Pagsasanay sa Pagbebenta ng Aliw Part 2

297 15 5
                                    

DINALA sina Cromuella at Van ng isang alalay ni Allesandra sa isang malaki at malawak na silid na walang kahit anong sagabal na upuan, mesa o kama. Wala talagang laman ang silid na iyon. Mayroon lang kurtina sa napakalaking mga bintana. Nakabukas ang mga bintana kaya pumapasok ang liwanag at ang malamig na simoy ng hangin.

Pagpasok nila ay nakita nila ang isang nakatalikod na binabae na may kinakausap na grupo ng mga babae at lalaki. Alun-alon ang kulay mais na buhok ng binabae. Maputi ang kutis. Makurba ang katawan. Kaya lang nalaman ni Cromuella na binabae ito ay dahil sa tinig nito.

"Kayo ay narito para magsanay at bigyan ng hindi mailarawang sarap ang mga kawal ng hari--"

"Allesandra," pukaw ng alalay ni Allesandra na nagdala sa kanila sa silid. "May mga bagong nagboluntaryong magsanay na maging hamer para sa piging."

Lumingon si Allesandra sa kanila. Muntik nang mapanganga si Cromuella. Ang ganda ganda kasi ng binabae. Oo, boses bakulaw ito, pero napakaganda ng mukha. Parang pag-aari ng isang anghel. Maamong-maamo ang mga mata. Makakapal ang pilik. Maliit ang ilong at manipis at namumula-mulang mga labi.

Tumitig ito sa kanya at para siyang nahiya. Ganoon ito kaganda, nakakahiya ang sarili niyang mukha. Mukhang hindi naman nito tiningnan nang matagal. Kay Van kasi agad napako ang tingin ni Allesandra. Napapalakpak ito nang makita si Van.

"Napakaguwapo!" sabi nito. Boses nananakot ito pero nang ngumiti... naningkit ang magagandang mga mata... lumitaw ang biloy...

Wala talagang hustisya. Hindi na mapigilang mapasimangot ni Cromuella.

"Lumapit ka sa 'kin, guwapong nilalang," sabi ni Allesandra. Sumenyas pa ito, tumunog ang napakaraming pulseras. "Lumapit ka sa 'kin at gusto kitang makita nang malapitan."

Sumulyap muna sa kanya si Van. Ngumiti ito sa kanya, bago lumapit kay Allesandra. Sinalubong ito nang magandang binabae. Hinaplos ang pisngi ni Van, ipinaling ang ulo pakaliwa at pakanan. Nang makontento ay hinuli nito ang mga mata ni Van at nagtitigan ang dalawa.

"Bigyan mo nga ako ng ngiti," sabi ni Allesandra.

Mukhang sumunod si Van kaya napatili si Allesandra, humawak sa namumulang mga pisngi. Bakit gano'n? Kapag si Allesandra ang namumula ang pisngi, ang ganda. Siya, nakita na niya ang sariling mamula sa harap ng salamin habang siya ay nasa anyong mangkukulam. Mukha siyang magang taghiyawat!

"Sumama ka na sa grupo ng mga kalalakihan, ginoo," sabi ni Allesandra.

"May kasama ako," narinig ni Cromuella na sabi ni Van.

Nilingon siya ni Van. Ngiting-ngiti ito sa kanya. Hindi niya alam kung nang-iinis o ano.

"Kasama siya?" sabi ni Allesandra. "Bakit ganyan? Simangot na simangot? Natatae ba 'yan?"

Lalong lumawak ang ngisi ni Van. Tumikhim ito, tumaas-baba ang kilay sa kanya.

Pilit na lang na ngumiti si Cromuella.

Ngumiti na rin sa kanya si Allesandra. Mabait din yata ang tinamaan ng magaling. Maganda na, mabait pa? Wala bang kapintasan bukod sa boses? Wala bang putok?

Lumapit ito sa kanya. Nalintikan na. Walang putok. Mabango. Amoy mga bulaklak. Pero hindi masakit sa ilong. Banayad lang ang amoy, iyong tipong hahabulin ng mga lalaki, aalamin kung saang parte ng katawan nito nanggagaling ang bango.

Bigla, naisip ni Cromuella si Van, inaamoy-amoy ni Van ang leeg ni Allesandra. Liliyad si Allesandra, ipipikit ang mga mata nito. Mamumula ang mga pisngi... Nakikiliti na si Allesandra pero sige si Van sa pag-amoy dito...

'Tulak kaya niya sa imburnal?

"Sumama ka na sa grupo ng mga babae. Magsisimula na tayo," sabi nito.

Tumango si Cromuella, lumapit sa grupo ng mga babae. Parang lahat ng mga ito ay tuwang-tuwang naroon. Ngiting-ngiti at nakatingin kay Allesandra nang may paghanga. Siya lang ata ang mukhang namatayan habang nasa silid na iyon.

Nagpaikot-ikot si Allesandra, umangat ng bahagya ang suot nitong maikling bestida. Sandaling lumitaw ang mapuputi at makikinis nitong binti.

"Ito ang unang araw ng pagsasanay ng mga hamer," sabi ni Allesandra. Patuloy ito sa ginagawang pagsayaw, iginagalaw maging ang mga kamay at ang ulo. "May tatlong araw na lang tayo para magsanay at mag-uuwi na ng bagong nobya ang ating prinsipe mula sa Pitong Gabi ng Pagpili. Magkakaroon ng isang piging para sa mga kawal niya at ilang piling mamamayan. Kayong mga hamer ay naroon para bigyan ng aliw ang mga kawal."

Lumapit ito sa mga lalaki. Malaswa ang bawat kembot nito, ikinikiskis ang puwitan sa tagiliran ng mga kalalakihan. "Kayong mga lalaki ay naroon para sa mga kawal na paminsan-minsan ay gustong may makasiping na lalaki," sabi ni Allesandra. "Hayaan n'yong lapitan nila kayo. Ang ilan sa kanila ay nahihiyang malaman ng iba na gusto rin nilang tumikim ng kalalakihan paminsan-minsan."

Nakatingin lang si Cromuella kay Van. Lumapit dito si Allesandra. Pumuwesto ang magandang binabae sa harap nito, doon mapaglarong hinimas ang dibdib ni Van. "Sasanayin kayong magpaligaya ng mga katulad nila," sabi ni Allesandra. Pagkatapos sabihin niyon ay tumalungko ito na parang may balak gawing kalaswaan, pero tumayo din naman agad. Si Van ay ngiting-ngiti.

Manyak. Manyak... Manyak!

Nagpaikot-ikot si Allesandra habang palapit sa kanilang mga babae. Isa-isa nitong hinaplos ang mga mukha nila habang mabagal pa ring sumasayaw.

"Kayong mga kababaihan ay sasanaying magpaligaya ng mga kawal na hindi interesado sa kalalakihan. Tuturuan kayo ng mga paraan para mapaangat ang lalaki mula sa pagkakaupo, sa pagkakahiga, dahil sa sarap na kanyang nararamdaman..."

Sige sa pagsayaw si Allesandra at pagpapaliwanag ng gagawin nila. Hindi naman maalis ni Cromuella ang tingin kay Van. Bakit gano'n? Bigla hindi na talaga siya natutuwa sa nangyayari. Bigla, ayaw na niya ng ideyang magsanay silang maging hamer para makapasok ng palasyo. At higit sa lahat, ayaw niyang... ayaw niyang nilalapitan ng pagkaganda-gandang Allesandra si Van.

Huminto na sa pagsayaw si Allesandra. Nakatingin na lang ito sa kanila, nakadipa ang mga kamay.

"Magsisimula na..." sabi nito. "Magsisimula na ang pagsasanay sa inyo para maging isang mahusay na hamer!" 

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon