Rebelasyon ni Rapunzel

286 17 2
                                    


MATABA ang buwan at ayaw magpatakip sa makakapal at maitim na ulap. Ang kalangitan ay napapalamutian ng mga bituin. Sa totoo lang ay isa iyong magandang gabi. Kung hindi nga lang sila dapat magtungo sa tore ni Rapunzel.

"Rapunzel, Rapunzel, let down your hair!"

Hindi sila naghintay nang matagal. Iniladlad na ni Rapunzel ang mahabang buhok nito.

"Tara na, umakyat na tayo," sabi ni Van.

Labag sa loob ni Cromuella na umakyat. Bakit ba? Bakit kay Rapunzel pa kasi kailangang ipatago ang mga ninakaw nila? Kung puwede lang sanang sabihin kay Van na 'wag nang puntahan si Rapunzel, ginawa na niya.

Sinalubong sila ni Rapunzel. Napapatalon ito, tuwang-tuwa na may makitang tao. Sa tabi nito ay tumatalon na rin ang alaga nitong higanteng kuto na si Cutie.

"Maligayang pagbabalik!" sabi ni Rapunzel. Kay Van lang ito nakatitig, na para bang wala naman itong pakialam sa presensiya niya. Nakahawak ito sa dibdib, parang pinipigilan ang sariling tumakbo palapit kay Van.

Ang kuto ang hindi nakatiis. Lumapit ito kay Van. Ikiniskis ang katawan nito sa binti ni Van. Tumalungko naman si Van at hinimas ang kuto.

"Mayroon akong natirang pagkain," sabi ni Rapunzel. Doon lang siya tiningnan ng babae. "Kung kukulangin man ay maari naman akong magluto."

Hindi na nito hinintay na makasagot sila. Nagtungo na ito sa maliit nitong hapagkainan at naghain. Habang palapit si Cromuella sa mesa ay sinadya niyang dumikit kay Van. Humawak siya sa braso ng lalaki. Saktong tumingala si Rapunzel mula sa paglalapag ng plato sa mesa. Nakita niyang nawala ang ngiti nito at ilang sandaling hindi nito mailapag ang huling platong hawak nito.

Kung ang mga mata ay bintana ng kaluluwa, nakita niya sa mga mata ni Rapunzel na nasaktan ito sa nakita. Nabasag ang puso nito at nakaramdaman man si Cromuella ng pagkakonsensiya, mas umiral ang pagiging makasarili niya. Kailangan na lang tanggapin ni Rapunzel na hindi ito mamahalin ni Van.

"U-upo na kayo," nabubulol na sabi nito, Pagkatapos ay tumalikod ito at humarap sa kaldero. Ilang sandaling nakatingin lang ito doon na inisip ni Cromuella na baka nagpipigil ito ng luha.

Nang humarap ito sa kanila ay nakangiti naman ito. Sumandok ito sa kaldero at naghain sa mga plato nila.

"Hindi mo naman kami kailangang asikasuhin," sabi ni Van nang makaupo na si Rapunzel sa silya sa tapat nila.

Ngumiti lang si Rapunzel. "Hayaan n'yo na," sabi nito. "Bihira lang naman akong magkaroon ng bisita."

"Sa totoo nga..." sabi pa nito. Bahagyang nanginig ang tinig. "Alam mo naman na ikaw lang ang bumibisita sa 'kin dito, 'di ba?"

Tumitig ito kay Van. Parang nailang naman si Van na naglayo ng tingin. Kinokonsensiya ba nito si Van? Ipinapaalala ang mga tagpong nakasama nito ang lalaki? Pero siya ang itinatangi ni Van. Kailangan nitong malaman iyon. Kailangan ring intindihin at tanggapin. Pagkakaibigan lang ang meron ito at si Van at ang mga sandaling magkasama ang mga ito ay walang kahulugan.

Tumikhim si Cromuella. "Alam mo ba, Rapunzel, habang nagpaplano kami para sa pagnanakaw ng setro... maraming nangyari," sabi niya, pinasaya ang tinig. "May inamin sa 'kin si Van."

Napakurap si Rapunzel. Tapos ay tumitig sa kanya. "A-ano?" Puno ng takot ang tinig nito.

"Inamin niya na itinatangi niya ako," sabi ni Cromuella, pinasigla ang tinig. Napapalakpak siya. Kasabay ng pagpalakpak niya ay nag-tumbling ang kuto, isa sigurong trick na itinuro ni Rapunzel dito. Humagikgik si Cromuella. "At siyempre, inamin ko na din na itinatangi ko siya."

"Gano'n ba?" sabi ni Rapunzel. Tumango-tango ito. Tapos ay wala nang nasabi. Nakatingin na lang sa kanila, nakangiti. Dinilaan ang labi at tumango uli. "Kung ganoon... magkasintahan na kayo?"

"Parang ganoon na nga," sabi pa ni Cromuella. Hinawakan niya ang kamay ni Van. Ngumiti lang naman si Van sa kanya. Alam nito ang nararamdaman ni Rapunzel dito at hindi na siguro siya pinigilan ito para maging malinaw kay Rapunzel na wala itong pag-asa ng hindi iyon nanggagaling dito.

"Dapat... dapat natin iyang ipagdiwang," sabi ni Rapunzel. "Maghahanda ako ng espesyal na minatamis para sa atin. Sandali lang at... maghuhugas ako ng kamay."

Umalis sa mesa si Rapunzel. Nagtungo ito palapit sa pinto ng banyo. Binuksan, pumasok sa loob at isinara iyon.

Tumingin si Cromuella kay Van. Nakita niyang nagkaroon ng lungkot sa mga mata nito.

"Mas makabubuti na 'to," sabi ni Cromuella. "Masakit para sa kanya. Pero makakalimutan din niya ito. Hindi mo alam kung hanggang saan ang kaya ng isang taong kalimutan."

Hindi na lang nagsalita si Van. Tumango na lang ito. Nilamon na sila ng katahimikan.

KALAGITNAAN ng gabi ay nagising si Cromuella. Kailangan niyang magtungo sa banyo. Kinusot niya ang mga mata at hindi iyon maidilat, dahil sa liwanag ng buwan na pumapasok sa bintana ng tore. Ilang sandali din ang dumaan bago niya tuluyang maidilat ang mga mata niya, at nakita niya si Rapunzel na nakadungaw sa bintana, nakatingala sa buwan.

Hindi nagsalita si Cromuella. Bumangon siya paupo, nakatingin lang sa babae. Luhaan ang mukha nito habang nakatingala sa buwan. Nagniningning na tila bituin ang mga mata nito. Nakaramdam ng awa si Cromuella.

Tumingin siya sa natutulog na si Van. Tumingin uli siya kay Rapunzel. Tingin niya, narito silang lahat sa mundo para masaktan. At hindi niya iyon naiintindihan.

Tumayo si Cromuella, nagtungo sa banyo. Nang matapos niyang gawin ang dapat niyang gawin ay bumalik siya sa higaan. Pero hindi pa siya tuluyang nakakahiga ay nagsalita si Rapunzel.

"Masuwerte ka," sabi ni Rapunzel. Ang tinig niya ay kasinglamig ng gabi. "Masuwerte ka dahil ikaw ang itinangi niya."

Pinunasan ni Rapunzel ang luha nito. Muling tiningala ang buwan. "Siya ang unang lalaking itinangi ko," sabi nito. "At siya lang ang itatangi ko sa puso ko hanggang huli. Pero masakit lang, kasi hindi niya ako itinatangi. Siguro, walang lalaki sa mundo na itatangi ako."

"Hindi mo alam 'yan," sabi niya. "Hindi ka nakakasiguro."

Natawa si Rapunzel. "Tingin mo ba mayroon?" sabi nito. "Balak akong ipagkasundo kay Prince Charming, dahil ang nakasayaw niya sa Pitong Gabi ng Pagpili ay hindi na mahanap. Pero palaging nagpapadala sa 'kin si Prince Charming ng sulat, sinasabing nandidiri siya sa 'kin," sabi nito. Panay na ang pagpatak ng mga luha nito. "Panay ang sabi niya... na nakakadiri ako." Tuluyan nang nabasag ang tinig nito.

"'Wag mong isipin ang sinabi ng prinsipeng iyon," sabi ni Cromuella, bumibigat ang loob.

Tumawa uli si Rapunzel. Napailing, saka muling pinunasan ang luha. "Oo," sabi nito. "Mas mahalaga sa 'kin ang iniisip ni Van. At si Van, kahit kailan, hindi ako pinandirihan."

Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Nagsisimula nang mailang si Cromuella kung hindi lang muling nagsalita si Rapunzel.

"Napakabuting tao ni Van," sabi ni Rapunzel. "Marami siyang pinagdaanan pero isa pa rin siyang mabuting tao."

Maraming pinagdaanan na hindi niya alam.

Bumaling si Rapunzel sa kanya. Basa pa rin ang mukha nito. Nagkatitigan silang dalawa.

"Gusto mo bang malaman ang nakaraan niya?"

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon