Pagsasanay sa Pagbebenta ng Aliw Part 1

303 14 1
                                    

RECAP: Kailangang magsanay nina Cromuella at Van na maging Hamer--o tigabenta ng aliw.

NAKARATING na sina Cromuella sa kulay rosas na tahanan ni Allesandra. Malaki iyon kumpara sa ibang tahanan malapit sa pamilihan. Mayroon iyong may kalawakang bakod na may luntiang damo at may mga malalaking puno.

Ang bahay ay mayroon sigurong dalawang palapag at halatang malawak. Sa harapan ay may maliit na hagdan patungo sa terasa. Ang terasa ay puno ng paso ng mga namumulaklak na halaman. Inakyat nina Cromuella ang hagdan. Sa harap ng pinto naroon ang isang mesa. Nakadulog doon ang isang babae na siguro ay otsenta na, pero malaswa pa rin ang suot. Lola, hindi ka kaya mapulmonya? Baka mapaaga ka, gustong sabihin ni Cromuella.

"Magandang umaga po," bati ni Van sa matanda.

Mula sa mga binabasang papel ay nag-angat ang tingin ng matanda. Ang isang mata niyon ay parang namumuti, parang may katarata. Ngumiti iyon ay lumitaw ang gintong ngipin. "Ano'ng maipaglilingkod ko?"

"Kami po ay nagbabalak magsanay bilang hamer," sabi ni Van.

Tumang-tango ang matanda. "Talaga ba?" sabi niya. Hindi niya inaalis ang tingin sa mga mata ni Van. Lola, hindi ka kaya maduling? "Karamihan sa mga lalaking pumasok na rito ay hindi gaanong guwapo. Isa ka sa pinakaguwapong nakita ko." Humagikgik ang matanda, tinapik si Van. Nginitian ni Van ang matanda at lalo iyong humagikgik, muntik nang malaglag ang gintong pustiso. Hinigop nito uli iyon papasok sa bibig nito.

"Isulat mo ang pangalan mo rito at sagutan mo ang mga tanong," sabi ng matandang babae. Inabutan nito ng kulay bughaw na papel si Van.

Ang lola, hindi yata siya napansin. Parang tanga na nakatayo lang siya sa tabi ni Van.

Tumikhim siya, dahilan para mabaling ang atensyon ng matanda sa kanya.

"Ah," sabi nito. "Ikaw rin?"

Tumango si Cromuella.

"Hindi ka masyadong maganda, pero sige, bahala ka."

Inabutan siya nito ng kulay dilaw na papel. Pigil ang sariling mag-amok na tinanggap niya iyon. At talagang napintasan pa siya, ha?

Kinuha niya ang isang balahibo na nakapatong sa mesa. Bago niya isawsaw iyon sa tinta ay tiningnan muna niya ang mga nakasulat sa papel. Muntik na siyang himatayin.

PANGALAN: _______________________________________________________________

EDAD:________________________ PETSA NG KAPANGANAKAN: ____________________

TUNAY BANG BABAE? LAGYAN NG MARKA

____HINDI

____OO

GAANO NA KARAMI ANG KARANASAN? ISULAT ANG ITINATAYANG NUMERO

KARANASAN SA LALAKI ______________________________

KARANASAN SA BABAE ______________________________

KARANASAN SA HAYOP _____________________________

Karanasan sa hayop?! Gusto nang magwala ni Cromuella. Sinong hindi basag ang pula na magkakaroon ng karanasan sa hayop?

"Ganito ba talaga ang mga tanong dito?" sabi ni Cromuella, sinilip ang papel na sinusulatan ni Van. Nag-init ang tingin niya nang madaanan ng kanyang mga mata ang mga tanong sa papel nito.

GAANO KAHABA? Hindi ko alam.__________________

GAANO KADALAS PALIGAYAHIN ANG SARILI SA ISANG LINGGO _____Mga tatlo______

Nang makita nitong nakatingin siya sa sinasagutan nito ay tinakpan nito iyon. Namula ang magkabilang pisngi nito. "Normal sa lalaki na gawin iyon," sabi nito. Hindi siya matingnan.

"Wala naman akong sinabi," sabi ni Cromuella. Kahit maging ang mga pisngi niya ay nag-init, at parang hindi niya mapigilang ma-imagine si Van na nakaupo, nakabukaka, habang nasa kamay nito ang masamang ibon, inaamo, nilalambing, hinihimas...

Epekto ito ng Vermuna! Epekto ito ng Vermuna!

Pilit nag-concentrate si Cromuella sa sinasagutang papel. Hindi niya alam kung kikilabutan siya o matatawa sa mga tanong. Masyado raw bang malaki ang ngipin niya? Anong kinalaman ng ngipin niya sa sex? Ano raw ang size ng dibdib niya. Yong tama lang, sagot niya. Nagtatanggal raw ba siya ng buhok sa kilikili?

Tapos ay mayroon siyang nakitang kakaibang tanong. Sa ngayon ba ay mayroon kang itinatangi? Isang taong madalas isipin?

WALA

Hindi siya nakasagot agad. Natulala lang siya sa papel na sinasagutan.

Tapos, hindi niya mapigilan ang sariling dumukwang, para makita kung may ganoon din bang tanong sa papel ni Van. At kung meron, ano ang naging sagot nito.

Meron. Sumagot din si Van. Mayroong marka sa kahon ng meron! Merong itinatangi si Van!

Hindi siya agad nakakibo. Kung may itinatangi na pala ito, bakit pa kailangang maging malambing ito sa kanya? Sino ba ang itinatangi ni Van?

"Si Rapunzel ba?" nasabi ni Cromuella nang malakas. Nag-init ang kanyang magkabilang pisngi. Hindi naman niya kasi inaasahan na masasabi niya nang malakas.

Tumitig si Van sa kanya, parang nalito sa sinabi niya. Pero sa huli, mukhang nabasa nito ang iniisip niya. Napailing ito at napangiti. "Hindi a," sabi nito.

"Eh, sino?"

Tumitig ito sa kanya. Napaatras nang bahagya si Cromuella. Siya? Siya kaya? Parang imposible, eh. Oo at hindi ito katulad ng iba na galit na galit sa mga mangkukulam, at madalas siyang asarin nito sa pamamagitan ng pagsasabi nito na nagagandahan pa rin ito sa kanya, pero parang kasinungalingan naman iyon. Lalo pa, sa kasinungalingan naman nag-umpisa ang kuwento nila.

Isa pa, parang natural lang dito ang pagiging malambing. Kita mo, iyong matandang may-ari ng tindahan kanina, at ito pang matandang may gintong pustiso, nginingitian.

Kaya... imposible siguro na siya.

"Tapos ka na ba diyan?" sabi nito, daan para mabaling ang tingin niya dito.

"P-patapos pa lang," sabi niya. Inilapag niya sa mesa ang papel, minarkahan ng pagkalaki-laking ekis ang kahon na katabi ng wala. Nakita niyang nanonood ito sa kanya. Hayaan na niyang isipin nito na wala siyang itinatangi, wala siyang madalas isipin.

Kahit sa totoo lang, ang dalas ko na siyang naiisip...

Nang mag-angat ng tingin si Cromuella, si Van naman ang nakatitig sa kanya. Hindi niya mabasa ang emosyon sa mga mata nito. Pero titig na titig lang ito at hindi inaalis ang titig sa kanya.

Inabot na niya sa matanda ang papel niya. "Tara na," sabi nito.

Sandaling hindi muna inalis ni Van ang tingin sa mga mata niya. Bago ito tumango at ngumiti. "Tara na."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon