Ang Nakaraan ni Van Part 1

316 14 1
                                    


Ilang taon na ang nakakaraan...

"MGA BATA, pumunta kayo rito! Pumunta kayo rito!"

Hindi mapakali sina Van. Nag-uunahan sila sa bulwagan ng malaking tahanan kung saan sila lumaki. Halos madapa na iyong isang lampa. Iyong pilay, nakalimutan yatang pilay siya. Binalak tumakbo. Bumagsak sa sahig at doon na lang gumapang. Hindi sila dapat mahuli. Ayaw na nilang manatili sa tahanang iyon.

Nauuna si Ponggi, iyong kasama ni Van na bungi. Ito ang pinakamatalik na kaibigan niya. Bigla itong pinigil ni Impo Gliceria.

"Lumayo ka," sabi nito, kinurot sa tagiliran si Ponggi. Nalukot ang mukha ni Ponggi sa sakit. "Iuna si Van. Siya ang guwapong bata."

Itinulak ni Impo Gliceria palayo si Ponggi. Dahil mahina ang tuhod ay napasubsob ito sa sahig. Luhaan na ito habang nakaupo sa sahig, nakatitig kay Impo Gliceria. Naawang tinulungan ni Van na makatayo ang kaibigan.

Nginitian ni Impo Gliceria ang mag-asawa sa likod nito. Ang lalaki ay bigotilyo, matangkad at maamo ang mga mata. Nakangiti ito habang nakatitig sa kanila. Ini-isa isa nitong tingnan ang mga mukha nila. Tahimik naman ang asawa nito. Nakaupo iyon sa bangko, nakahawak sa manggas ng suot na damit ng asawa nito. Para itong batang takot mawala.

Humantong ang mga mata ng lalaki kay Van. Dumiretso ng tayo si Van at ngumiti. Utos ni Impo Gliceria na ngitian nila ang mga gustong mag-ampon ng bata.

Ang malaking tahanang iyon ay ipinagawa ng mga hari para sa mga batang hindi kayang palakihin ng magulang. Maraming silid ang bahay na iyon. Malaki ang kusina. Mayroon silang bakuran kung saan sila puwedeng maglaro at sila ay tinuturuang magbasa. Si Impo Gliceria ang namamahala sa tahanang iyon.

Maraming bata ang naninirahan doon. Maraming ina ang nag-iiwan ng anak nito sa tahanan. Papatunugin lang kasi ang maliit na kampana sa pinto ng ampunan at maari ng iwan ang anak nito. Siksikan na tuloy silang mga bata doon. Ang mga silid ay okupado na ng lima o higit pang bata. Sa isa sa mga silid na iyon, tatlong bata ang namatay. Nagkasakit ang isa at nahawa na ang iba.

Silang mga bata na naroon ay hindi takot sa mga maligno, o hindi kaya ay mga mangkukulam. Mas takot sila sa sitwasyon nila, mas takot sila sa buhay na hindi patas. Gusto nilang lahat makatakas doon. Madalas nila iyong pag-usapan ng kaibigan niyang si Ponggi.

"Kapag ikaw, naampon ka, dalawin mo naman ako, ah?" sabi nito. Magkatabi silang nakahiga sa matigas na sahig. Inokupa na ng mga sigang bata ang kama. Sinisipa sila kapag doon sila nahihiga. "Gusto pa rin kasi kitang makita. Kahit paminsan-minsan lang."

"Ano ka ba," sabi ni Van. Ang kamay niya ang nagsisilbi niyang unan. Nakatingin sila sa kisame na sa isip nila ay ginuhitan nila ng buhay na gusto nila para sa sarili nila. Kapag nakatingin sila doon ay hindi kisame ang nakikita nila kung hindi mga pangarap. Pangarap na makapunta sa palasyo, maging isang matapang na kawal, o hindi kaya ay makapangasawa ng isang prinsesa. "Maampon tayong dalawa nang sabay. Walang mauuna. 'Di ba 'yon ang gusto natin?"

Tumango si Ponggi. "Oo," sabi nito. Suminghot. "Tapos, magkapitbahay ang makaka-ampon sa 'tin. Tapos palagi pa rin tayong makakapagkita. Tapos, palagi pa rin tayong maglalaro."

"Tama, tama."

"Tapos, mamamasyal tayo ng magkasama. Pupunta tayo sa bundok, sa mga dagat, sa mga lawa," sabi nito. Bahagyang humihina ang tinig nito. "Tapos..." Nabasag ang tinig nito sa huling salita.

Sinulyapan ni Van ang kaibigan. Luhaan na ito habang nakatitig sa kisame.

"Ponggi?" sabi niya.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon