Patungo sa Vermuna

293 16 4
                                    

"AALIS na kami," sabi ni Van kay Rapunzel. Nasa tabi na sila ng bintana habang nakaupo naman ito sa kama nito at tulala.

"Ingat kayo," sabi nito, malungkot, parang wala sa sarili.

Hindi nakapagsalita sina Cromuella. Hindi nila masabi na... paano sila bababa?

"Ay, oo nga pala, pasensiya na," sabi ni Rapunzel. Lumapit ito sa bintana, tinanggal ang pagkakatali ng buhok. Iniladlad nito ang mahabang buhok sa labas ng bintana. Ginawa nito iyon na malungkot pa rin, parang maraming pinapasan.

Nginitian ni Van ang babae. Ipinatong ang kamay sa mabuhok na pisngi nito. "Maraming salamat sa pagpapatuloy mo sa 'min. Maaasahan ka talagang kaibi..." Kaibigan. Salitang hindi naituloy sabihin ni Van.

Pero parang hindi naman alintana ni Rapunzel iyon. "Babalik ka, 'di ba?"

Nakaramdam ng inis si Cromuella. Si Van lang talaga ang babalik? Paano naman siya? Halatang-halata naman ang isang 'to, sa loob-loob niya. Saka natural, babalik, sa kanya ipinapatago ang setro eh.

Ngumiti si Van, pinisil ang pisngi ng babae. "Para sa 'yo," sabi nito.

Hindi niya sigurado dahil natatakpan ng buhok, pero tingin niya ay namula ang magkabilang pisngi ni Rapunzel. Tumango ito at ngumiti. Tapos ay nagtitigan lang ang dalawa.

"Ako na ang unang bababa," sabi niya. Pinigilan niyang haluan ng pagkairita ang tinig. Pigilan niyang idugtong, "Hanggang bukas pa yata ang titigan n'yo, eh."

Lumabas na siya ng bintana, nakahawak sa mabahong buhok ni Rapunzel. Pigil na pigil niyang tumingin sa ibaba dahil siyempre, ayaw niyang malula. Sumunod din naman sa kanya si Van at mayamaya pa ay bumababa na sila ng tore ni Rapunzel.

Nang makarating sila sa ibaba ay sumigaw si Van. "Maraming salamat, Rapunzel!"

Hinila ni Rapunzel ang buhok nito paitaas, nakatanaw sila habang parang pendulum iyon na gumalaw nang pakanan at pakaliwa.

"Tara na," sabi niya kay Van. Nagmamadaling lumapit sa karwahe.

"Galit ka?" narinig niyang nang-aasar na tanong nito.

"BAKIT ayaw mong patakbuhin?" tanong ni Cromuella kay Van, tinataasan ng kilay ang lalaki.

Hindi naman nagsalita si Van. Nakatitig lang ito sa kanya, bahagyang naniningkit ang mga mata dahil sa pagngiti.

"Ano, miss mo na agad si balbon?" sabi niya. "Hindi ka pa tapos magpaalam?"

Bahagyang natawa si Van. Doon, lalo siyang nainis. Hindi na niya napigilan ang sariling magreklamo.

"May pahawak-hawak ka pa sa pisngi niya." Humawak si Cromuella sa kanyang mga pisngi at ginaya ang paraan ng pagtitig ni Van kanina kay Rapunzel. "Kailangan pa ba no'n?"

Tumawa uli si Van. "Bakit ba? Hawak lang naman," sabi nito.

"Kailangan pa nga ba 'yon?"

"Maawa ka naman sa tao," sabi nito. "Nakita mo naman, 'di ba? Patay na patay sa 'kin."

"Oo nga, kitang-kita, halatang-halata," puno ng kapaitan na sabi niya.

"Kaya nalungkot na aalis na ako. Kaya ayun, hinawakan ko sa pisngi. Kawawa naman. Ikaw na nga ang gusto kong makasama, hindi ko pa pagbibigyan ng haplos sa pisngi bilang pamamaalam?"

"Ang sabihin mo, malandi ka," sabi niya.

Tumawa lang ito. "Saka, haplos lang naman. 'Yong sa 'yo nga... kiss."

"Ano'ng ki--?"

Bago pa niya matapos ang sasabihin, dumukwang na ito at binigyan ng mabilis at matunog na halik ang pisngi niya. Nakiliti siya, nanayo naman ang balahibo sa batok. Ang pisngi niya na dinampian ng mga labi nito ay basa, at ewan, bakit hindi siya nandiri.

"O, natahimik ka," sabi nito. "Isa pa?"

Akmang dudukwang ito kaya humawak siya sa ulo nito.

"Tigilan mo na, umalis na tayo..." sabi niya.

"Hindi pa, isa pa, isa pa, pagbibigyan kita. Pagbibigyan ko sarili ko. Isa pa..."

"Sasampalin kita!" banta niya.

Hindi nakinig si Van. Pinahaba lang nito ang nguso nito. Natawa na siya kaya sa huli ay nagawa nitong halikan nang matunog ang pisngi niya. At hindi lang isa. Maraming halik ang natanggap niya mula rito.

Nang magsawa ito ay tawa sila nang tawa pareho. Nang matigil sa pagtawa, bumaling siya rito. Nakangiti ito sa kanya, kumindat. "Sarap, 'no?"

"Sira-ulo," sabi na lang niya. "Bilisan mo na. Saan ba tayo pupunta? Ano'ng kaharian ba ang nanakawan natin?"

Lumawak ang ngisi ni Van. Bigla ay parang nanunukso ito, parang may naiisip na kapilyuhan. "Vermuna," he said. "Iyong kaharian ng mga mahihilig sa sex. Doon tayo pupunta."

KAHARIANG MAHILIG SA SEX? PAANO NA SI CROMUELLA, NA PINALAKI SA KONSEPTONG MASAMA ANG SEX? ABANGAN!

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon