Totoong Pagkatao ni Van

318 17 1
                                    

ANG IKATLONG gabi ng pagpili ay ang pagsisimula ng gabi ng sayawan. Dito, ang mga babae at binabaeng nakakuha ng atensyon ng mga prinsipe dahil sa pagpapakitang-gilas ng mga ito ay maisasayaw ang mga prinsipeng iyon.

Pero wala na sa isip ni Cromuella na makasayaw ang mga prinsipe. Iba na ang gusto niyang makasayaw.

Si Van. Hindi na nga siya nagtagal ng isang minuto sa bulwagan. Nagpunta na agad siya sa verandah para mag-abang. Patingin-tingin sa paligid, umaasang maglalakad sa kanya palapit si Van.

Alam niya na hindi ito ang plano. Ang plano, sa paulit-ulit na pagpapa-alala ni Cassandra, ay ang makakuha ng puso ng prinsipe. Ang kaso, si Van lang ang hinahanap-hanap niya. Puwede naman siguro na iyon, dahil kapatid naman ito ng isang prinsipe, 'di ba? Hindi man ito ang tigapagmana ng kaharian, dugong bughaw pa rin ito? Malay ba niya kung biglang mamatay si Prince Charming kasi nahulog sa hagdan o nakain ng oso? Sino ang magmamana ng kaharian? Si Van.

Pero nasaan ba si Van? Nilamig na lahat pati buhok niya sa ilong, pero wala pa din si Van. Gusto niya muling marinig itong umawit, sabayan ng mga pintaserong puno at ibon. Gusto niyang magtungo uli sila sa lawa, gusto niyang makatabi ito habang nakatingin sa magagandang alitaptap.

Pero walang Van na dumarating. Kanina pa nag-umpisa ang sayawan, bahagya niyang naririnig ang tunog ng mga violin sa loob ng palasyo.

Siguro kailangan ko uling tingnan. Baka nasa loob. Baka may kasayaw.

Sa naisip na may kasayaw na iba si Van ay parang nakaramdam ng inis si Cromuella. Pumasok siya sa loob ng palasyo, handa nang magalit. Handa ng magtanong: bakit ka may kasayaw na iba, ha?

Pero hindi rin niya makita si Van sa bulwagan. Ang nakikita lang niya doon ay mga babae at binabae na nakapila, umaasang maisasayaw ang mga ito ng prinsipe.

"Ngino ba yang babaeng 'yan?" narinig niyang sabi ng isang binabaeng ngongo. Nakatingin ito sa isang babae na kanina pa isinasayaw ni Prince Charming.

"Ewan ko nga, Ngo," sabi ng magandang binabaeng kasama nito. "Sinosolo niya ang prinsipe."

Napatingin naman si Cromuella kay Prince Charming. Tanungin kaya niya ito kung nasaan ang kapatid nito? Pero parang wala ito sa sarili, hindi maalis ang tingin sa babaeng kasayaw nito.

Nilibot pa ni Cromuella ang bulwagan. Hindi niya makita si Van. Ibig sigurong sabihin niyon, nasa ibang bahagi ito ng palasyo.

Tumingin siya sa dulo ng bulwagan. Iyong papunta na sa isang pasilyo para makapunta sa iba pang bahagi ng palasyo. Doon may nakita siyang nakasilip. Madilim doon kaya hindi niya makita ang mukha pero hindi siya maaring magkamali. Nakilala niya ang bulto ng lalaki. Iyon si Van!

Nang mapansin ni Van na nakatingin siya rito ay tinigilan nito ang pagsilip. Hindi na niya napigilan ang sarili, nagmamadali ang mga hakbang na tumungo siya doon. Muntik pa niyang matapakan ang prinsipeng duwende. May magmura mang binabae o babae sa kanya, hindi na niya alintana. Gusto niyang makita si Van.

Nakalabas siya ng bulwagan. Kumaliwa siya at naroon ang isang mahabang pasilyo at nakita niya si Van, tumatakbo palayo.

"Van!" sigaw niya. Tumakbo na din siya. "Van!"

Parang hindi siya naririnig ni Van. Sige ang mabilis nitong pagtakbo.

"Van!"

Mas binilisan at mas nilakihan pa ni Cromuella ang mga hakbang. Akala niya ay hindi na niya ito maabutan pero napahinto ito nang may nakasalubong na isang babae na galing sa kabilang dulo ng pasilyo. Base sa suot niyon ay isa iyong kusinera ng palasyo.

Natulala lang ang babae kay Van. Parang nakatitig lang naman din si Van sa babae. Doon na nagsimulang magtaka si Cromuella. Parang... iba na ang kutob niya sa nangyayari.

Nagpatuloy siya sa mabibilis na hakbang. Nakalapit na siya kay Van na nakatalikod sa kanya. Titig na titig dito ang babae, tulala. Naaakit ba sa kaguwapuhan ni Van? Hindi niya ito masisisi. Pero bakit ganoon ang mga mata ng babae? Parang... parang hindi nito nakikita si Van?

"Van?" untag niya sa lalaki. "Van, bakit hindi ka--"

Natigilan na rin si Cromuella nang makita ang hawak ni Van sa isang kamay. Setro. Bihirang hawakan ng mga maharlika ang setro.

"Van, bakit mo hawak 'yan?" sabi niya, niyugyog ito sa braso. Mukhang napalakas ang pagyugyog niya dahil dumulas sa kamay nito ang setro. Bumagsak iyon sa sahig at lumikha ng ingay. Dahil siguro may kakitiran lang ang pasilyo, nagmistulang malakas ang ingay ng pagbaksak ng setro.

"Dare," sabi ni Van. Iyon ay isang mura sa kaharian ng Cantata. "Dare, dare, dare." Luimingon ito sa kanya. "Nasira mo pa ang lahat ng plano."

Bigla, ang tulalang babae sa harap ni Van ay parang ginulat na hindi mawari. Napakurap iyon habang nakatitig kay Van. At namilog ang mga mata niyon.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" sabi ng babae. "Sino ka? Bakit wala ka sa bulwagan?"

Napaatras si Cromuella. Nagtanong ang kusinera kung sino si Van? Bago lang ba itong kusinera sa palasyo? O bobo lang talaga?

Pinulot ni Van ang setro sa sahig, nginitian ang babae. Kinindatan.

Napatingin ang babae sa setro. Napaatras ito. Natuptop ang bibig. At bigla na lang itong tumili.

Si Cromuella na nalilito sa mga pangyayari ay humawak sa braso ni Van, gusto na sanang magtanong.

Sa ginawa niyang iyon ay sa kanya naman tumingin ang babae. Lalo pang namilog ang mga mata nito. Humugot ito ng malalim na hininga, bago isinigaw ng pagkalakas-lakas ang mga salitang sobrang nakapagpabigla kay Cromuella.

"Mga magnanakaw! Tulungan n'yo ako may mga magnanakaw!"

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon