Ch 2: Si Fairy Godmother, si Cinderella, at ang natataeng ibon

490 20 1
                                    

MAY PARAAN nga.

Diwata. Sa kaharian ng Preseo ay may mga diwata. May mahika ang mga ito na ginagamit sa kabutihan. Mahikang puwedeng makatulong sa kanila.

"Meron na akong diwata na matagal ko nang tinitiktikan ng hindi n'yo alam. At dito siya sa kagubatan nakatira," sabi ni Cassandra, habang tinatahak nga nila ang kagubatan. "Maari natin siyang pilitin na..."

Natigilan si Cassandra. Nasa pusod na sila ng kagubatan. Sa ilalim ng mataas na puno na may mayayabong na sanga, naroon ang isang matandang babae. May kinakausap itong babae na nakatalikod sa kanila. Sa balikat ng babae ay mayroong isang ibon.

"Ano'ng--" akmang magsasalita si Cordelia nang sawayin ito ni Cassandra.

"Tumahimik kayo," sabi ni Cassandra. "Siya ang diwatang sinasabi ko."

Natahimik silang tatlo. Nagkubli sa dilim. Umiiyak ang babaeng nakatalikod sa kanila.

"Sabi nila, kapag napulot ko ang mga butil ng munggo at naibalik sa kanila, puwede akong sumama sa Pitong Gabi ng Pagpili," sabi ng babae, panay ang hikbi. "Pero niloko nila ako. Hindi nila ako pinasama." Umiyak pang lalo ang babae. "Bakit gano'n? Bakit napakalupit nila. Nasayang ang pagod ko. Nasayang lahat."

Parang awang-awa ang diwata sa babae. "Ginawa nila iyon? Pinapulot ka nila ng mga butil ng munggo?"

"Opo," sagot ng babae. "Buti na lang at nakangingi ako ng tulong sa aking mga kaibigang ibon."

Bumaling ito sa ibong nasa balikat nito. Madilim ang kagubatan, buwan lang ang tanglaw, kaya hindi pa rin nila nakita nang maayos ang mukha ng babae.

"Tinulungan ako ng mga kaibigan kong ibon, pero nasayang ang lahat ng pagod dahil sa kalupitan nila," sabi ng babae. "Buti pa ang kaibigan kong ibon na ito, marunong maawa."

Pagkarinig niyon ay lumipad ang ibon palayo. Napaatras ng konti ang diwata.

"Tumae 'yong kaibigan mo sa balikat mo," sabi nito, may pandidiri sa tinig.

Lalo lang naiyak ang babae. Pinatahan naman ito ng diwata. Niyakap, pero halatang naiilang dahil may tae nga sa balikat ang babae. May sinabi ito na hindi nila marinig.

Kumalas ang diwata sa babae. "Makakadalo ka sa Pitong Gabi ng Pagpili," sabi nito. "Sisiguruhin ko 'yon. At ang unang hakbang ay ang pagbabago ng iyong anyo."

Ikinumpas ng diwata ang kamay nito. Nagliwanag ang babae. At bigla ay naging kambing ang babae. "Meee..." sabi nito. "Meee."

"Ay, sorry," sabi ng diwata. Kumumpas ito uli.

Nagliwanag ang kambing at naging babae uli, pero sampu ang kamay. Nagtitili ang babae.

"Pasensiya na, pasensiya na," sabi ng diwata. "Ito na, aayusin ko na."

At sa muling pagkumpas ng diwata ay nagliwanag ang babae. Nawala ang sobrang kamay nito. Ang luma at puro tastas nitong damit ay lumiwanag din at nagbago. Naging asul at makinang sa iallim ng liwanag ng buwan.

"Babaguhin ko ang iyong sapatos," sabi ng diwata.

At sa pagkumpas ng diwata, ang sapin sa paa ng babae ay naging glass shoes. Sige pa sa pagkumpas ang diwata, hindi makontento. Nang tumigil ito ay ibang-iba na ang pananamit ng babae, maging ang buhok nito ay nakaayos na.

Napatingin si Cromuella sa mga kasama. Nakanganga si Cordelia. Si Cassandra ay nakangiti.

Ang diwata nga ang paraan para magbago ang anyo nilang mangkukulam at magawa nilang makapasok ng palasyo.

Sa isip niya ay may isa nga lang na tanong: paano nila mapapapayag ang diwata na tulungan sila?

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon