Walang magpapaalam

610 26 11
                                    

RECAP: ISINUMBONG NI RAPUNZEL SA MGA TIGAPALASYO SINA VAN. KAILANGAN NILANG MAKATAKAS. PERO PAANO SILA MAKAKATAKAS KUNG ANG KAILANGAN NILA PARA MAKABABA NG TORE AY ANG BUHOK NG NAGKANULO SA KANILA?

NARINIG ni Cromuella ang ungol ni Van nang tumama ang palaso ng kawal sa tagiliran nito. Tumili si Cromuella, pilit bumaba sa buhok ni Rapunzel na iwinawagayway nito. Tumatama ang katawan niya sa haligi ng tore at napapasigaw siya sa sakit.

"Baba, Cromuella!" sabi ni Van. "Bilis!"

Natataranta man si Cromuella ay walang panahon para magpatumpik-tumpik. Pinilit niyang makababa. Hindi gaanong naitaas ni Rapunzel ang buhok nito kaya maari pa siyang tumalon para makababa sa lupa.

Iyon nga ang pikit matang ginawa niya. Sinalo naman siya ni Van gamit ang katawan nito kaya hindi siya gaanong nasaktan. SI Van ang napangiwi, dahil nahagip ng paa niya ang palaso na nakatarak sa tagiliran nito.

"Van, sugatan ka--"

"Wala nang panahon para diyan, tara na!" sigaw ni Van, hinila ang kamay niya.

Ang ilan sa mga kawal ay bumaba na mula sa kabayo. Humahabol na sa kanila bitbit ang palaso ng mga ito.

"'Wag ka nang lumingon, bilisan mo ang pagtakbo--"

Dumausdos ang paa niya sa batuhan, dahilan para masubsob siya sa lupa. Nahila niya si Van kaya bumagsak sila pareho sa lupa. Nabitiwan ni Van ang sisidlan, bumukas at kumalat ang mga gamit na nakalagay sa loob.

Sumigaw si Van. Isang palaso na naman ang tumarak sa likod nito.

"Van..." naiiyak na sabi ni Cromuella. Nanlalabo ang mga mata niya habang nililikom ang mga gamit na kumalat. "Van, sorry..."

Hindi nagsalita si Van, nakatingin ito sa mga sumusugod na kawal. Nang makita nito na may isang kawal na siya ang aasintahin ng palasyo ay humarang ito sa harap niya. Nakakakilabot ang sigaw ni Van nang tumarak sa tiyan nito ang palaso.

"Van!" sigaw ni Cromuella.

Hindi na nakapagsalita si Van. Hinila niya ito patungo sa karwahe na malapit na sa kanila. Parang lahat ng lakas niya ay nagamit niya nang mga sandaling iyon. Nabuhat niya si Van pasakay sa karwahe. Sumigaw ito kasabay ng pagbagsak doon. Paakyat pa lang si Cromuella nang may palasong tumarak sa kamay niya. Bumaon ang palaso sa malambot na laman ng likod ng kamay niya. Umagos agad ang dugo.

Walang panahon na kailangang sayangin. Sumakay siya sa karwahe. Hinampas ang kabayo. Agad iyong tumakbo, muntik na siyang mahulog. Mabilis ang kabog ng dibdib niya. Naririnig niya ang tunog ng mga yabag ng kabayo ng mga kawal. Sumusunod ang mga ito sa kanila.

"Van... Van..." sabi ni Cromuella.

Si Van ay pilit na gumagapang papasok sa kargahan nila ng gamit.

"Van, magsalita ka, please..." sabi niya sa basag na tinig.

May gumulong na bote patungo sa direksyon niya. Iyon iyong naglalaman ng likido na nagpapalambot ng lupa. Iyong nagamit nila ni Van noon para makatakas.

"Van..."

"Gamitin mo 'yan," sabi nito sa hirap na tinig.

"Van..." nasabi lang niya.

"Gamitin mo na..."

Yumuko si Cromuella, pilit inaabot ang botelya. Pero gumugulong iyon palayo sa kanya. Lumalakas ang tunog ng yabag ng mga kabayo. Maaabutan na sila nito.

Nasa dulo na ng daliri niya ang katawan ng bote. Kapag nagkamali siya, kapag dumulas iyon sa daliri niya, gugulong pa iyong palayo lalo sa kanya. Pawis na pawis at luhaang-luhaan na si Cromuella.

Sana hindi ako magkamali... Mamatay ako kapag nagkamali ako. Sana hindi ako magkamali...

At sa wakas ay nakuha niya ang bote.

Mabilis niyang tinanggal ang takip ng bote at ihinagis iyon sa likod niya. Ang sunod niyang narinig ay ang sigawan ng mga kawal. Hindi na siya lumingon. Hindi na niya alam ang gagawin niya kung may nakaligtas sa mga iyon. Iyak na lang siya nang iyak, hindi alam kung saan pupunta.

Mayamaya ay wala na siyang narinig na yabag ng kabayo. Wala ng sumusunod sa kanila.

"Van..." sabi niya. Napalunok siya. "Van, magsalita ka. Magsalita ka, pakiusap..."

Pero hindi nagsalita si Van. Sinalubong siya ng katahimikan.

DINALA ni Cromuella si Van sa patay na kakahuyan. Iyon ang sabi nito, dalhin niya ito sa lugar na wala o bihira ang pumupunta. Huwag na raw niya itong dalhin sa manggagamot. Imposible na raw itong mabuhay.

Ihinimlay ni Cromuella si Van sa ibabaw ng mga pumpon ng tuyong dahon. Patagilid na itong nakahiga dahil may palaso ito sa likod. Ayaw niyang hugutin iyon dahil bago lalong tumagas ang dugo nito. Dugo nitong kumalat na sa suot niyang bestida. Panay ang tuho ng luha niya habang nakatitig dito.

"Van, ano ba... nakatakas na tayo, Van," sabi niya sa nanginginig na tinig. "Nakuha na natin lahat ng kailangang makuha..."

"D-dalhin mo na ang mga setro sa manggagamot sa Radon," hirap na hirap na sabi ni Van. "Si Impo Sela."

"Puntahan na natin siya ngayon," sabi ni Cromuella. "Puntahan na natin baka mapagaling ka ng gamot na meron siya."

Umiling si Van. Naintindihan ni Cromuella na imposible ang sinasabi niya. Malayo ang Radon. Aabutin sila ng isang araw bago makarating doon.

"Van, please..." iyon na lamang ang tanging nasabi niya.

Ang luha niya ay pumatak sa dugaang mukha nito, gumuhit ng linya sa bahid ng dugo sa pisngi nito.

"'Wag kang umiyak," sabi ni Van, pilit ngumiti. "Ayaw kong makita kang umiiyak."

"Van, 'wag mo kong iwan..." sabi niya.

"Hindi kita iiwan," sabi ni Van. "Mawawala ako sa 'yo sandali, pero babalik ako."

"Ano'ng..."

"Vitalum Vitalis," sabi ni Van.

Kumunot ang noo ni Cromuella. Narinig na niya minsan dito ang mga salitang iyon. Nakalimutan lang niya ang kahulugan.

"Iyon ang spell na pwedeng gawin para makabuhay ng namayapa na," sabi ni Van. "Mahirap ang spell na iyon, pero posible."

"Gagawin ko ang spell," agad na sabi ni Cromuella. "Ako ang gagawa. Gusto ko iyong gawin."

Ngumiti uli si Van. "Alam ko," sabi nito. "Pero ibigay mo muna sa aking ina ang gamot. Kailangan na niyang gumaling."

"Van..."

Umangat ang kamay nito, pinunasan ang mga luha niya. "At 'wag ka nang umiyak," sabi nito, hinawakan ang kanyang mukha. "Walang magpapaalam dahil babalik ako."

Tumango-tango si Cromuella. Pumatak muli ang mga luha na dagli na niyang pinunasan.

"Babalik ako dahil ikaw ang gusto kong maging kakampi habangbuhay," sabi nito. "Kakampi sa pagharap sa hirap, sa mga pagsubok. Hanggang hawak ko ang kamay mo hindi ako matatakot. Hindi ako mag-aalala. Mahal kita, Cromuella."

Tumango-tango si Cromuella. "Mahal na mahal din kita," sabi niya. "Salamat sa pagtanggap. Salamat sa pag-alalay. Salamat sa pagmamahal."

Akmang mapapahagulgol na naman siya nang magsalita si Van.

"Walang magpapaalam," paalala nito. "Walang iiyak," dugtong pa nito, bagamat pinangingiliran ng luha ang mga mata nito.

"Hindi ito ang katapusan," sabi ni Cromuella.

Ngumiti si Van. "Magkakampi habangbuhay."

"Magkakampi habangbuhay," ulit niya.

"Halikan mo ako," sabi ni Van.

Dumukwang si Cromuella para bigyan ng magaang na halik si Van. Pumikit siya at inalis sa isip ang napipintong kamatayan ng minamahal. Walang magpapaalam. Hindi pa ito ang katapusan. Magkakampi habangbuhay.

"Van, ano ang mga kailangan kong gawin?" sa wakas ay sbi ni Cromuella. "Isa-isahin mo na. Sabihin mo na ang mga kailangan kong gawin."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 17, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon