Ang Lawang Salamin

358 19 4
                                    

NARATING nila ang Lawang Salamin. Napaliligiran iyon ng puno. Malamig ang simoy ng hangin doon at ang tubig ay tila amoy pabango. Sa ibabaw ng lawa ay mayroong mga alitaptap.

"Ang ganda," sabi niya.

Nilingon siya ni Van at nginitian. "Maganda talaga dito." Tumingin ito sa lawa. "Tara, tingnan natin ang repleksyon natin sa lawa."

"Ganoon kalinaw ang tubig?" manghang tanong niya. "Pati sarili mo makikita mo?"

Tumango si Van. "Kaya ito tinawag na lawing salamin. At hindi lang 'yon," sabi pa nito. "Ito ay mahiwagang lawa. May mahika rito sa lawang ito."

"Mahika?" Nasabi ni Cromuella. Puwedeng maglaga ng itlog?
"Oo, may mahika," sagot ni Van. "Magsasalita ang repleksyon mo sa lawa."

"Talaga?"

"Oo. At sasabihin ng repleksyon mo ang mga bagay na hindi mo masabi," sabi nito. "Kaya tinatawag din itong Lawa ng Katotohanan."

"Ha?"

Hinila na naman nito ang kamay niya. Bigla, kinabahan siya. Paano kung... paano kung sabihin ng repleksyon niya na isa siyang mangkukulam? Paano kung ibuko siya nito mismo sa anak ng hari? O paano kung ang repleksyon niyang makita sa lawa ay ang anyo niya bilang mangkukulam? Baka magsisigaw si Van.

Pero ano naman ang sasabihin niya? Paano niya tatanggihan ito? Walang paraan. Bigla ay parang gusto niyang magsisi na sumama pa siya sa lalaki.

Wala nang pagkakataon para sisihin ang sarili. Nadala na siya nito sa mabatong gilid ng lawa. Natanaw na niya ang tubig at napapikit siya ng maaninag niya ang bulto niya sa tubig. Malakas ang tibok ng puso niya.

Narinig niya ang malakas na tawa ni Van. "Ano ka ba?" sabi nito. "Bakit ka pumikit? Dumilat ka."

Bumuntong-hininga si Cromuella. Dahan-dahang idinilat ang mga mata. Ang nakita niyang repleksyon niya sa tubig ay ang anyo niya dahil sa mahika. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag. Pero hindi pa siya kampante, dahil paano kung magsalita ang repleksyon niya, tulad ng sinasabi ni Van?

Sa una ay parang normal lang ang mga repleksyon. Pero nang bigla ngumiti ang repleksyon ni Vam nang malapad, kahit hindi naman ngumingiti ng ganoon si Van ay muntik na siyang mapasigaw. Pinigil lang niya ang sarili niya.

"Ano, Van?" sabi ng repleksyon. Tapos ay humagikgik ito. "Wala ka na namang tapang na magsabi, ano?"

Hindi nagsalita si Van.

Biglang bumaling kay Cromuella ang repleksyon ni Van. Muntik na siyang mapatalon at mahulog sa lawa.

"Alam mo ba kung ano ang naiisip ni Van?" sabi ng repleksyon. "Iniisip niya na ikaw ang napakagandang babae na nakita niya sa buong kaharian."

Nag-init ang mga pisngi niya. "S-salamat," sabi niya sa repleksyon.

"Alam mo kung ano ang hindi niya talaga kayang sabihin?" sabi pa ng repleksyon, umangat ang isang kilay nito. "Ewan ba niya pero kahit sandali ka pa lang daw niyang nakikilala, gusto na niyang manghingi ng yakap sa 'yo."

Sa narinig na iyon ni Cromuella ay nag-init ang buong mukha niya. Nang nilingon niya si Van ay tila lumundag ang puso niya nang makita niyang nakatitig na ito sa kanya.


YAKAP.

Kahit yakap ng lalaki ay hindi pa rin nararanasan ni Cromuella.

Ano kayang pakiramdam?

Ano ang pakiramdam na makulong sa matipunong bisig ng isang lalaki? Sumubsob sa malapad na balikat o sa matigas na dibdib? Ano ang pakiramdam na malanghap ang amoy ng katawan ng isang lalaki?

Gusto rin talaga niyang malaman ang sagot.

"Maari ba?" tanong ni Van. "Maaari ba kitang mayakap?"

Hindi na tumango si Cromuella. Parang hindi na rin niya kayang magsalita para sabihing payag siya. Siya na ang nagkusa, ipinulupot niya ang mga braso niya sa matikas na katawan ni Van. Si Van ay di na rin nakatiis, niyakap na rin siya nito at napapikit siya nang maramdaman kung gaano kainit at kabango ang katawan nito.

Hindi na natiis ni Cromuella ang sarili na isandal ang ulo sa dibdib nito, para pakinggan ang tibok ng puso nito.

Nakakatawa. Nakikipagyakapan siya sa isang binatang kanina lang ay sinusungitan niya. Sa isang lalaking isang gabi pa lang niyang nakilala... nahihibang yata siya.

Nang kumalas sila sa isa't-isa ay parang nanlamig si Cromuella, para siyang inalisan ng kumot na nakataklob sa kanya.

Nakangiti si Van sa kanya. "Salamat," sabi nito sa kanya.

"Psst!" Narinig niyang may nagsalita. Ang repleksyon ni Van. "Psst!"

Napatingin sila sa lawa. Tahimik lang ang repleksyon niya. Ang repleksyon ni Van ay may nanunuksong ngiti.

"May sasabihin pa ako na hindi masabi ng lalaking 'yan."

Naghintay si Cromuella ng sasabihin ng repleksyon.

"Sigurado daw na maiisip ka niya buong gabi."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon