Prologue-Cromuella ala Carrie

2.3K 49 4
                                    


ONCE upon a time, sa isang malayong kaharian, sa isang hindi pangkaraniwang dimensyon na walang mga taong ginagawang meme lahat ng bagay at hindi sinasabihang i-KMJS na 'yan ang mga interesting na nakita sa daan, may tatlong mangkukulam na nangarap makapangasawa ng mga prinsipe.

Ang isa sa mga babaeng iyon ay may pangalang Cromuella.

"Cromuella, oras na para sabihin natin ang ating mga panalangin," sabi sa kanya ng kanyang ina na si Betsaida, nakasilip sa bahagyang nakaawang na pinto ng kanyang silid. Kandila lang ang tanging nagpapaliwanag sa bahay kaya nakakatakot tingnan ang maputla at payat na payat na mukha ng kanyang ina.

Napabangon si Cromuella mula sa pagkakahiga, pasimpleng inilagay sa ilalim ng unan ang larawan ni Prinsipe Ylmas, isang prinsipe na nabuhay ilang taon na ang nakararaan.

Hindi puwede! Hindi dapat malaman ni ina na naisip ko na gusto kong makita ang masamang ibon ng prinsipe!

Dumating na siya sa edad na naiisip na niya ang pakiramdam na humawak ng masamang ibon ng prinsipe. Iyon ang tawag ng kanyang ina sa ari ng mga lalaki. Masamang ibon. Hindi niya iyon naintindihan dahil mayroon bang mabuting ibon? Noong minsang muntik na siyang malunod, wala namang tumulong na ibon. Nagliparan lang sa ibabaw niya ang mga lintek.

"Ano pa ang itinutunganga mo diyan, Cromuella?" sabi ng kanyang ina. "Bumaba na tayo! Panahon na para sa ating mga panalangin."

"Opo, ina," sabi ni Cromuella. Inayos ang sarili.

Nasa likod siya ng kanyang ina habang pababa sa unahang palapag ng kanilang tahanan. Bitbit nito ang itim na libro ng mga dasal at pabulong-bulong ito habang bumababa. "Linisin... Kailangang linisin ang aming kaluluwa..." sabi nito. "Linisin ang aming kaluluwa... o linisin."

Ilang minuto rin bago sila nakababa dahil sa pinagsasabi ng ina niya.

Dumiretso sila sa isa pang silid sa tabi ng kusina. Isang silid na hindi hinahayaan ng kanyang ina na makita ng mga kapitbahay at kaibigan nila. Palaging sarado ang pintong iyon at may tanong man kung ano ang nasa likod, iba ang isasagot ng ina niya. Mga maruruming damit. Mga lumang gamit.

"'Di ba masamang magsinungaling ina?" tanong niya minsan.

Sinampal siya nito bigla ng itim na libro na nagpadugo ng labi niya. "Boba!" sabi nito. Dinuro-duro siya nito gamit ang itim na libro. "Kapag nalaman nila kung ano ang nasa likod ng pintong ito, papatayin tayo ng ating mga pinuno!"

Sa kanilang kaharian, ang kanilang hari ang kanilang Panginoon.

Ang kanyang ina nga lang, natutong sumamba sa iba. Matapos kasing iwan ng kanyang ama, ginusto ng kanyang ina na makalimot at magtungo sa Mougarry—ang lugar ng mga tao o kawawang mortal. Nakilala nito roon ang ikalawang lalaking nagpatibok ng puso nito. Ayon sa kuwento ng kanyang ina, mabait ang mortal. Matanda na daw kaya hindi na raw nito pinroblema ang masamang ibon.

Ayon pa sa kanyang ina, ipinakilala ng mortal dito ang totoong Panginoon. Isang Panginoon na may awa sa mga naniniwala ngunit walang habag sa mga ayaw sumunod. Isang Panginoon na matulungin at palaging nakikinig sa tinig ng mga nananalig, pero bingi sa mga mangmang at suwail.

Hindi niya alam kung paano nagtapos ang kuwento ng dalawa. Ayaw na rin niyang itanong.

"Ilabas mo na ang alay, Cromuella."

Tumango si Cromuella. May isa pang pinto sa silid na iyon. Pinto iyon ng isang malaking aparador. Nagpunta siya doon at binuksan iyon. Hinila niya palabas doon ang isang baboy ramo. Umiyak ang baboy ramo. Mabaho ang baboy ramo, pumapatong ang masangsang nitong amoy sa amoy ng mga kandila at bulaklak.

Dinala niya ang baboy ramo sa tapat ng altar. Ang altar ay isang mesa na punong-puno ng mga bulaklak at kandila. Sa ibabaw ng mesa, naroon ang estatwa ng isang nilalang na may katawan ng tao, pero may ulo ng isang kambing. Nakanganga iyon, nanlilisik ang mga mata at matatalas ang ngipin. Minsan, pakiramdam ni Cromuella, nakatitig sa kanya ang kambing. Minsan na niyang naisip na gagalaw iyon bigla, tatalon sa kanya at kakagatin siya sa leeg, ibabaon ang ngipin sa malaking ugat na naroon.

May sinabi ang kanyang ina na mga salitang hindi niya maintindihan. Idinipa nito ang mga kamay, nakapikit at lumuluha. Iyak nang iyak ang baboy. Tahimik lang si Cromuella, tulala sa sumasayaw na apoy ng mga kandila.

"Ate, delessere, immense... Te Invoco Satana, no prete, Satana!" sabi ng kanyang ina.

"Luhod, Cromuella!" sigaw ng kanyang ina mayamaya. "Lumuhod ka at pumikit. Pakinggan mo ang aking pagtawag sa totoong Panginoon!"

Lumuhod si Cromuella. Nagmamadali. Katabi na niya ang baboy. Nakatitig iyon sa kanya, may muta sa mga matang parang lumuluha. Ipinikit niya ang kanyang mga mata.

"Spennato, Arcangelo, cade nel vano! Satana! Satana!" sigaw ng kanyang ina.

"Satana," pagsabay niya, dahil iyon ang palagi nitong inuutos na gawin niya.

"Satana!" magkasabay nilang sabi.

Pagkatapos niyon ay dumilat siya. Nakayuko sa kanya ang kanyang ina, nakangiti ngunit may bakas ng luha sa mga pisngi. Gulo-gulo ang buhok at nanlalaki ang mga mata.

"Mag-alay na tayo," sabi ng kanyang ina. Binuksan nito ang tokador na nasa mesa, naglabas doon ng martilyo. Pinaglaruan nito iyon sa kamay nito.

Tumayo si Cromuella. Umatras. Lumunok.

May sinasabi ang kanyang ina sa baboy na hindi rin niya maintindihan. Hinimas-himas nito ang ulo ng baboy bago iangat ang martilyo. Naglayo ng tingin si Cromuella, pero narinig niya ang tunog ng paghampas ng martilyo sa bungo ng baboy. Umiyak lalo ang baboy, pero mabilis uli itong hinampas ng kanyang ina. Natahimik ang baboy at alam na niya ang sunod na mangyayari. Mula sa tokador ay kukunin ng kanyang ina ang kutsilyo at...

...At ito ang dahilan kaya gusto niyang makaalis sa lugar na iyon at makapangasawa ng prinsipe. Kailangan niyang makalayo sa kanyang ina na tingin niya ay nawawala na sa sarili. Kaya siya makikipagkita kay Cassandra mamaya. Sinabi nito sa kanya na may plano na ito para makaalis sa kaharian nila. Makaalis at makapangasawa ng prinsipe. 

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon