Pitong Gabi ng Pagpili

727 25 0
                                    


ANG PITONG Gabi ng Pagpili ay ginaganap tuwing ikalabing-dalawang taon sa Cantata. Sa Pitong Gabi ng Pagpili, ang mga prinsipe ng Cantata ay pipili ng babae o binabae na mapapangasawa ng mga ito.

Ang Cantata ay isang dimensyong nahahati sa limang kaharian. Lima--dahil ang kaharian ng mga mangkukulam ay hindi ibinibilang sa Cantata, kahit bahagi talaga iyon ng dimensyong iyon. Ngayong taon, ang Pitong Gabi ng Pagpili ay gaganapin sa Preseo, ang kaharian ng mga diwata—ang kaharian ni Prince Charming.

Paano nagsisimula ang Pitong Gabi ng Pagpili? Sa tunog ng mga trumpeta. Kasunod niyon ay bubukas ang mga bintana ng mga kabahayan, dudungaw ang mga kababaihan at papanoorin ang parada. Sa parada, naroon ang mga prinsipe ng kaharian. Kasama ng mga ito ang mga kawal ng Preseo, at si Bocca, na tigapagsalita ng hari ng Preseo.

"'Ayan na ang parada!" sabi ni Cassandra sa kanila. Nasa eskinita sila, nanonood.

Nagtitili si Cordelia, ang isa pa nilang kasamahan. Titig na titig lang ito sa mga prinsipe. Iba naman ang concern ni Cromuella. Si Bocca na tigapagsalita, hayun at kembot nang kembot habang naglalakad!

"Ito namang si Bocca, ang harot harot," sabi ni Cromuella.

"Ang guwapo ni Prince Charming, 'no?" sabi lang ni Cordelia. "Parang mabango pati singit!"

"Cordelia!" sabi niya, nagulat. "Nakakadiri! 'Wag mong pangarapin ang masamang ibon ng prinsipe hanggang di pa kayo kasal!"

"Ay, gusto kong makilala nang mabuti ang ibon ng prinsipe!" sabi lang ni Cordelia.

"Tigilan n'yo na 'yan!" sigaw ni Cassandra. "Sumunod na tayo sa parada."

Ang mga kababaihan ay talagang inaasahang sumali sa parada. Lalabas sila ng kanilang mga bahay at susunod sa mga prinsipe hanggang sa makarating sa plaza. Silang mga mangkukulam ay hindi puwedeng magpakita sa iba pang kababaihan. Malaki ang galit ng lahat ng tao sa iba't-ibang kaharian sa kanilang mga mangkukulam. Papatayin sila kapag nakita sila. Mabuti na lang at nambugbog sila ng mga babaylan. Ninakaw nila ang suot ng mga iyon. Mahaba ang damit ng mga iyon at ultimo mukha nila ay natatakpan. Mata lang nila ang kita. Hindi sila napapansin ng iba.

Natapos ang parada. Nasa plaza na sila, nakaupo ang mga prinsipe sa magagandang ginintuang silya ng mga ito. Panay ang pagkaway at pagkindat ng mga iyon.

Lima ang prinsipe sa Cantata. Si Brick ang nakaupo sa dulong kanan, bukakang-bukaka. Prinsipe ito ng Vermuna, ang kaharian na malaki ang pagpapahalaga sa sex. Kaya siguro nakabukaka, akala may maaakit. Sa tabi ni Prinsipe Brick, naroon si Prinsipe Rolfe, mula sa kaharian ng Aurelius. Namumuti ang mukha dahil sa polbo. Posturang-postura ang upo. Ang Aurelius kasi ay kaharian na kagandahan naman ang pinapahalagahan, kaya ayan, mukhang tinapay na di pa luto ang mukha.

Sa tabi ni Aurelius naroon si Prinsipe Moni, prinsipe ng Radon. Prinsipe ito ng mga duwende. Maliit, kaya espesyal ang upuan na gamit nito. Mataas. Sa tabi ni Prinsipe Moni, naroon si Prinsipe Lineus, ang prinsipe sa Wolfeum na kaharian ng mga lobo. Balbon na balbon ang prinsipe at kapag ngumingiti ay lumilitaw ang matatalas na ngipin. Pati tinga, kita nila.

Sa kabilang dulo, naroon si Prince Charming. Sa lima, ito ang pinaka-normal.

Nagpunta na si Bocca sa tapat ng mga prinsipe. Nakaharap ito sa kanila, sayaw nang sayaw, panay ang hawak sa suso.

"Nakita n'yo na ba kung gaano kaguwapo ang mga prinsipe natin ngayong umaga?" sabi ni Bocca, nakangiti. May hawak itong isang bagay na tila embudo. May mahika iyon dahil kapag nagsasalita ito doon ay naririnig ito ng lahat. "Hindi ba at napakaguwapo nila?" Kumembot na naman si Bocca. Minsan, naisip ni Cromuella na baka nilalanggam lang talaga ito, ayaw lang umamin. Tapos, madalas lang na sa suso ito langgamin.

"Gusto n'yo ba silang makasama? Makatabi?" sabi pa ni Bocca. "Gusto n'yo bang mahagkan ang kanilang mga labi?"

Sigawan ang mga babae. Ang ilan ay napapatalon pa.

Si Bocca ay ngumiti. "Ito na ang panahong hinihintay natin," sabi nito, muling iginala ang tingin sa paligid. "Dumating na ang Pitong Gabi ng Pagpili!" Idinipa nito ang mga kamay.

Ipinaliwanag na ni Bocca ang mangyayari sa Pitong Gabi ng Pagpili. "Una, isuot n'yo ang pinakamaganda n'yong damit," sabi niya.

Ikalawa, kailangan daw nilang lagyan ng kolorete ang mga mukha nila. Minsang naglagay si Cromuella ng kolorete ay pinagsasampal siya ng kanyang ina. Hinila siya nito sa buhok, kinaladkad sa ilog at itinulak doon. Ang kolorete daw ay dahilan para mabuhay ang mga masasamang ibon. Hamer daw ba siya? Ang hamer ay isang puta. Puta lang daw ang nagkokolorete. Magdasal daw siya na burahin ng Panginoon ang damdaming puta sa puso niya.

Minsan, natutuwa si Cromuella na iniwan niya ang kanyang ina.

"Ikatlo, pumunta kayo sa palasyo para magpakita ng itinatago ninyong kakayahan. Maaring makuha pa nitong lalo ang atensyon ng mga prinsipe," paliwanag pa ni Bocca.

Nasundan iyon ng yabangan ng talent. May kumanta na, nakahawak pa sa dibdib. Merong nagyabang, marunong daw tumawid sa alambre. Iyong niyabangan, mas nagyabang. Marunong naman daw sumayaw sa nagbabagang kahoy habang nagjajuggling.

"Ikaapat, pitong gabi ang selebrasyong ito. Anim na gabi ang ibinigay sa inyong panahon para mapahanga ang mga prinsipe. Sa huling araw ay pipili na sila sa inyo ng magiging nobya nila, na posible nilang maging asawa."

Nang matapos ang paliwanagan ay nagsimula ang tanungan. May binabaeng nagtanong kung puwede silang sumali sa Pitong Gabi ng Pagpili. Puwede raw, sabi ng mga prinsipe. Si Cromuella, lumilipad ang isip. Paano niya tuluyang matatakasan ang kanyang ina, ang kanyang dating buhay, kung imposible namang makabingwit siya ng prinsipe? Galit sa kanila ang mga prinsipe at alam niyang kapag nakita sila ng mga iyon ay baka ipapatay sila agad.

Hindi yata pinagplanuhan ni Cassandra ang lahat ng ito. Parang dapat niyang balikan ang kanyang ina.

At ano? Mapuno ng takot ang puso?

Nang wala ng katanungan ang mga kababaihan tungkol sa Pitong Gabi ng Pagpili ay yumukod si Bocca nang matagal para lang siguro ipagmayabang ang dibdib. Tumunog uli ang mga trumpeta. Tumayo ang mga prinsipe. Sumenyas ang mga guwardiya ng prinsipe. Nahawi ang napakaraming babae para mabigyang daan ang mga lalaki. Walang nagawa ang mga babae kung hindi tanawin na lang ang mga iyon.

Si Cromuella ay tumitig sa mga kasamahan. Tulala si Cordelia sa papalayong si Prince Charming habang si Cassandra naman ay salubong ang kilay habang nakatitig sa mga paalis na prinsipe. Naglalakad na din pauwi ang mga kababaihan, grupo-grupo, nagkukuwentuhan tungkol sa gaganaping piging.

"Paano natin maisasagawa ang mga plano natin, Cassandra?" tanong ni Cromuella. "Paano tayo makakapangasawa ng prinsipe kung ni hindi nga tayo puwedeng pumasok sa palasyo? Hindi naman tayo puwedeng pumasok ng nakadamit ng babaylan--"

"May paraan," putol ni Cassandra sa sasabihin pa sana niya. Nakasunod pa din ang tingin nito sa mga prinsipe. "May paraan para mapasok natin ang palasyo. May paraan para makuha natin ang atensyon ng mga prinsipe."

"Ano?"

Pero hindi sumagot si Cassandra. Para bang tulad din niya ay hindi nito alam ang sagot sa tanong.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon