Huling Araw ng Pagsasanay (Usapang Bakod)

295 17 3
                                    

NANG sumapit ang tanghalian, hindi na lumayo kay Cromuella si Van. Hawak-hawak nito ang kamay niya hanggang sa magkatabi silang makadulog sa mesa. Akala mo ay may biglang kukuha sa kanya mula rito. Hindi na rin ito tumabi kay Allesandra, kahit nakita niyang nakatitig dito ang binabae. Basta ang punto, ayaw na nitong mahiwalay sa kanya.

Nangbabakod.

Si Gustin, hindi naman malungkot na hindi siya nito katabi. Nakatitig lang ito sa kanila at nakangiti.

"Titig na titig sa 'tin si Gustin," sabi ni Van. Bahagyang salubong ang kilay. Hindi naman galit, naiirita lang. "Tusukin ko mata niyan, eh."

"Hayaan mo nang tumitig," sabi ni Cromuella. Sa totoo lang ay parang hindi pa rin niya lubos na maunawaan ang nangyayari. Dayuhan sa kanya ang ganoong sitwasyon, iyong may katabi siyang lalaki na hindi natutuwa na tinitingnan siya ng iba.

"Subuan mo nga ako," sabi ni Van.

"Ha?"

"Subuan mo ako," sabi nito. "Para malaman na akin ka."

Akin ka.

Hindi alam ni Cromuella, pero kahit may pang-aangkin ang salita ni Van, hindi siya nainis. Para ngang... nakiliti pa siya.

"Sa 'yo talaga?" sabi ni Cromuella. Pero sumunod naman. Sinubuan si Van.

Tumitig sila ni Van kay Gustin. Kinausap ito ni Astrid na nasa tabi nito kaya hindi ito nakatitig sa kanila. Hindi siguro ito interesado sa sinasabi ni Astrid dahil bumaling uli ito sa kanila.

Dumukwang si Van at bumulong. "Ulitin mo, hindi nakita," sabi nito. Muntik nang matawa si Cromuella. "Tagalan mo din, para mainis siya."

Ngumanga si Van. Dahan-dahan namang inangat ni Cromuella ang kutsara. Sinadya niyang sobrang tagalan ang pag-angat na ilang segundo na ring nakanganga si Van. Parang nahalata na nito na nang-aasar na lang siya kaya tumikom ito.

"Ano ba 'yan, ayaw mo naman--" wika nito na parang magtatampo na

Kaya agad siyang tumawa, inangat ang kutsara at pinutol na ang sasabihin nito. "'Eto na, 'eto na," sabi niya. Ngumanga ito. Sinubuan ito ng pagkain. Marami.

Mabubulunan na ito sa dami ng nginunguya nito pero nakuha pa rin nitong kindatan siya. Bakas na bakas ang kasiyahan sa mga mata nito. Nang malulon nito ang kinakain ay ngumanga uli ito. Sinubuan niya uli ito at nagkaroon ng butil ng kanin sa pisngi nito.

Itinuro niya iyon nang matapos ito sa pagnguya. "May kanin," sabi niya. "Tanggalin mo."

"Ikaw na," sabi nito, inilapit sa kanya ang mukha. "Asikasuhin mo ako. Para alam nilang lahat na sa 'yo ako."

Sa 'yo ako. Sa mga salitang iyon ay parang siya naman ang nang-aangkin rito. At tulad niya, mukhang hindi rin ito inis. Parang masaya rin ito, para ring nakikiliti ng ideya.

Tinanggal niya ang kanin sa pisngi nito. Hinuli nito ang mga mata niya at nginitian siya. Ngumiti rin siya rito.

Nang mga panahong iyon, pakiramdam ni Cromuella, silang dalawa lang ang nakadulog sa hapagkainan. Bigla, parang kanilang-kanila ang mundo.

"NAKATINGIN si Allesandra,"

Hapon na. Kulay kahel na ang sikat ng palubog na araw, lumalagos sa malalaking bintana. Napakaguwapo ni Van kapag lumalapat sa mukha nito ang liwanag ng palubong na araw. Nagiging mapusyaw ang kulay tsokolate nitong mga mata at mistula ring nagkukulay tsokolate ang buhok nito.

Katatapos lang nila sa pagsasanay at pinagpapahinga muna sila bago magsimula ang hapunan. Lumapit agad sa kanya si Van--takot siguro na maunahan ito ni Gustin. At ayos lang naman kay Cromuella iyon. Masaya na siyang titigan si Van.

Kaya nga lang, may isa pang nakatitig rito. Si Allesandra. Nagpalit ng damit ang binabae, mas malaswa. Luwa at kita ang gilid ng maputing dibdib na dulot siguro ng mahika. Kita na rin ang mapuputing binti, litaw na rin ang malinis na pusod. Wala na nga halos itinatago.

Pero ni hindi na ito sinulyapan ni Van.

"Nakatitig pa din?" tanong ni Van sa kanya.

Pasimpleng sumulyap si Cromulla sa kaliwa, kung saan naroon si Allesandra. "Oo," sabi niya.

Dumukwang si Van, mabilis na hinalikan siya sa pisngi. "Ano, nakatingin pa?" sabi nito.

"Bakit nanghahalik ka?" sa halip ay tanong niya.

Ngumiti lang si Van. Naningkit na naman ang mga mata, parang nangangarap. "Para nga malaman niya na sa 'yo ako," sabi nito. "Bakit, ayaw mo ba?"

Hindi muna sumagot si Cromuella. Umangat muna ang kilay niya, ngumiti, bago sabihing, "Nakatingin pa siya."

Lalo namang tumamis ang ngiti ni Van, dumukwang at binigyan na naman siya ng halik sa pisngi. This time, it lingered.

"NGAYONG araw, sasabihin na namin kung sino ang mga hamer na pupunta sa piging sa palasyo," sabi ni Allesandra.

Sa wakas ay natapos na rin ang tatlong araw na pagsasanay. Imposible nang makaalma pa si Allesandra at makagawa ng paraan na agawin si Van. Pero mukhang wala na rin naman itong balak na landiin si Van. Nang mahalata nito na may namamagitan na sa kanila ay hindi na nito nilapitan si Van. Hindi na rin siya nilapitan ni Gustin.

"Astrid!" sabi ni Allesandra. "Ikaw ang isa sa mga napili!"

Nagtatalon si Astrid. Nag-iiyak pa. Panay pa ang palakpak. Nang mapansin nitong pinagtitinginan na ito ng lahat ay nanahimik ito.

Iginala ni Allesandra ang tingin sa paligid. Huminto ang titig nito sa kanilang dalawa. "Kayong dalawa... kasama kayo sa mga ipapadala sa palasyo."

Nagtinginan sila ni Van. Kumindat ito sa kanya. Tumango siya rito.

May pinili pang iba si Allesandra. Ang mga napili ay tuwang-tuwa. Ang mga hindi napili ay nalungkot. Nabalot ng ingay ang silid.

"Manahimik!" sigaw nI Allesandra mayamaya.

Nanahimik naman sila. Nakatingin na ang lahat kay Allesandra. Tumabi na rito ang kapatid nitong si Gustin. Ngumisi ang dalawa habang nakatingin sa kanila.

"Mamayang gabi, siguruhin n'yong mapaliligaya n'yo ang mga kawal," sabi ni Allesandra. "Paghusayan n'yo, mga mahal kong hamer. Ito na ang gabing pinakahihintay nating lahat."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon