Hakbang ni Rapunzel

295 14 5
                                    

NAKASAKAY na sina Cromuella sa karwahe patungo sa tore ni Rapunzel. Hawak-hawak ni Cromuella ang setro, nakatingin doon. Si Van ay ngiting-ngiti habang pinapatakbo ang karwahe.

"Natapos na natin ang misyon sa wakas," nasabi ni Cromuella. "Nakuha na natin lahat ng kailangan natin."

Tumango si Van. "Kailangan na lang nating ibigay 'yan sa kakilala kong manggagamot sa Radon at ibibigay na niya sa 'tin ang lunas sa sakit ng ating mga ina."

Nag-init ang mga mata ni Cromuella. Sa isip niya ay gumawa na siya ng mga tagpo na maaring mangyari kapag gumaling na ang kanyang ina. Kung paanong magiging masaya na silang dalawa. At ngayong mayroon siyang nobyo na mahal na mahal niya, tingin niya ay kontento na siya.

Narating nila ang tore ni Rapunzel. Inalalayan siya ni Van na makababa ng karwahe. Tapos ay tumapat sila sa tore, sinabi ni Van, "Rapunzel, let down your hair!"

Hindi rin nagtagal ay inilahad na ni Rapunzel ang buhok nito. Umakyat silang dalawa, masayang-masaya.

"'Wag na tayong magpatumpik-tumpik pa," sabi ni Cromuella habang umaakyat sa buhok. "Kunin na natin ang lahat ng ipinatago natin kay Rapunzel at dumiretso na tayo sa kakilala mong manggagamot."

"Kung ano'ng gusto ng mahal ko," sabi nito.

Nang makapasok sila sa tore ni Rapunzel ay agad na kinuha ni Van sa kanya ang setro, para ipakita sa babae.

"Nakuha na namin lahat ng kailangan namin!"

Tipid na ngumiti si Rapunzel habang inaayos ang buhok nito. "Mabuti naman," sabi nito. Tapos ay natigilan. Nakatitig lang ito sa kanilang dalawa. Kitang-kita ang hirap sa mga mata nito. Ilang sandaling hindi ito gumalaw, parang isang estatwa roon na walang pagkatao.

"Rapunzel?" untag dito ni Van.

"Kumain na ba kayo?" sabi nito sa matinis na tinig. Pilit na pilit ang ngiting ipinakita nito. "Naghanda ako ng makakain n'yo."

Tumalikod sa kanila si Rapunzel at nagtungo sa mesa. Nagsimula itong maghain ng pagkain. Naiwan sila ni Van na nakatingin dito.

Napabuntong-hininga si Cromuella. Ngayon kasing nakuha na ni Van lahat ng kailangan nito mula sa mga kaharian,tapos na rin ang papel ni Rapunzel sa misyon ni Van. Iyon siguro ang dahilan kaya nalulungkot ito. Gusto niyang ipaalala dito ang una nitong naging plano. Tumakas. Ngayon ay maari na nitong gawin iyon, 'di ba?

"Umupo na kayo," sabi ni Rapunzel.

Alam ni Cromuella na kapag naging masaya si Rapunzel, doon lang sila tuluyang magiging masaya ni Van. Pero hindi kaya pagiging makasarili ang isiping dapat maging masaya si Rapunzel para sa kanila?

Habang nakadulog sa mesa ay parang iniisip ni Rapunzel kung ano ang sasabihin sa kanila. Aawang na sana ang bibig niya para kumbinsehin na itong iwan ang tore, pero bigla itong nagsalita.

"Duwag ako," she said. Nakayuko siya sa mga pagkain. Ang kanyang mabuhok na mukha ay lalo pang pinalungkot ng liwanag ng apoy sa kandila. "Duwag ako, dahil hindi ko nagawang iwan ang toreng ito. Nagplano kami ni Van, pero nang wala na siya, wala na akong nagawa. Naduwag ako. O siguro, hinihintay ko si Van na bumalik. At alam kong itong toreng ito lang ang koneksyon naming dalawa."

"Noong bumalik si Van, kinailangan niya ang tore para pagtaguan ng mga nanakaw niya. Kaya hindi ako nakaalis..." sabi nito. Suminghot. Mayamaya, may makislap na likidong pumatak sa mesa. Mga luha. "Ngayong tapos na ang misyon..." Hindi nito naituloy ang sasabihin.

"Puwede ka nang umalis," sabi ni Van. "Tutulungan kita, puwede ka nang umalis."

"Hindi mo naiintindihan, Van," sabi ni Rapunzel. "Takot na akong umalis. Takot na akong mapahiwalay sa tore na ito. Takot ako, Van. Duwag ako."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon