Ang Gabi ng Pagnanakaw ng Setro Part 2

284 17 0
                                    

RECAP, PLEASE READ: BILANG MGA NAGPAPANGGAP NA "HAMER" O PROSTITUTE, NANAKAWIN NA NINA CROMUELLA AT VAN ANG SETRO. MAGAWA KAYA NILA?

SABAY-SABAY binuksan ng mga kawani ng palasyo ang mga hawla. Naghiyawan ang mga tao sa paligid nang sabay-sabay ring bumaba sina Cromuella sa kani-kanilang hawla.

Agad na tumabi sa kanya si Van. Dumukwang ito at bumulong sa kanya. "Tumingin ka sa kaliwa, katabi ng mesa ng mga pagkain."

Tumingin si Cromuella sa direksyon ng mesa ng mga pagkain. Doon niya nakita ang isang lalaki na may mahabang balbas. Malalago ang namumuting kilay at luwa ang mga mata. May hikaw iyon sa malaking ilong.

"'Yan si Burbos," sabi ni Van. "Siya ang naghahawak ng mga susi sa mga pinto ng palasyo. Hindi niya iyon ihinihiwalay sa kanya. Palagi iyong nakasabit sa kanyang sinturon."

Tumingin si Cromuella sa sinturon ni Burbos. Mayroon nga doong bungkos ng mga susi.

"Nandiyan ang susi ng silid ng prinsipe," sabi ni Van. "Iyong may asul na brilyante sa hawakan, iyon ang susi na kailangan nating makuha."

"Paano mo nalaman lahat ng 'to?" sabi ni Cromuella.

"Matagal na akong nagtanong-tanong tungkol sa mga maharlika ng Vermuna. Isa pa, isa sa mga nagsasanay na lalaking hamer ang nagsabi sa 'kin ng iba pang impormasyon na kailangan natin."

"Nakikita n'yo ba kung gaano sila kaguwapo at kaganda?" sabi ng may-ari ng matinis na tinig. "Gusto n'yo na ba silang makasama?!"

Sigawan.

"Nakatalik na ng nakilala kong hamer si Burbos," sabi ni Van. "Madali raw malasing ang lalaking 'yan, at kapag nalalasing ay nawawala sa sarili, hindi na raw alam ang nangyayari sa paligid. Kailangan ko lang siyang lasingin at siguradong makukuha ko sa kanya ang susi ng walang kahirap-hirap."

"Bibigyan kayo ng dalawang oras para makihalubilo sa mga hamer," naulinigan niyang sabi ng may -ari ng matinis na tinig. "Kausapin n'yo sila, suyuin. Kung kayo ay katutuwaan ng hamer, baka paligayahin nila kayo gamit ang mga natutunan nila sa napakagandang si Allesandra."

Nagsigawan ang mga kalalakihan nang marinig ang pangalan ng kaakit-akit na binabae.

Lumunok si Cromuella habang nakatingin sa mga tao sa paligid. Kinabahan siya para kay Van. Parang napakahirap ng kailangang gawin nito para makuha ang susi. Marami kasing posibleng mangyari. "Sigurado ka ba na malalasing siya? Paano kung nagsinungaling sa 'yo ang hamer na nakilala mo sa bahay ni Allesandra? Paano kung mahuli ka niya na kinukuha ang susi?" Hindi maiwasan ni Cromuella na mag-alala. Doon lang niya naiisip na lubhang delikado ang gagawin nila.

"Kung hindi ko man siya malasing, sigurado ako na mararamdaman ko iyon," sabi ni Van. "Ang maari ko na lang gawin ay gamitin ang mahikang naituro sa 'kin at ihipnotismo si Burbos. Pero alam mo naman ang nangyari ng ginawa ko iyon sa pagnanakaw ng setro sa Preseo."

Nakialam siya at nasira ang plano, iyon ang nangyari.

"Mag-ingat ka," sabi ni Cromuella.

"Ikaw rin, mag-ingat," sabi ni Van. "At kung kaya mo, 'wag kang masyadong makipaglapit sa mga lalaking lalapit sa 'yo. 'Wag mong hayaang hawakan ka nila. Baka hindi ako makapagtimpi, makasapak ako. Masisira ang plano."

"Ikaw rin, 'wag kang makipaglapit sa mangilan-ngilang babae na naririto," sabi niya.

"Sa 'yong sa 'yo ako," sabi nito. "Basta kapag kumaway ako sa 'yo, Cromuella, ang ibig sabihin ay nakuha ko ang susi. Sabay tayong pupunta sa silid ng prinsipe, sabay tayong tatakas."

"Sige," sabi ni Cromuella. "Mag-ingat ka." Inulit niya dahil hindi talaga maalis ang kaba sa dibdib niya.

"Para sa 'yo, mag-iingat ako," sabi nito.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon