Ch 3: Talent Portion at and Ibon ng Boys

484 21 3
                                    

PAGPASOK nina Cordelia sa bulwagan ng palasyo, hindi niya mapigilan ang sarili na mamangha. Maluwag, malamig, maliwanag. Maliwanag, siguro dahil sa mga chandelier at sa mga kandilang nakapatong sa mga mesang nadidekurasyunan ng pulang table cloth. Siguro, maliwanag din dahil sa kinang sa mata ng mga babae at binabaeng nangangarap makasungkit ng puso ng isang prinsipe.

Sa bulwagan ay naghiwa-hiwalay na silang magkakaibigang mangkukulam. May kanya-kanya na silang pupuntahang prinsipe. Ipinilit ni Cordelia na kay Prince Charming ito pipila. Ayaw man niya kay Principe Brick, ang prinsipe ng Vermuna, ito ang pinili niya. Parang hindi niya maatim makipaghalikan sa prinsipeng lobo o duwende. Okay na siya sa prinsipe ng kahariang hayok sa sex, baka maturuan pa niyang marami pang importanteng bagay sa mundo bukod sa pagsunod sa layaw ng masamang ibon.

Pumila na siya para makipagkilala kay Prinsipe Brick. Sa unang gabi, ipapakita na ng mga babae at binabae sa mga prinsipe ang talent ng mga ito. Kaya karamihan, may bitbit na props. Sa harapan, isang binabae ang lumulunok ng espada. Tawa naman nang tawa si Prinsipe Brick.

"Para siyang tanga 'no?" sabi ni Cromuella sa katabi niyang babae na namumutla na. Itinuro niya ang binabaeng lumulunok ng espada. "Buti na lang ako, simple lang ang talent. Magaling ako kumanta." May kayabangang sabi niya.

Tumango lang ang babae, halatang kinakabahan.

Nilibang ni Cromuella ang sarili sa panonood ng talent ng iba. May babaeng suminghot ng butil ng palay at inilabas sa mata. May isa pang babae na kumakanta habang pinapatakan ng kandila ang braso. May binabaeng sumayaw habang naghuhubad, sinaway agad ng mga kawal. Maskulado kasi saka balbon.

"Mga nasisiraan ng bait ang mga tao dito," sabi pa ni Cromuella sa katabi niyang tahimik lang. Siniko niya iyon at napadiretso iyon ng tayo na parang nagulat. "Siguradong mas katutuwaan ng prinsipe ang talento ko sa pagkanta."

Bata pa lang kasi si Cromuella, tinuturuan na siya ng kanyang ina na kumanta. "Ang masamang ibon... ng mga lalaki... ay 'di mahal ng Diyos... di kumukupas... Ang masamang ibon ng mga lalaki..."

Sa wakas, nasa unahan na ng pila ang namumutla ng babae sa harap niya. Hindi ito makatingin kay Prinsipe Brick na naka-slouch sa trono nito at nakabukaka pa. Nakatingin naman si Prinsipe Brick sa babae. Aaminin naman ni Cromuella na maganda ang babae. Pero maganda din siya dahil sa mahika. At magaling pa siyang kumanta.

"Ano ang ipamamalas mo sa 'ming kakayahan, binibini?" tanong ng kanang kamay ni Prisipe Brick. Nakatayo ito sa kanan ng prinsipe. Pandak na malaki ang tiyan at malapad ang ilong at tikwas ang nguso.

"Ako po ay aawit."

"Iparinig mo sa 'kin ang iyong tinig, magandang binibini," sabi ng prinsipe.

Tumango ang babae, yumuko. Kinakabahan ito kaya alam ni Cromuella na pipiyok ito. Hindi matutuwa ang prinsipe at paalisin ito. Magwawala ito, hihilahin ng mga kawal pero kanta pa din nang kanta kahit sintunado. Siya naman ang mabibigyan ng pagkakataon at aawit siya ng buong puso. Maiiyak ang prinsipe dahil sa emosyon sa kanyang tinig at magugustuhan siya nito. At ibig sabihin niyon au matatapos na ang kanyang walang katapusang pagtakas--

"Ako'y munting ibon na umaawit sa 'yo. Dalhan mo ako ng pulang bulaklak..."

Natahimik si Cordelia. Natigil sa pantasya. Napakagaling ng babae. Malumanay, malamig ang tinig. Lalo pang napatikwas ang nguso ni pandak. Si Prinsipe Brick ay nawala ang pilyong ngiti sa labi at napatitig lang sa babae.

Sige lang sa pagkanta ang babae. Nakapikit pa. Iyong babaeng nagpatak ng kandila sa sarili kanina habang kumakanta ay nakatunganga lang sa babae habang marami pa ring wax sa katawan nito. Nang matapos sa pagkanta ang babae, nagpunas ng luha ang pandak na kanang kamay ni Prinsipe Brick.

Si Prinsipe Brick ay ngumiti, may kislap sa mga mata. Dumukwang siya sabay tanong, "Ano'ng pangalan mo?"

"Mirella."

Hindi mapakali si Cromuella. Napakahusay ni Mirella. Kapag sinundan niya ang ginawa nito, mapapahiya siya. Kinagat niya ang labi niya, nag-isip.

"Gusto kitang makasayaw sa ikatlong gabi," sabi ng prinsipe.

Tuwang-tuwa naman si Mirella. Panay ang pasasalamat nito bago umalis sa pila, dahilan para siya na ang nasa harap ng prinsipe. Pero ang tingin ng prinsipe ay nakatutok pa din kay Mirella.

Hindi pa siya dapat humarap sa prinsipe. Mapapahiya siya. Itinulak niya iyong binabae sa harap niya, iyong narinig niya kanina na nagyabang na kaya raw humiga sa mga nakatihayang pako.

"Ikaw muna," sabi ni Cromuella. Pagkatapos niyon ay umalis siya sa pila, naglakad sa bulwagan patungo sa pinto ng palasyo. Nang makarating sa verandah ng palasyo ay pinakalma niya ang sarili.

May pag-asa pa. Magsasanay ako ngayon na. Sasamahan ko ng konting sayaw ang aking pagkanta. May pag-asa pa.

Tumikhim si Cromuella. Pumikit. Tapos ay nagsimulang umawit. "Ang masamang ibon... ng mga lalaki..."Ipinagaspas niya ang mga kamay niya na parang mga pakpak habang kumekembot. "Ay 'di mahal ng Diyos... di kumukupas... Ang masamang ibon ng mga lalaki..."

Nakarinig si Cromuella ng hagikgik. Natigil siya sa pagkanta at pagsayaw. Dumilat siya. Lumingon, dahil sa likuran niya nanggagaling ang tinig. Sa pasimano ng verandah, nakaupo ang isang lalaki. Pabukaka din ang upo niyon na parang kay prinsipe Brick. Sa liwanag ng kulay kahel na ilaw sa verandah ay nakita niyang ngising-ngisi ito habang nakatitig sa kanya.

"Ituloy mo," sabi nito sa tinig nitong parang nang-aasar. "Gusto kong makilala ang awit mo tungkol sa mga ibon."

Hindi nakapagsalita si Cromuella. Bigla kasing nag-init ang magkabilang pisngi niya sa idinugtong ng estranghero.

"Sa ibon naming mga lalaki."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon