Si Rapunzel at Ang Misteryo ni Van

336 21 13
                                    


MAMAYA na raw ang paliwanag. Magpahinga raw muna sila sa bahay ng kaibigan nito.

Ang bahay ay isang mataas na tore na sa pusod ng kagubatan. Hindi mabilang ni Cromuella kung ilang palapag ang tore na iyon, pero sabihin nang masakit sa leeg na tingalain iyon nang matagal. Gawa sa lumang bato ang tore at nilulumot na ang ibabang bahagi niyon. At mayroong isang bagay na kakaiba sa tore: wala iyong pinto.

"Sigurado ka ba na hindi magagalit ang kaibigan mo sa 'kin?" tanong niya kay Van. Sinabi nito kanina na hindi ito galit sa mangkukulam. Hindi niya alam kung maniniwala siya, pero maipapaliwanag daw nito. Pero paano kung ang kaibigan nito ang galit sa mangkukulam?

"Hindi iyon magagalit," sabi ni Van. "Ang gusto nga niya ay makakita siya nang iba't-ibang uri ng nilalang. Dahil palagi na lang siyang narito sa tore." Tiningala ni Van ang tore.

Si Cromuella naman, pinasadahan din ng tingin ang tore. "Paano tayo papasok? Walang pinto," sabi niya. Tumingala siya. Sa tuktok ng tore, may nag-iisang bintana.

"Ako na ang bahala," sabi ni Van. Huminga ito nang malalim bago sumigaw. "Rapunzel, Rapunzel, let down your hair!"

Napakunot ang noo ni Cordelia habang nakatingala pa rin. Hindi kasi niya naintindihan ang nangyayari. Hanggang sa bigla na lang parang may makapal na lubid na ihinagis mula sa bintana. Mabilis ang pagbagsak iyon kaya hindi na siya nakaatras at tumama iyon sa mukha niya.

"Aray, puta," sabi niya. Napaatras siya at napahawak sa mukha. Tumingin siya sa lubid. Tinitigan niya iyong mabuti at doon niya naintindihan na hindi talaga iyon lubid. Buhok iyon na tinirintas.

"'Yan ang gagamitin natin para makaakyat sa tore," sabi ni Van sa kanya.

"'Yan?" sabi ni Cromuella, tumingin sa buhok. May mga puti-puti iyon na parang kinayod na niyog. Sandamakmak na balakubak. Napangiwi siya. "Seryoso, diyan talaga?"

"Oo nga," sabi ni Van. "Tara na. Napapagod na ako. Kailangan ko nang magpahinga."

Tumingin uli si Cromuella sa buhok.

"Una ka na, bilis," sabi ni Van. Nang sulyapan niya ito, nakita niyang may ngiti sa mga labi nito.

Bigla ay napasimangot siya. "'Wag mo akong hahawakan sa puwet!" sabi niya.

Tumawa si Van, nagtaas ng kamay. "Susubukan ko," sabi nito. Alam niyang nagbibiro lang ito. "Pero puwede bang tingnan kahit saglit lang? Matambok kasi, eh."

Bastos talaga. Pero teka, teka, gusto pa din nitong makita ang... ang puwitan niya kahit nasa anyo na siyang mangkukulam? Hindi na siya maganda. Kaya... hindi kaya inuuto na lang talaga siya nito?

"Akyat na," sabi ni Van.

Kaysa mag-isip pa nang mag-isip ay umakyat na nga lang si Cromuella. Nang kumapit siya sa buhok ay parang gusto niyang mandiri. Madulas iyon, nagmamantika. Iba rin ang amoy. Hindi mabango, sa totoo lang.

"Sigurado ka bang buhok to sa ulo?" sabi niya habang umaakyat sa mahaba at mabantot na buhok. Nakasunod naman sa kanya si Van.

Malay ba niya kung buhok iyon sa kilikili? O baka mas malala pa. Tinitigan niyang mabuti ang buhok kung patay at kulot na kulot. Kasi kung kulot na kulot, bababa talaga siya. Mamatay na, hindi siya aakyat!

Tumawa si Van. "Buhok 'yan sa ulo ano ka ba," sabi nito, napapabungisngis pa din. "Siya nga pala, medyo mabuhok ako doon. Okay lang ba sa 'yo?"

"'Tinanong ko ba?" sabi niya.

"Baka lang ayaw mo ng mabuhok na ano."

"Hindi ako interesadong makita 'yan, 'no?"

At iyon talaga ang usapan nila, ha? Buhok sa ano. Mas marami silang dapat pag-usapan pero iyon ang napili nila.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon