KABANATA 15

40 0 0
                                    

KABANATA 15

“Huwag po. Maawa po kayo sa akin. Kuya! Kuya Ben! Huwag!”

“HUWAG!” sigaw ni Byron at nagising siya sa kalagitnaan ng gabi. Natagpuan niya ang sarili na puno ng pawis ang katawan niya. Sa loob ng labinlimang taon, ngayon siya uli nabangungot ng nakaraan. Napanaginipan niya ang nagliliyab na bakal na dinuro sa dibdib niya at umuusok sa balat niya.

“Byron! Anong nangyayari sayo?” bulalas ni Kitbol at nagising siya sa sigaw ng kaibigan.

“W-Wala. Wala. Nanaginip lang ako. Masamang panaginip” Bulalas ni Byron at hindi niya napigilang lumuha. Napatayo naman ang kaibigan at binuksan ang ilaw saka inabutan siya ng tubig. Yon nga ang kailangan niya at ngayon lang naramdamang tuyot ang lalamunan niya.

“Yon pa rin ba ang dating napapanaginipan mo?” tanong ni Kitbol. Naalala niya dati noong kabataan pa lang nila na lagi rin itong sumisigaw sa kalaliman ng gabi at may napapanaginipan.

“Oo, Kit.” Matipid na sagot ni Byron.

“Matulog ka na lang ulit at may trabaho ka pa bukas.” Anas na lang ni Kitbol at akmang papatayin ang ilaw ngunit pinigilan siya nito kaya hinayaan niyang nakabukas at bumalik na siya sa higaan.

Napasandal si Byron si pader at hindi na natulog pa. Galit at poot ang naramdaman niya sa kanyang dibdib nang maalala ang ikinuwento ng kapatid ukol sa pang-aapi sa pamilya nila. Ngayon niya nabatid na hindi lang basta panaginip ang lahat. Kinapa niya ang pilat sa kanyang dibdib.

“Pagbabayaran ng sinuman ang may gawa nito sa amin. Hindi ako titigil at tutulungan ko si Kuya Ben na mahanap ang mga taong umapi sa amin. Ngayong alam ko na ang aking pinagmulan, hindi ko hahayaan na nanakawin ng mga taong yon ang magandang buhay na ibinigay sa amin ng aming mga magulang.” Nasaisip ni Byron kasabay ng pag-ilig ng kanyang mga luha.

Apat na taon nga siya noon nang matagpuan ni Tatay Bulldog, ang ama ni Kitbol. Inaruga at pinalaki siya kasama ni Kitbol. Isa itong kargador sa Divisoria at sa kabila ng pagiging maton at basagulero nito, naroon ang pagmamahal na pinadama sa kanya na parang tunay niyang ama. Ngunit, maaga nga lang silang iniwan nito sanhi ng pagkamatay sa rambulan noon. Nasaksak ito at hindi na umabot pa sa ospital. Katorse anyos na sila ni Kitbol noon at nag-aaral sa high school. Dahil sa nangyari sa ama, hindi na pumasok si Kitbol at natuto na lamang rumaket samantalang siya ay nagpursige na makatapos. Nagtulungan silang dalawa para mairaos ang buhay na maski illegal ay pinasukan na rin nila.

“Kung hindi lang kinuha ng mga taong yon ang buhay ng mga magulang ko ay sana hindi ko naranasan ang maghirap ng ganito. Sana hindi kami nagkawatak-watak magkakapatid.” Saisip ni Byron.

“Kuya Biboy, Kuya Boodie, nasaan kayo?” naluluhang bulalas pa ni Byron.

“WALA ka bang susi? Nadidistorbo mo ang tulog ng mga magulang mo.” Ani Bimbi nang panay lang pindot ni Berlin ng doorbell nang makarating sila sa labas ng bahay.

“Magdo-doorbell ba ako kung may susi lang ako? Saka wala rito ang mga magulang ko. Nasa Palawan sila.” Sambit ni Berlin at lalo siyang nairita sa sinabi nito. Nakita naman niyang umilaw ang sala at maya’t maya pa’y nagmamadaling pagbuksan sila ng katulong.

“Pasensiya na sa distorbo, Yaya Saleng.” Ani Berlin at biglang nagbago ang tono ng pananalita.

“Naku pasensiya na, Sir. Nakatulog ako sa paghihintay sa inyo. Ilang beses na nga ho tumawag ang Mommy ninyo.” Nahihiyang bulalas ni Yaya Saleng nang pagbuksan na sila ng gate.

“Ako na ang bahalang magpaliwanag sa kanya bukas. Ya, pakiluto nyo naman kami ng asparagus soup.” Ani Berlin habang pinapasok niya ang big bike sa garahe. Nakasunod lang sa kanya si Bimbi.

Tatak Ng Isang ApiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon