Misyon

258 17 2
                                    

RECAP: Tumakas sina Cromuella at Van--at napunta sa bahay ni Rapunzel. Pero bakit ba nagnanakaw si Van?

NAG-AALMUSAL sila ay hindi maalis ni Cromuella ang tingin kay Rapunzel. Kalong-kalong nito ang kutong si Cutie at hinahalik-halikan iyon. Hindi na malunok ni Cromuella ang pritong itlog sa sobrang pandidiri.

Kumuha si Rapunzel ng kutsara na nakapatong sa mesa. Ihinagis nito iyon sa kung saan. "Fetch!" sigaw nito.

Napatili si Cromuella nang mabilis na gumapang ang higanteng kuto patungo sa direksyon ng hihinagis na kutsara. Hihimatayin yata siya kapag nagpakita pa ng kung anong trick si Cutie!

Nang maibalik ni Cutie kay Rapunzel ang tinidor ay pinuri ni Rapunzel ang kuto. Tapos ay bumaling siya kay Van. "Ngayong araw na ba kayo aalis?"

"Oo," sabi ni Van. "Pasensiya na, hindi kami magtatagal."

Tumango si Rapunzel. "Nauunawaan ko naman."

"Kailangan ko pang manakaw ng dalawa pang setro para matapos ko ang misyon ko," sabi ni Van.

Biglang naging interesado si Cromuella sa usapan. Hindi niya napigilang sabihin, "Misyon?"

Si Rapunzel ang tumango, tapos ay kinamot ang balbas. "Hindi masamang magnanakaw si Van," sabi ni Rapunzel. Nakangiti ito, parang bang proud na proud ito kay Van. Halatang-halata rin ang pagmamahal, nakakainis. "Kapag nagnanakaw siya, madalas, ibinibigay niya sa mahihirap."

Napatingin siya kay Van. Hindi naman ito nakatitig sa kanya, nakatingin ito kay Rapunzel. Nakangiti si Van at hindi niya mapigilang magdamdam. Maraming alam si Rapunzel kay Van. Nagkuwento man kasi sa kanya ang lalaki, isa pa rin itong malaking misteryo.

"Pero ngayon, kailangan niyang magnakaw ng iba't-ibang setro sa kaharian dahil iyon ang kondisyon ng mangagamot na nakausap niya," sabi ni Rapunzel.

"Manggagamot?" Wala na siyang masabi bukod sa ulitin ang mga naririnig niya.

Tumingin sa kanya si Van. "May sakit ang aking ina," sabi ni Van. "Isang sakit na hindi pangkaraniwan. Dinala namin sa maraming manggagamot, pero hindi mapagaling. Hanggang sa dalhin namin kay Impo Sela, isang manggagamot sa lugar naming malapit sa Radon. Sinabi niya sa 'kin na mayroon siyang isang tabletas na galing pa sa Mougarry--o sa mundo ng mga kawawang mortal. Iyon daw ang tanging makakapagpagaling sa aking ina."

Tumango-tango si Cromuella.

"Lahat raw kasi ng sakit, napapagaling ng tabletas na iyon."
Natigilan si Cromuella. Nang muli siyang magsalita ay maliit na ang tinig niya. "Lahat?" sabi niya. "Kahit... kahit sakit sa pag-iisip?"

Natahimik si Van at Rapunzel. Si Cromuella naman ay naisip ang kanyang ina, nakaluhod sa harap ng altar, umiiyak habang sinisipsip ang malaking ugat sa puso ng alay. Dumadaloy ang dugo sa kamay nito, pababa sa siko. Ang pisngi nito ay may puno ng dugo. Ang sahig ay puno ng dugo.

"Satana!" isisigaw nito, tapos ay kakagatin ang hilaw na puso, tatalsik pa ang dugo.

Humugot nang malalim si Cromuella, para mawala ang alaala. Pinagpag niya ang manggas ng suot na para bang may tumalsik na dugo doon. Nag-angat siya ng tingin at sinalubong ang mga mata ni Van.

"May paggagamitan ka rin ba ng gamot kung sakali?"

Hindi na naman siya nakapagsalita. Naalala niya kung paanong niyakap niya ang kanyang ina, kung paanong pilit niya itong hinihila palayo sa altar.

"Ina, tama na po... Tigilan n'yo na po..." sasabihin niya. Gusto na niyang itigil ang pag-aalay nito. Hindi na raw kasi baboy ang gusto ng Diyos na ialay rito. Isa na raw musmos. Puso ng isang musmos. Pinaghanap siya nito sa labas ng bata na puwedeng patayin. May mga bata sa kaharian nila na walang tahanan dahil pinabayaan ng magulang, iyon daw ang kunin niya. Alukan daw niya ng pagkain para sumama.

"Bitiwan mo ko, Cromuella! Manalangin ka! Manalangin ka ding tulad ko!"

"Ayoko, ina..." umiiyak na sabi niya. Pilit pa rin niyang hinihila palayo sa altar ang kanyang ina. Pero nadulas siya sa malapot na dugo sa sahig. Bumagsak siya sa sahig, hinigop ng tela ng kanyang damit ang malansang dugo. "Tigilan mo na 'to. Hindi na tama ang ginagawa mo, ina..."

Nagpupumiglas ang kanyang ina mula sa pagkakahawak niya. Iiyak si Cromuella, mapapatingin sa nakangising rebulto ng kambing. Mababalot ng takot ang puso niya...

"Cromuella?" untag ni Van sa kanya, dahilan para mabalik ang atensyon niya rito.

Nabaling nga uli kay Van ang atensyon ni Cromuella. Nakitaan niya ng pag-aalala ang mga mata ni Van.

"Mahusay ba talaga ang gamot na ibibigay sa 'yo ni Impo Sela?"

Paano kung iyon ang sagot sa karamdaman ng kanyang ina? Kapag nainom iyon ng kanyang ina, babalik sa normal ang lahat...

Tumango si Van. "Maraming nagpatotoo tungkol sa gamot na iyon," sabi nito.

"At... at paano mo nga uli makukuha ang gamot?"

"Kailangan kong magnakaw ng setro ng iba't-ibang kaharian."

Napakurap si Cromuella. "Ilan... ilan pa ang kailangan mong nakawin?"

"Dalawa," sagot nito.

Humugot nang malalim na hininga si Cromuella. Lumunok muna bago magsalita, "Kailangan ko rin ng gamot para sa aking ina." Doon na siya nakabuo bigla ng isang desisyon. "Maari mo ba akong isama?"

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon