Nagtipun-tipon silang lahat sa hapagkainan habang nag-aalmusal. Naroon na rin si Bimbi na tila parang nakalimutan ang pinag-usapan nilang dalawa kagabi.

“That means na hindi ang Daddy mo ang nagpapamanman sa mga kilos mo. Maybe may taong gustong manakit sayo at sa kanila galing ang mga stolen shots na mga pictures mo.” Opinyon ni Bradley.

“Baka si Daddy. Posibleng alam na niya na ikaw ang kambal ko.” opinyon ni Bimbi.

“Pero di ba magkasabwat sila ni Frank? Bakit naman niya gagawin yon? Sa tingin ko, may ibang tao na gustong manakit sa pamilya ninyo. Baka sa mga kasong nahawakan ng Daddy mo.” Singit ni Maggie.

“Posible. Berlin, gusto ko na mag-ingat ka lagi. Gayong hindi nagsasalita ang Daddy mo sa mga nangyayari, baka ikaw ang resbakan ng mga taong yon at hindi ko kakayanin na may mangyaring masama sayo. Kung maari pa lang ay dito ka na sa amin.” Sambit ni Benedict at niyakap ang bunsong kapatid.

“Huwag kang mag-alala, Kuya Ben. Lagi akong mag-iingat. Kumuha na rin si Daddy ng security guard sa bahay. Nai-report na rin niya sa mga guwardiya ng subdivision ang nangyari kagabi. Alam kong may alam si Daddy sa mga nangyayari. Lumabas mismo sa bibig ni Mommy kagabi na natatakot siya para sa akin. May pakiramdam ako na ako talaga ang target ng taong nagmamanman sa bahay.” Sambit ni Berlin.

“Natatakot ako para sayo. Kung gusto mo, doon muna ako titira sa inyo. Okay lang naman siguro yon sa Daddy mo. Humanap na lang tayo ng idadahilan sa kanya. Ayokong may mangyaring masama sayo. Ibinilin ka sa akin ni Mommy na hindi kita pababayaan.” Bulalas ni Bimbi.

“Tama si Bimbi, Berlin. Doon na muna siya para masasamahan ka niya. Mas mabuti na magkasama kayong dalawa kaysa mag-isa ka lang doon. Mapapanatag ang loob namin dito.” Ani Byron.

“S-Sige, kakausapin ko si Daddy.” Bulalas ni Berlin at napatingin pa sa kanyang kambal. Alam niyang may hidwaan sa pagitan nila pero wala na siyang mapagpipilian pa.

SABAY na pumasok ng school ang kambal. Umangkas na sa big bike ni Berlin si Bimbi samantalang dinaan naman ni Bradley si Maggie roon bago ihatid sina Benedict at Cara sa opisina. Tanging si Byron ang laging naiiwan sa condo at nagligpit ng kanilang pinagkainan.

“Ano na naman ba ang pinag-awayan ninyo ni Jazmine? Hindi tatawag yon sa akin sa kalaliman ng gabi kung hindi siya nag-aalala.” Naisip itanong ni Berlin nang i-park niya ang motorsiklo at sabay na silang nagtungo sa kanilang classroom. Hindi siya makatulog kagabi sa kakaisip na rin.

“W-Wala nga kaming pinag-awayan. Ang problema kasi sa kanya ay lahat na lang ng ikinikilos ko ay binibigyan niya ng dahilan. Sa totoo lang, hindi ko pa rin makalimutan yung nagtampo ka sa akin noong nakaraang araw. Berlin, naiipit ako sa sitwasyon. Ayokong nasasaktan ka and if it would mean that I have to give-up Jazmine ay gagawin ko alang-alang sa nararamdaman mo.” Pagtatapat ni Bimbi.

“Gago ka ba? Pagkatapos mo siyang agawin sa akin ay igi-give-up mo na siya ng dahil lang sa nararamdaman ko? Mag-isip ka nga! Sa tingin mo ba ay magkakabalikan pa kami ni Jazmine sakaling hiwalayan mo siya? Kung mahal mo talaga siya, don’t give-up on her. Ayokong mapunta siya sa kung kani-kanino lang. Sinusubukan kong kalimutan siya kaya huwag mo akong gawing dahilan. Huwag ako ang intindihin mo!” Asik ni Berlin at napahinto pa siya para harapin ang kambal.

“Huwag kitang intindihin? Sa totoo lang ay nagsisisi ako kung bakit ko pa siya inagaw sayo. Kung alam ko lang na kambal kita noon pa, hindi mangyayari ang lahat ng ito. Wala ng mas mahalaga sa akin ngayon kundi ikaw. For 16 years of our lives, pinaghiwalay tayong dalawa. Nasayang ang mga panahong yon na dapat sabay tayong lumaki at hindi nag-iiringan. Ayokong dumating ang panahon na magkasamaan tayo ng loob dahil lang kay Jazmine. That’s why I made-up my mind. I’ll break-up with her.” Anas ni Bimbi.

Tatak Ng Isang ApiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon