Chapter Thirty-One

432 17 0
                                    

TULALA si Chesca habang sumisimsim sa milk tea na in-order niya sa SweeTea. The tea shop was introduced to her by Muse. Nang masubukan ni Chesca ang milk tea doon ay hindi na siya nagtaka kung bakit naging paboritong tambayan 'yon ng kaibigan. Kahit siya ay madalas ding pumunta doon kapag may free time. Tulad ngayon. Matapos ang interview ng isang talk show sa kanilang mga modelo ng Girlfriends ay wala na siyang ibang schedule. Kaya hayun at kinokonsumo niya ang oras para sa kanyang “Me Time”.

Pero mukhang masisira din 'yon nang mapagsino niya ang pumasok sa loob ng tea shop. Nagsalubong ang kanilang mga paningin at excited na kumaway ito sa kanya bago lumapit.

“Ate Chesca! Nandito ka!” maingay na wika ni Champagne na umupo sa kanyang harap.

“No, sweetie. I’m just a picture of your hallucination,” panonopla niya sa kaibigan. Napanguso ito na ikinatawa niya. “Bakit ka nandito? Akala ko umuwi ka na?” Magkakasabay kasi sila na lumabas ng TVZ building kanina kung saan ginanap ang interview. Sakto namang walking distance lang doon ang SweeTea kaya dito siya dumeretso nang magpaalam silang magkakaibigan sa isa’t-isa.

“Marami talaga ang nabubuhay sa akala, 'no? 'Yong akala mong tama, mali pala. 'Yong akala mo namang mali, 'yon pala ang tama,” makahulugang sambit nito at napailing-iling.

Kumunot ang noo niya at pinaningkitan ito ng mga mata. “I was just asking you a simple question. Bakit ang lalim kaagad nang pinaghugutan mo? May problema ka ba?”

“Ikaw nga dapat ang tanungin ko niyan. May problema ka ba? You seemed distracted these past few days. Akala mo hindi ko napapansin?” pang-iintriga nito. Champagne is really a keen observer. Lagi na lamang itong may opinyon sa mga bagay-bagay. Tipong titingnan lamang niya ito ng mata sa mata ay tila mababasa na kaagad nito ang lahat nang tinatago niya sa sarili. Kaya minsan ay ilag siyang makipag-usap kay Champagne dahil masyado itong matanong at maobserba. It was hard to make up a lie to her.

“I’m not,” matipid niyang tugon bago humiwa sa blueberry cheesecake at isinubo 'yon. “Saka, ikaw ang tinatanong ko kanina kung saan ka galing?”

Sumandal ito sa upuan at humalukipkip. “Diyan lang. Nang-stalk.”

Tumaas ang isang kilay niya. “Who are you stalking?”

Umiling-iling ito at nakakalokong ngumisi. “That was another question. Ikaw, ano’ng problema mo? C’mon, Ate Chesca. Your mouth could lie but not your eyes. I remembered the scene last week. Iyong nagkaroon tayo ng shoot sa Vergara Palace. Dumating 'yong former model na si Miley, if I remembered it correctly, kasama iyong ipinakilala niya raw na fiancée na si Caige. You were too distant at that time. You seemed so occupied. Simula no’n, napansin kong nagiging matamlay ka na. There’s something going on between the three of you, right?”

Natameme si Chesca sa naging obserbasyon ni Champagne. The woman hit the bull’s eye. At ang katahimikan niya ang nagpatotoo sa mga sinabi ni Champagne dahil ngumiti ito at tumango.

“So, it is. Ano’ng mayroon?”

“You really wouldn’t let it go, do you?” napapailing niyang sambit. Umiling-iling naman si Champagne.

“Fine!” sumusuko niyang tugon at itinaas ang dalawang kamay. “I’m going to tell you everything. But can you keep your mouth shut after this?”

Itinaas ni Champagne ang isang kamay at gumuhit ng cross sa dibdib nito. “You have my word, Ate Chesca. So, tell me the tale,” nakangiting tugon nito. Naitirik ni Chesca ang mga mata sa excitement na nakikita sa mukha ni Champagne. Mukhang malaking karangalan dito na malaman ang tungkol sa kanyang usaping-pampuso. Hindi naman kasi siya nagkukuwento. Ngayon pa lang. Dahil tila sasabog na siya sa lahat nang nangyayari ngayon.

Huminga siya ng malalim at sinimulan ang pagkuwento—mula sa paghihiwalay nila ng first boyfriend na si Chain hanggang sa pagkakalapit at ginawa niyang pag-iwan kay Caige at ang nangyaring komprontasyon sa pagitan nila sa Marinduque. Habang binabalikan niya isa-isa ang mga alaala ay pigil na pigil ni Chesca ang mapaiyak. Miss na miss na niya si Caige. 'Yong pakiramdam na ang lapit-lapit ni Caige sa kanya pero hindi niya ito mahawakan man lang. Tahimik lamang si Champagne at seryosong nakikinig sa kanya. Mukhang dina-digest talaga ni Champagne ang mga sinasabi niya at iniisip ng mabuti ang dapat nitong isagot pagkatapos.

Girlfriends 2: Rescued Hearts (To be published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon