Ang Gabi ng Pagnanakaw ng Setro Part 1

300 16 1
                                    


ANG GABI NG PAGNANAKAW NG SETRO NG VERMUNA

KINAKABAHAN si Cromuella, pero 'eto na siya, nasa loob na ng palasyo ng Vermuna. Panay ang pagtaas-baba ng balikat niya dahil sa malalalim na paghinga. Pilit niyang pinapakalma ang sarili at hindi nakakatulong ang dilim.

Kaya madilim ay dahil nakakulong siya sa isang cage na tinakpan ng makapal na tela. Lahat ng mga hamer na ipinadala sa palasyo ay ikinulong sa kanya-kanyang cage at tinakpan ng tela. Dahil doon ay hindi na niya makita si Van.

Pero pinalakas nito ang loob niya kanina: Ako ang bahala. Sasabihan kita tungkol sa plano mamaya. Pero hanggat maari, ako ang kikilos.

"Sana hindi kami mapahamak..." nahiling ni Cromuella. Impit na siyang mapatili ng maramdamang gumalaw ang cage niya. May gulong ang cage na iyon at siguro ay may nagtutulak na niyon.

"Maghanda ka na malanding hamer," tinig ng isang lalaki mula sa labas ng cage, iyon siguro ang nagtutulak niyon. "Dadalhin na kayo sa gitna ng bulwagan."

Lalo pang kinabahan si Cromuella. Nilamig siya na hindi mawari. Napapikit siya at hiniling na sana ay maging maayos ang lahat.

Katahimikan lang ang naririnig niya kanina. Pero ngayon ay nakakarinig na siya ng usapan at tawanan. Mayroon na ring mangilan-ngilang palakpakan. Nakarating na sila ng bulwagan at pilit inalala ni Cromuella kung ano ang gagawin.

Huminto sa paggalaw ang cage. Mas naging malakas na sa pandinig niya ang usapan. May narinig siyang sumigaw, "Ipakita na ang mga 'yan!"

Para sa gamot... kakayanin ko 'to. Kapag gumaling si ina, kaya ko ng mabuhay na kasama siya ng hindi natatakot at nag-aalala. Kailangang kayanin ko 'to.

"Isang maligayang gabi sa inyong lahat!" narinig niyang may nagsalita. Lalaki. Matinis ang tinig at maliit. Malambot, parang sa isang binabae.

"Tapos na ang Pitong Gabi ng Pagpili at ang ating prinsipe ay may bago ng nobya," sabi ng tinig. "At ito ay nangangailangan ng isang mainit na selebrasyon!"

Hiyawan na naman. May narinig siyang tunog na tila sinipang bakal. Napatalon siya, muntik mapatili.

"'Wag n'yo po munang lapitan ang hawla ng ating mga magaganda at guwapong hamer," sabi ng may-ari ng matinis na tinig. "Mamaya ay magkakaroon kayo ng maraming oras para lapitan sila at kausapin."

Muling naghiyawan ang mga kawal. Nagtawanan. May naulinigan siyang mga bastos na salita.

"Ngayong gabi, ipagdidiwang natin ang bagong pag-ibig ng ating prinsipe," sabi ng may-ari ng tinig. "At kayong lahat ay may regalo mula sa kanya. Mga naggagandahan at naggaguwapuhang hamer na handang painitin ang inyong malalamig na gabi!"

Ang sinabing iyon ng may-ari ng tinig ay tila lalo pang nagpatindi ng tuwang nararamdaman ng mga nasa paligid.

"Handa na ba kayong makita ang ating mga hamer?!"

"Handa na! Handa na!" pakantang sabi ng mga tao.

"Handa na ba kayo sa gabing puno ng pagnanasa?"

"Handa na! Handa na!"

"Kung ganoon ay hindi na namin kayo paghihintayin..." sabi ng tinig. "At pagbilang ko ng tatlo, sabay-sabay nating makikita ang mga hamer na handang-handa na magpaligaya..."

Sigawan.

"Isa..."

Kumakabog nang mabilis ang dibdib ni Cromuella.

"Dalawa!"

Sumasabay ang ingay ng tibok ng puso niya sa sigawan ng mga tao sa paligid.

"Tatlo!"

Natanggal ang makakapal na telang nakabalot sa hawla. Nasilaw si Cromuella sa liwanag na galing sa mga ilaw sa bulwagan ng palasyo. Mabilis namang nasanay ang kanyang mga mata sa liwanag. At nakita niya ang mga kalalakihan na nakapaligid sa mga hawla, lahat ay nakatingin sa kanila. Siguro ay may limampu rin ang mga lalaki na nasa paligid. Mayroong mangilan-ngilang babae. Sa di kalayuan, naroon ang mga trono at nakaupo doon ang prinsipe ng Vermuna at ang napili nitong babae.

"Sayaw, mga hamer!" sigaw ng matinis na tinig.

Bahagyang naging malamlam ang ilaw sa buong paligid. Ang mga unipormadong musikero na nakapuwesto sa magkabilang gilid ng mga trono ay nagsimulang tumugtog, maharot ang tunog na halos lunurin ng sigawan at tawanan.

Sumayaw si Cromuella, sayaw na itinuro ni Allesandra. Ang natatakpan lang sa katawan niya ay ang kanyang dibdib at ang pagkababae niya. Kita ang kanyang pusod at ang kanyang mga hita. May suot siyang maskara na ang natakpan lang ay ang paligid ng mga mata niya.

Habang sumasayaw ay hinanap ng mga mata niya si Van.

Suwerteng katabi lang ng cage niya ang cage ni Van. Kita ang malapad na dibdib ni Van. Panloob lang ang suot nito at hapit iyon sa pagkalalaki nito. Kulay ginto ang panloob na iyon at pinilit niya ang sariling 'wag tumitig doon. Tumitig lang siya sa mga mata nito na naaninag pa rin niya sa kabila ng maskara nito na nakatakip din sa paligid ng mata. Nakatitig ito sa kanya.

"Lapitan n'yo ang mga hamer. Panoorin n'yo nang mabuti ang kanilang pagsayaw!"

Naglapitan nga ang ilan sa mga kalalakihan. May isa na lumapit sa cage niya. Isinulot ang kamay sa pagitan ng rehas na parang gustong abutin ang hita niya. Umatras si Cromuella habang patuloy na sumasayaw.

"Lumapit ka... lumapit ka..." sabi ng lalaki. Mataba ito at chinito, nagmamantika ang mukha. "Ipahawak mo sa 'kin ang paa mo. Kahit paa mo lang."

Nandidiri man ay hindi dapat umangal si Cromuella dahil baka masipa siya palabas ng palasyo. Inilapit niya sa lalaki ang paa niya. Dinilaan nito iyon at muntik na niyang matadyakan ito. Binawi niya ang paa, humarap na lang kay Van.

Si Van ay nakatitig siguro sa lalaking tinalikuran niya dahil hindi ito sa kanya nakatingin. At parang nagtatagis ang bagang nito. Nagpapatuloy ito sa pagsayaw kahit tila gusto nitong saktan ang dumila sa paa niya. Hindi niya alam kung bakit parang naaakit siya sa hitsura nito ngayon. Nagagalit pero gumigiling ang katawan na nangingintab dahil sa langis...

Hindi ito ang panahon para diyan, Cromuella!

May isang babae na lumapit sa cage ni Van. Hinubad niyon ang panloob na tumatakip sa dibdib. Lumitaw ang malalaki at mapuputing dibdib ng babae. Ihinagis nito ang panloob sa cage ni Van at tumili nang tumili.

Si Cromuella naman ang nanggigil habang nakatingin sa babae.

May isang lalaki na lumapit sa hawla ni Astrid, tinapunan ang babae ng alak.

"Dilaan mo ang alak! Dilaan mong puta ka!"

At bigla, parang sumingit na naman sa isip niya ang tinig ng kanyang ina. Tumatawa ito habang panay ang sabi: puta ka! Puta ka! Puta ka!

Pumikit si Cromuella. Pilit pinalis ang tinig sa isip niya. Nang muli siyang dumilat ay nakatitig sa kanya si Van. Tingin niya ay nag-aalala na ito sa kanya.

Tumango siya rito, para sabihing ayos lang siya. Tumango din ito sa kanya.

"Ngayon, hindi na namin kayo bibitinin..." sabi ng may-ari ng matinis na tinig, daan para mapunta rito ang atensyon ng lahat. Malaki itong tao, puro muscles ang katawan at puro hikaw ang tainga at ilong. "Ito na ang bahaging hinihintay n'yo..."

Lalo pang naging maharot ang tugtog ng mga unipermadong musikero.

"Bubuksan na ang hawla ng mga hamer!"

Kasabay niyon ay ang sabay-sabay at makapanindig-balahibong sigawan ng lahat.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon