Aurelius--Lupain ng Kagandahan

288 18 2
                                    


NAKASAKAY na sila sa karwahe, nagbabiyahe sa ilalim ng maliwanag na buwan. Nakatingin lang si Cromuella kay Van at hindi nagsasalita kaya ang tunog lang ng kabayo, gulong at ng mga kuliglig ang naririnig nila.

"Titig na titig ka a," sabi nito. Ngumisi. "Gusto mo ba ng halik? Sabihin mo lang. Ihihinto ko 'to at maghahalikan tayo."

Hindi niya pinansin ang sinabi nito. Binitiwan niya ang tanong na kanina pa niya bitbit sa loob niya. "Bakit ka nawala?"

Bahagyang nagsalubong ang kilay nito. "Nawala?"

Doon na niya sinabi ang buod ng mahabang kwento sa kanya ni Rapunzel.

"Bakit ka nawala? Nagplano kayong tumakas, pero bakit ka nawala?"

Ngumiti si Van, ngiti na tila nasusukol. Nakatingin ng diretso sa daan. Parang masusugatan ang puso nito sa pagsagot.

"Van..." sabi niya. "Bakit ayaw mong ikuwento sa 'kin ang nakaraan mo? Wala ka bang tiwala sa 'kin?"

Doon nawala ang ngiti nito. Pinahinto nito ang karwahe. Natulala. Bumuntong-hininga. "Ayoko na lang balikan lahat nang nangyari." Ang tinig nito ay puno ng pait.

Doon naman siya parang nakonsensiya. "Van... pasensiya na," pagbawi niya. "Pasensiya na. Makasarili ako. Gusto ko pang maging bahagi ng nakaraan mo. Ayaw kong makontento na kasama ako sa kasalukuyan mo."

Nagkibit-balikat si Van. "Naiintindihan naman kita," sabi nito.

"Hindi mo na kailangang ikuwento sa 'kin ang nangyari—"

Bigla itong bumaling sa kanya, daan para matahimik siya.

"Kung ikukuwento ko sa 'yo ang nakaraan ko, ikukuwento mo rin sa 'kin ang nakaraan mo, di ba?" sabi nito. "Kasi... kasi gusto ko ring marinig."

Tumango si Cromuella. "Pero hindi pa rin kita pinipilit na magkuwento," sabi niya. "Kung gusto mong kalimutan ang lahat, hindi kita pupuwersahin—"

"Minsan ata, ang paraan para makalimot ay ang pag-alala."

Natigilan siya sa sinabi nito. Nang maintindihan niya nang lubos ang narinig ay inabot niya ang kamay nito at pinisil iyon. "Kung kalian ka handang umalala."

"Handa na naman ako."

At nang sandaling iyon, inalala ni Van ang natitirang bahagi ng nakaraan nito na gusto niyang malaman...

UMUWI si Van mula sa tore ni Rapunzel at nakita niya si Mercutia. Nasa kusina ito, kasama ang mga magulang niya. Nakadulog ang mga ito sa mesa. Mukhang seryoso ang pinag-uusapan ng mga ito dahil hindi siya napansin ng mga ito.

"Kung ganoon ay may lunas pa sa sakit ni Mila?" sabi ng kanyang ina, kasunod ay suminghot ito. Pinunasan ang namumulang ilong ng panyo.

Doon ay parang napako si Van sa kinatatayuan. Nakuha ng sinabi ng kanyang ina ang atensyon niya.

"Mayroon pa," sabi ni Mercutia. "Tinanong ko ang nakatataas na mangkukulam sa kaharian namin. Maari raw siyang makagawa ng gamot na magiging dahilan para makalimutan ni Mila ang lahat ng ginawa sa kanya ng lobo. Kapag nakalimutan ni Mila ang lahat ay babalik na siya sa normal."

Hindi normal si Mila, muntik nang masabi ni Van.

"Paano kami magkakaroon ng gamot na iyon?" tanong ng kanyang ama.

"Kailangan n'yo iyong bilhin mula sa kanya," sagot ni Mercutia.

"Magkano?" sabi ng kanyang ina, parang nanghina. "Wala kaming pera. Naibenta na namin ang mga ari-arian namin. Wala kaming malaking halaga na maibibigay—"

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon