Ch 3: Blackmail

442 19 0
                                    


MAY PARAAN pala para mapapayag ang diwata. Takutin. Sinundan nila ito pagkatapos pagandahin ang babae. Hindi sila nito napapansin dahil pakanta-kanta ito, masaya. Sa utos ni Cassandra ay lumabas sila mula sa pinagtataguan at pinagtulungang bugbugin ang diwata.

Pinilit nilang dalhin sila nito sa bahay nito. Kubo lang iyon na walang silid,pagpasok ay kama agad ang makikita.

"Pakiusap, 'wag n'yo akong papatayin..." sabi ng diwata, umiiyak.

Nanghilakbot si Cromuella nang makita ang kama. May pahabang goma doon, korteng ari ng lalaki.Korteng masamang ibon! Pinagbebenta ang gano'n sa Vermuna.

"Kadiri ka, tanda!" Hindi niya mapigilan ang sariling sabihin. Tiningnan niya ito na parang nakagawa ito ng krimen. "Ang tanda mo na, gumagamit ka pa niyan!"

Ang sabi sa kanya ng kanyang ina, kapag hinayaan mo ng matukso ka sa lalaki, hinayaan mo ng buhayin niya ang makalupang damdamin mo ay dadalhin mo na 'yon hanggang pagtanda.

"Kaya 'wag kang ngingiti sa mga lalaki, Cromuella. Aangkinin ka nila. Kukunin ka nila. Kukunin nila at aangkinin nila lahat ng mayroon ka. Naiintindihan mo ba ako, Cromuella?"

"Opo."

"Manalangin na tayong dalawa."

"Ano ito?" sabi naman ni Cordelia, dinampot ang isang litrato sa ibabaw ng kama. Isang lalaki ang nasa litrato. Kakaiba ang suot niyon. Itim na pang-itaas na may nakasulat na "Anti-Social Social Club." Maikling pang-ibaba na may nakasulat na, "Supreme." Nakalabas ang dila niyon sa litrato.

"Nakalabas ang dila niya. Maligno ba siya?" sabi ni Cassandra.

"Hindi!" sigaw ng matandang engkantada, nainis ata. "'Yan ang kasintahan ko!"

Habang sila ni Cordelia ay inuusyoso pa ang iba pang larawan, ilang sandaling natahimik si Cassandra. Mayamaya ay nagsalita ito.

"Hindi siya nakatira dito sa Cantata," sabi nito. Ang tinutukoy nito ay ang kasintahan ng diwata. "Siya ay nakatira sa ibang dimensyon." Tumingin si Cassandra sa matanda. "Sa dimensyong ipinagbabawal nating pasukin."

Mougarry. Ang mundo ng mga kawawang mortal--ng mga tao. Ang mundong puno raw ng mga baliw, at uhaw sa pagmamahal. Ang mundong hindi nila maaring pasukin.

Ang mundong minsang ng pinasok ng kanyang ina...

Nagpupunta ang diwata doon para makipagkita sa kasintahan nitong halatang mas bata dito. Isang pagkakamaling nagawa din ng kanyang ina.

"Ang kasintahan mo ay isang tao? Isang kawawang mortal?" sabi ni Cassandra. Sunod niyon ay tumawa ito nang malakas. "Alam mo ba kung ano ang mangyayari sa 'yo kapag nalaman ng hari na nagtutungo ka sa mundong 'yon?"

Walang nasabi ang matandang diwata.

Umismid si Cassandra. Inilagay nito sa bulsa nito ang mga litrato. Hinawakan nito ang baba ng matandang diwata, itiningala iyon para magtagpo ang mata ng mga ito.

"Gusto mo bang malaman ng lahat ang ginagawa mo, tanda?"

Hindi nakasagot ang matandang diwata.

"Sumagot ka."

"Ayaw ko," sagot ng matanda. "Mahal ko si Jasper--"

"Sssh. Hindi ko na kailangang marinig 'yan. Pakinggan mo na lang kung ano ang gusto naming gawin, maari ba?"

Hindi na kumibo ang matandang diwata.

At alam ni Cromuella na doon na ilalatag ni Cassandra ang mga kondisyon niya. Ito na ang paraan para makapasok sila sa palasyo. Para makuha ang atensyon ng mga prinsipe...

"Gagawin mo ang gusto namin, maliwanag ba? At ang gusto namin ay pagandahin mo kami. Itago mo ang anyo namin. Paliitin mo ang ilong namin, pantayin ang mga ngipin, paikliin ang baba. Kailangang hindi kami makilala bilang mga mangkukulam."

Hindi makapagsalita si Cromuella. Hindi niya alam kung hahanggan o katatakutan si Cassandra.

"Pangalawa, bigyan mo kami ng mamahaling damit. Ipahatid mo kami sa isang marangyang karwahe patungo sa palasyo. Kailangang ang anyo namin ang dahilan para makuha namin ang atensyon ng mga prinsipe," sabi pa ni Cassandra.

Lumunok ang matandang diwata bago sumagot. "Maari kong gawin 'yan. Pero ang mahika ko ay tatagal lang hanggang alas dose ng hatinggabi. Hindi magbabago ang suot niyo, pero ang anyo niyo ay babalik sa dati."

"Wala bang paraan para mapahaba ang bisa ng mahika?" sabi ni Cassandra. "Ayoko namang ipadala sa hari ang mga hubad na larawan n'yo ng kawawang mortal."

Pinangiliran na ng luha ang mga mata ng diwata. Ilang sandaling hindi ito nagsasalita, bago matagpuan ang tinig at sabihing, "Meron pang paraan."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon