Ang Nakaraan ni Van Part 3 (Rapunzel)

268 20 2
                                    

RECAP: Hindi naging maayos ang naging buhay ni Van sa nag-ampon sa kanya. Sa kagustuhang makatakas sa problema, nakilala niya si Rapunzel.


"'WAG MO akong masyadong tingnan," iyan ang mga unang salitang narinig ni Van mula sa babae. Tinatakpan nito ang mukha nito at nakatungo na para bang mamalasin ito kapag nagtagpo ang mga mata nila.

Pero paanong hindi niya ito titingnan? Kaedad siguro niya ito, pero ibang-iba ito sa mga babaeng kaedad nila. Maputla ang mukha nito na parang hindi nasisikatan ng araw. Mahaba ang buhok nito, iyon ngang buhok na ginamit niya para makaakyat. Tinubuan na rin ng manipis na bigote at balbas ang babae.

"Bakit? Bakit hindi kita puwedeng tingnan?"

"Pangit ako," sabi ni Rapunzel. "Pandidirihan mo ako. Puwede naman tayong mag-usap nang hindi nagtitinginan, 'di ba?"

Napangiti si Van sa narinig. Hindi siya tumigil sa pagtitig kay Rapunzel, pinag-aralan ang mukha nito. Lalong nahiya si Rapunzel at tuluyan nang tumungo.

"Hindi mo na ako gustong kausapin, 'no?" sabi nito, ang tinig ay kasinglamig ng marmol na pader ng tore. "Kasi nakita mo nang pangit ako."

At bigla ay parang pinisil ang puso ni Van. Naalala niya ang kaibigang si Ponggi, at kung paanong pangit din ang tingin nito sa sarili nito. Pero mabait si Ponggi, kaya para sa kanya ay hindi ito pangit.

Humakbang siya palapit sa babae at umatras ito. Maagap siyang humakbang muli, mas malaki, para tuluyang makalapit dito. At saka niya sinabi, "Hindi mo kailangang takpan ang mukha mo," sabi niya. "Gusto kitang makausap nang nakatingin ako sa 'yo."

Halatang nagdalawang-isip ang babae na maniwala.

"Gusto mo lang yata akong pagtawanan."

"Hindi," sabi niya. "Gusto kitang makita."

"Hindi totoo 'ya—"

"Gusto kitang makita," diin niya.

Lumunok ang babae, bahagyang tumango, bago nag-angat ng tingin. Nagtagpo ang kanilang mga mata at nakitaan niya ng takot ang mga mata ng babae. Parang inaasahan na nito na may masasakit na salita siyang sasabihin tungkol dito. Kaya nang ngitian niya ito ay parang natigilan ito.

"Ano'ng pangalan mo?" tanong niya.

Napakurap ito, pagkatapos ay sumagot sa maliit nitong tinig. "R-Rapunzel."

At doon nagsimula ang pagkakaibigan nila. Kapag napupuno ng takot ang puso ni Van kay Mila, pupunta siya sa tore ni Rapunzel. "Rapunzel, let down your hair!" palagi niyang sasabihin at palagi namang ilaladlad ni Rapunzel ang buhok nito.

Ikinulong raw ito ng tiya nitong si Gothel sa toreng iyon. Hindi raw nito alam ang dahilan. Hindi raw nito makuhang magtanong. Isang beses lang sa isang linggo kung dumalaw ang tiya nito, para magdala ng pagkain.

"Pero ayokong magpunta si tiya dito," sabi ni Rapunzel isang hapon, luhaan sa sinag ng palubog na araw. "Sinasaktan niya ako. Sinasaktan niya ako kahit walang dahilan. Pakiramdam ko, hindi ko siya tunay na tiya. Pakiramdam ko walang nagmamahal sa 'kin."

At tutulo rin ang mga luha ni Van, dahil alam niya kung ano ang pakiramdam ng walang magulang. Pupunasan niya ang mga luha pero walang tigil iyon sa pagtulo. At iiyak pang lalo si Rapunzel at magkakatinginan sila at magtatawanan bigla na parang mga nasisiraan ng bait.

"Hindi nila ako totoong minahal," minsan sasabihin ni Van kay Rapunzel. "Gamit lang ang tingin nila sa 'kin noon. Laruan. Noong magkaroon sila ng sarili nilang anak, ipinaramdam na nila sa 'kin na hindi talaga nila ako anak. Ipinaramdam nila sa 'kin na nawalan ako ng halaga. Pero alam mo kung ano ang hindi patas? Kahit gano'n ay mahal na mahal ko pa rin sila."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon