Sinundan ko ang sigaw na iyon at dinala ako sa nag-iisang bahay na nasa gitna ng gubat. Ang mahinang sigaw na naririnig ko kanina, ngayon ay malakas na. Nasa harap ako ng bahay at pinagmasdan ko ang paligid. Kulay dilaw na ang paligid dahil sa pagsikat ng araw. Naglalaho na din ang makapal na hamog sa gubat. Bumalik ako sa katotohanan nang biglang pagsigaw ng tao na nasa loob. Tila ba sa harap ng tainga ko siya sumigaw para matauhan ako. Ang sigaw niya ay hirap na hirap siya at para bang gusto niyang makawala.
"Miss?" Napatingin ako sa babae na may dalang mga kahoy. Ibinaba niya iyon sa gilid ng kanyang bahay.
"Anong ginagawa mo dito?" Tanong niya. Kulubot na ang kanyang balat, puti na ang buhok niyang mahaba at wari ko'y nasa edad sisenta na siya.
"Ahm.." Wala akong masagot sa tanong niya. Siya siguro 'yung nanay ni Martis.
"Pwede po ba akong pumasok sa loob?" Tanong ko at napatitig siya sakin.
"Anong kailangan mo?" Tanong niya at napatungo ako. Paano ko ba 'to sisimulan.
"Anak niyo po ba si Martis?" Tanong ko
"Bakit?" Tanong niya
"Ahh. Mahal ko po ang anak niyo." Sagot ko at napakamot ako sa aking ulo. Tama ba 'yung sinabi ko.
"Umalis kana." Sabi niya.
"Umalis kana kung gusto mo pang mabuhay." Sabi niya at tumalikod sa akin.
"Handa po akong ipainom ang dugo ko sa kanya. Ililigtas ko po siya." Sagot ko at napatingin siya sakin.
"Sa tingin mo maaalis mo ang sumpa niya? Gaano ka kasigurado?' Tanong niya.
"Mahal po namin ang isa't-isa. Malakas po ang paniniwala ko na magiging isa na siyang ordinaryong tao. Alam mo po ba na napaka gwapo ng anak mo?" Sabi ko at hindi siya sumagot.
"Umalis kanaaaaa!" nagulat ako sa pagsigaw niya sa akin.
"Habang-buhay na siyang ganyan at hindi mo na siya mababago kaya umalis kanaaaa!" Sigaw niyang muli sa akin at nakita ko ang pagtulo ng luha niya.
"Subukan po natin." Sabi ko at hindi siya umimik. Nakatalikod lang siya sakin habang may ginagawa siya sa kanyang abuhanan.
"Nabibilang nalang po ang oras ko. Kung hindi ko po ibibigay ang buhay ko kay Martis, si Elfren po ang kukuha sa akin. Siya ay prinsipe ng engkanto, anak po siya ng asawa mo." Pagpapatuloy ko.
"Bakit po bumalik ang asawa mo sa mundo ng mga engkanto?" Tanong ko. Tumahimik ako at hinintay ang kanyang sagot.
"Wala na siyang balak na bumalik pa doon." Salita niya
"Subalit, pinakain siya ni Amliw ng itim na kanin kaya nakabalik doon ang asawa ko. Sinilaw siya sa kapangyarihan. Hindi ko alam kung natatandaan niya pang may anak kami." Dagdag niya at dinig ko ang mahina niyang pag-iyak.
"Ang tagal na naming nagdudusa ng anak ko. Halos isang daang taon na." wika niya.
"Tinalikuran ko na ang pagiging asuwang at nabubuhay kami sa pagkaing hayop na nahuhuli ko dito sa kagubatan. Alam ko na si Amliw ay matagal ng may gusto sa kanya at siya ang gustong makatuluyan ng kanyang ama ngunit ako ang mahal niya kaya sa akin siya sumama. Isinumpa ng ama niya at ng ina ko ang aming anak na si Martis. Araw-araw akong naawa sa kanya at sinisisi ko ang sarili ko ung bakit nangyari sa kanya 'yan." Umiiyak nitong sabi.
"Paano po nagsimula ang love story niyo?" Tanong ko at napatingin siya sakin at napangiti. Pinunasan niya ang kanyang luha at tumingin sa langit.
"Ang pamilya ko ay nagmula sa pinuno ng kulto. Kaya kami naging asuwang dahil ang paniniwala namin ay lumalakas kami kapag nakakakain ng laman ng tao o nakakainom ng dugo. Nagkakilala kami sa panaginip. Noong kabataan ko, katulad mo. Ako ay maputi, mahaba ang buhok ko at matangkad. Litaw ang kagandahan sa mga engkanto kapag ganoon ang itsura ng babae. Nagkakilala kami sa panaginip. Araw-araw ko siyang napapanaginipan at dinala niya ako sa kaharian niya. Pinapakain niya ako ng itim na kanin na 'yun subalit hindi ako pumayag. Dahil sa kagustuhan niyang makasama ako, umalis siya sa kaharian niya at sumapi siya sa kaibigan ko na inatake sa puso. Nagsama kami at tinutulan 'yun parehas ng aming mga magulang. Mahal namin ang isa't-isa kaya't nagpakalayo-layo kami. Nakarating kami dito, sa gitna ng gubat. Ang bahay na 'yan, siya ang nagtayo niyan. Hanggang sa magkaanak kami at nang isinilang ko siya, natagpuan kami ng magulang ko at ng ama niya. Isinumpa nila ang anak namin at pagkatapos, iniwan na nila kami. Habang buhay kaming magdudusa at ang anak namin na si Martis ay magiging isang mabangis na hayop kapag hindi nasisinagan ng bilog na buwan. Isa siyang prinsipe sa kabilugan ng buwan at pagkatapos, babalik na siya sa pagiging mabangis sa gitna ng kagubatan. Bago umalis ang mga magulang namin, sinabi nila na may isang babae na isisilang sa kabilugan ng buwan at siya ang magiging lunas sa sumpa. Ang tagal mong dumating. Ang tagal na naming naghihitay sa'yo, babae. Subalit ngayon, nakapagdesisyon na ako na ipagpatuloy nalang ang sumpa. Sampung taon palang si Martis nang iwan na kami ng kanyang ama. Mag-isa ko siyang pinalaki at nakakausap ko siya ng maayos kapag bilog ang buwan pero sa mga ganitong oras? Kailangan ko siyang pakainin ng hayop para kumalma ang kanyang pagsigaw." Kwento niya.
"Immortal po ba kayo?" Tanong ko.
"Kapag kusa naming isinuko ang kapangyarihan ng pagiging asuwang. Magiging mortal na kami. Pero sa kalagayan ng anak ko, isa siyang immortal hangga't hindi nakakainom ng dugo mo subalit..." Sagot niya.
"Oras na maging ordinaryo na siyang tao. Isa na siyang mortal. Mauubos na ang kanyang buhay at mamamatay na din siya, katulad mo." Dagdag pa niya.
"Hindi na po kayo nagmahal ulit?" Tanong ko at umiling-iling siya.
"Ayokong mapahamak ang anak ko. Siya ang nag-iisang kayamanan ko kaya't ayos na sa akin ang walang katuwang sa buhay." Sagot niya at kita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.
"Handa po akong mamatay para sa anak niyo."
"Mahal na mahal ko po siya." Dagdag ko at binuksan niya ang pintuan ng kahoy niyang bahay. At ang bubong naman ay yari sa dahon ng niyog. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko at pagkapasok ko, nakita ko si Martis na kumakain ng tupa. Mabaho ang amoy ng loob ng bahay at sobrang masangsang ang amoy. Halos masuka ako dahil umaabot sa kailaliman ng sikmura ko ang amoy. Napatigil siya sa pagkain ng tupa nang makita niya ako.
Pinatigil siya ng kanyang mama. Malayo ang itsura niya kapag bilog ang buwan. Mukha siyang hayop, mahaba ang kanyang buhok, maitim, mahaba ang kuko, at ang kanyang katawan ay mabalahibo. Makukumpara ko siya sa isang unggoy na mabangis ang itsura.
"Isa siyang bisita anak." Wika ni Ira. Ina ni Martis.
"Hindi ka niya nakikilala. Babalik lang ang ala-ala niya kapag bilog na ang buwan." Dagdag pa niya. Nanginginig ang kalamnan ko dahil sa takot. Ang sama ng tingin niya sa akin at parang gusto niya akong kainin na katulad ng ginawa niya sa tupa na labas ang bituka. Dahan-dahan kong inilakad ang aking mga paa patungo sa kanya. Naupo ako sa harap niya at pinunasan ang kanyang labi. Nakatingin lang siya sakin at namumuo ang luha ko sa aking mga mata.
"Kung alam ko lang na matagal ka ng nagdudusa sa kalagayan mo. Sana matagal na kitang nakilala." Sabi ko at pinunasan ang aking luha. Napatingin ako kay Ira at umiiyak siya. Napapikit nalang ako dahil sa takot subalit buo na ang desisyon ko. Lumapit pa ako sa kanya at inalis ang buhok sa aking leeg at itinapat sa kanyang bibig.
"Mahal na mahal kita, Martis." Sabi ko sa kanya at napahiga nalang ako sa lupa nang sunggaban niya ang leeg ko kasabay ng pagkulog at kidlat ng malakas kahit na walang ulan akong naririnig mula sa labas. Hindi ko ramdam ang sakit ng pagbaon ng kanyang matalim na pangil sa aking leeg. Habang inuubos niya ang dugo ko ay bumabalik ang mga ala-ala ko mula sa aking pagkabata. Nakita ko sa maputing ala-ala kung paano ako isilang, ang mga araw na nagbibirthday ako kasama ang pamilya ko, ang mga gabing nagpaparty ako sa club kasama ang mga kaibigan ko, ang araw na pagbalik ko dito sa probinsiya, ang araw na nakilala ko siya sa ilalim ng buwan, ang mga halik at yakap niya sa akin. Tila isang segundo na dumaan iyon sa aking isip. Malabo na ang kita ng aking mga mata subalit naaaninaw ko ang pagbabago ng mukha at katawan ni Martis. Ngumiti ako sa kanya at doon na ako nawalan ng malay.
////////////////
BINABASA MO ANG
Luha Ng Buwan
FantasíaHindi niya alam na ang misteryosong buwan na lagi niyang tinitingnan ay ang lalaking mahal niya.