KABANATA 72

13 0 0
                                    

KABANATA 72

Mabilis na lumabas ng bahay sina Maggie, Byron at Berlin nang dumating ang Fortuner kinagabihan. Bumaba roon sina Benedict at Bimbi na inaalalayan sa paglakad si Malou. Kasunod namang dumating ang Honda Civic na minamaneho ni Bradley at kasama naman si Cara.

"Pagpasensiyahan nyo na ako at nakaabala pa ako sa inyo." Anas ni Malou. Sumikip lang ang dibdib niya kanina at pinagpawisan ng malamig kaya nahimatay nang makitang nagsusuntukan ang kambal.

"Nay, kami ang dapat humingi ng pasensiya sa inyo at pati kayo ay nadadamay. Magpahinga na ho kayo sa kuwarto ninyo at dadalhan na lang namin kayo ng pagkain." Sambit naman ni Benedict.

Tinapunan naman ng masasakit na tingin ni Bimbi ang kambal nang dumaan siya sa tabi nito. Dere-deretso siyang umakyat sa itaas dahil nilalagkit ang kanyang katawan dahil nakauniporme pa rin siya.

Ramdam ni Berlin na nagtatampo sa kanya ang lahat dahil hindi siya pinapansin ng mga ito o baka ayaw lang ng mga ito na pag-usapan ang nangyari. Maski sina Maggie at Byron kanina ay ramdam niyang may hinanakit ang mga ito dahil sa nangyari kay Nanay Malou.

"Kuya –" bulalas pa lang ni Berlin kay Benedict pero niyakap na siya nito.

"Wala kang kasalanan." Bulalas ni Benedict at hinalikan pa sa noo ang kapatid at tuluyan itong napaiyak sa kanyang dibdib. Alam niyang galit o nagtatampo man ang lahat dito pero hindi niya magawang iparamdam yon. Maski kailan ay hindi niya kayang pakitaan ng sama ng loob ang isa man sa mga kapatid.

Nagsihanda na rin silang lahat para sa hapunan at yon na yata ang pinakatahimik nilang salu-salo buhat nang maglipat sila sa bagong buhay. Tanging kubyertos ang naririnig sa hapagkainan.

"Sige. Kung gusto ninyo akong sisihin, magsalita na kayo. Huwag ninyo akong idaan sa pananahimik ninyo dahil kahit anong ibato ninyo sa akin ay tatanggapin ko yon lahat." Naluluhang sambit ni Berlin at kanina pa niya pinipigilan ang sarili. Hindi nga niya malunok ang kinakain.

"Walang sumisisi sayo sa nangyari kay Nanay Malou, Berlin. Masakit lang ang loob ko dahil lagi kayong padalus-dalos ni Bimbi sa mga ikinikilos ninyo. Lahat naman ay puwedeng idaan sa usapan. Sabi ni George, sa school pa lang ay nagsuntukan na kayo. Magkapatid kayo at kambal pa!" anas ni Byron.

"I'm sorry, Kuya. Hindi ko lang napigilan ang sarili ko at inaamin ko na ako ang nagsimula ng gulo. Hindi ko lang matanggap na sa lahat ng babae ay si Therese pa! Halos kapatid na ang turing ko kay Therese. Hindi ko kayang sikmurain na ang sarili ko pang kambal ang sisira sa kanya!" anas ni Bimbi.

"Mahal ko si Therese –" anas pa sana ni Berlin.

"Shut-up the crap, Montecillo! Alam naman naming lahat kung sino ang GF mo!" putol ni Bimbi.

"Bimbi, stop it." Saway ni Benedict sa kapatid.

"Sige, Kuya. Kampihan mo siya. Tutal, alam mo ang tungkol sa ginawa niya di ba? Hindi ako tanga na hindi ko naramdaman ang mga lihim ninyong pag-uusap. Kaya hindi ninyo sinasabi sa akin dahil alam ninyong masasaktan ako. Alam ninyo na hindi ko sasantuhin ang ginawa ng magaling kong kambal. Hanggang kailan nyo ba itatago sa akin ang ginawa niya?" sambit ni Bimbi sa panganay na kapatid.

"Hindi ko siya kinakampihan, Bim. Oo at tinago namin sayo ang nangyari dahil alam naming masasaktan ka. Hindi ko rin gusto ang ginawa niya kay Therese at kaya ko siya kinakausap para tukuyin ang totoong saloobin niya. Mahal niya si Therese –" paliwanag sana ni Benedict.

"At anong gagawin niya kay Jazmine? Tuhugin silang dalawa?" putol uli ni Bimbi. Hindi nakasagot ang panganay na kapatid. Natahimik lang ang lahat at alam niyang may punto siya.

Tatak Ng Isang ApiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon