Lawa ng Katotohanan

309 16 0
                                    

NAGTUNGO muli sila sa Lawa ng Katotohanan. Wala halos ulap sa kalangitan at iyon ang nagbibigay ng liwanag sa paligid, kasama na ang napakaraming alitaptap.

Magkatabi silang nakaupo sila sa gilid ng lawa. Nakakatuwa na kontento si Cromuella doon, na masaya na siyang kasama niya doon si Van. Kanina pa siya kumakanta at nakikinig naman si Van sa kanya, nakangiti. Ang mga repleksyon nila sa lawa ay parang naiirita dahil nagtatakip ng tainga, pero hindi iyon pinapansin ni Cromuella. Gusto lang niyang maawitan si Van.

Nang matapos ang pag-awit niya ay narinig niya ang pagbuntong-hininga ng repleksyon ni Van.

"Hay sa wakas, nagsawa din," sabi nito, sabay paikot ng mga mata.

Natawa naman si Van. "Para lang alam mo, hindi ko inisip 'yon. Siya ang kusang nagsabi."

"Alam ko," sabi ni Cromuella, tumingin sa repleksyon ni Van sa lawa. "Ibang-iba ka kay Van, 'no? Mapanglait ka."

Sumimangot lang ang repleksyon. "At least hindi ako katulad ng repleksyon mo," sabi nito, sabay pasimpleng itinuro ang repleksyon niya na nasa tabi nito. "Pipi ba 'to?"

Hindi na lang niya pinansin ang sinabi nito. Hindi rin naman niya alam kung bakit hindi nagsasalita ang repleksyon niya. "Iba ka talaga sa Van na katabi ko. Ang Van na katabi ko, mabait."

Tumawa ang repleksyon. Nakahawak pa sa tiyan para mas madrama ang pagtawa. "Mabait?" sabi nito. "Hindi niya lang sinasabi, pero nakakaisip siya ng bastos paminsan-minsan kapag katabi ka niya."

Natahimik si Cromuella. Bumaling kay Van. Nakita niya na namumula ang mga pisngi nito at nagyuko ng ulo na parang nahihiya sa kanya.

"Gusto mo ba na idetalye ko kung ano ang naiisip niya?" sabi ng repleksyon.

"Shut up," sabi ni Van. Kumuha ito ng isang maliit na bato at ihinagis sa lawa. Pero parang nasalo lang iyon ng repleksyon ni Van. Pagkatapos ay dahan-dahan na lang na lumubog sa lawa.

"Bakit, hindi ba totoo?" sabi ng repleksyon.

Nang hindi makapagsalita si Van ay tumawa lang uli ang repleksyon nito. Tawang-tawa ang repleksyon, hinampas pa ang balikat ng repleksyon ni Cromuella. "Magsalita ka naman! May dila ka ba?"

Hindi na pinakinggan ni Cromuella ang repleksyon. Tumingin na lang siya kay Van na hindi makatingin sa kanya.

"Van?" untag niya rito.

Parang nahihiya pa din ito. "Pasensya na," sabi nito. "Para kasing ano... hindi ko napipigilan."

Tumawa ang repleksyon ni Van nang marinig iyon.

"Ang mga lalaki kasi, parang ano, parang hindi mapigilang maisip iyon paminsan-minsan," sabi nito. "Lalo pa napakaganda mo."

Pagkatapos nitong sabihin iyon ay lalong namula ang mukha nito.

Hindi naman alam ni Cromuella ang sasabihin. Tama naman yata ang kanyang ina. Nakatahi na sa isip ng mga lalaki ang pag-iisip ng tungkol sa pagtawag ng laman. Hindi na iyon naiiwasan ng mga ito. Sumpa raw iyon ng pagkakaroon ng masamang ibon.

Alam ni Cromuella na dapat siyang mainis, na dapat siyang mandiri, pero hindi niya maramdaman. Sa totoo lang, parang naiintindihan niya naman si Van. Para ngang... para ngang may sumibol na konting tuwa sa isip niya sa nalaman.

Nababaliw ka na, Cromuella! sabi ng tinig ng kanyang ina sa isip niya. Hinahayaan mo ng ang pagkababae mo ang mag-isip para sa 'yo! Nababaliw ka na! Nahihiba--

Pumikit si Cromuella para mawala ang tinig. Wala ang kanyang ina sa paligid. Ang tinig na iyon ay sa kanya din nanggagaling.

"Pero paminsan-minsan lang naman," biglang sabi ni Van. Para siguro makabawi. "Paminsan-minsan lang talaga!"

Ang lakas ng tawa ng repleksyon. "Paminsan-minsan lang daw?!" sabi nito, kasunod ng malutong na halakhak.

Sabay silang tumingin ni Van sa repleksyon nito na nasa lawa. "Shut up!" Magkasabay din nilang sabi. Tapos ay nagkatinginan sila. At nagtawanan. Bumibilis ang tibok ng puso ni Cromuella, habang parami naman nang parami ang mga alitaptap.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon