Kakahuyan ng Musika

304 18 1
                                    


RECAP: NAGKITA uli sa party sina Cromuella at si Van na kapatid ng prinsipe


PATAY ang mga puno sa kakahuyan ng musika. Wala iyong mga dahon, tuyong-tuyo ang mga sanga. Mabato ang lupa. Tahimik, walang naliligaw na ibon o kung ano mang nilalang.

"Ito ang kakahuyan ng musika?" tanong niya, iginagala ang tingin sa paligid. Wala siya kahit anong magandang bagay na makita. "Paano ito naging kakahuyan ng musika?"

"Mamaya makikita mo. Maganda ang lugar na ito."

Muli niyang ibilibot ang tingin sa paligid. "Seryoso ka?"

Tumango si Van. "Kailangan mo lang kumanta nang maganda, at makikita mo ang totoong ganda ng lugar na ito."

Namilog ang kanyang mga mata sabay tanong, "Talaga?"

Tumango si Van. "Oo, maniwala ka sa 'kin."

Tumikhim agad si Cromuella, gusto agad kumanta. Pero tumawa lang si Van at hinaplos siya sa pisngi, dahilan para matahimik siya. "Pero puwede bang ako muna ang hayaan mong kumanta para sa 'yo?"

Parang napipi si Cromuella. Nakatitig lang siya sa mga mata ni Van, sabay tango.

Bahagyang umatras si Van, sinimulang marahang ipalakpak ang mga kamay. "Alam mo ang ganda mo pala..."

Hindi nakapagsalita si Cromuella. Umpisa pa lang ng awit ay humanga na agad siya sa ganda ng tinig nito. At dahil tutok na tutok pa ang mga mata nito sa kanya, hindi niya mapigilan ang sariling matuwa. Para siyang kinikiliti na ewan.

"Hinahabol ko ang bawat mong tingin. Ngunit ito'y di mo napapansin..."

Sa gulat ni Cromuella, biglang nagliwanag ang mga puno sa paligid. Parang nagkulay ginto ang mga iyon. Ang mga sanga ay parang sumasayaw, gumagalaw pakaliwa at pakanan. Namangha si Cromuella, hindi maalis ang tingin sa mga puno.

Muling hinawakan ni Van ang pisngi niya, at ibinaling ang ulo niya paharap dito. Siguro, gusto nitong tumitig siya rito habang inaawitan siya nito.

"Sino ba ako walang dating sa 'yo? 'Di tayo bagay sobra mong ganda.... talaga..."

Ang mabatong lupa ay tinubuan ng mga makukulay na bulaklak. Mga bulaklak na halos pumalibot na sa kanyang mga paa. Ang mga puno rin ay nagkaroon ng dahon na iba't-iba ang kulay. Dahil sa paggalaw ng mga sanga, ang ilang mga dahon ay nalaglag, parang umuulan ng pula, dilaw, at kahel. Napakaganda.

"'Di ko mabago ang ikot ng mundo... Atin lamang ang araw na ito. Ang buhay, o, sinasakyan lang 'yan..."

Ang mga puno ay hindi na lang sumasayaw. Parang may tinig na nanggagaling sa loob ng mga iyon na sumasabay sa magandang tinig ni Van. Parang inaasahan na ni Van iyon dahil nagtuloy lang ito sa pagkanta. Hinawakan pa ang kamay niya at bahagya siyang iginaya pakanan at pakaliwa na parang sumasayaw.

Kasunod niyon ay may lumabas na makukulay na ibon mula sa mga puno. Lumipad ang mga iyon sa paligid nila habang umaawit.

Hindi na kumakanta si Van ng mga sandaling iyon. Isinasayaw na lang siya nito, titig na titig sa kanya. Titig na titig din siya rito. Nakita niya ang isang kulay pulang dahon ay nasa buhok nito. Hinawi niya ang dahon na iyon. Lalong lumawak ang ngiti nito.

"Iaalay ko ang puso ko..." pagsabay nito sa mga kumakantang ibon at puno. Iyon na siguro ang huling bahagi ng kanta. "Iaalay ko ang puso ko..."

Kasunod niyon ay natapos ang awit. Sabay-sabay na lumipad ang mga ibon pabalik sa mga puno. Tuwang-tuwang hinabol niya ng tingin ang mga iyon. Dumapo ang mga iyon sa mga ginintuang sanga ng puno.

Nabaling lang muli ang atensyon niya kay Van nang maramdaman niyang hinagod nito ang buhok niya.

"May dahon din," sabi nito. Kahit tingin niya ay wala talagang dahon. Gusto lang siguro nitong ibaling niya ang atensyon niya rito.

"Ikaw naman ang umawit," sabi nito sa kanya.

Tumango si Cromuella. Gusto uli niyang makita ang paglipad ng mga makukulay na ibon at pagsayaw ng mga ginintuang puno. Tumikhim siya, nasundan ng paghugot ng malalalim na hininga. Tapos ay nagsimulang kumanta. "Ang mga ibon..."

Pero iyon pa lang ang linyang nakakanta niya ay nagpulasan na ang mga ibon. Lumipad muli ang mga iyon pero parang hindi natutuwa. Narinig niyang nagsalita ang mga iyon gamit ang maliliit na tinig.

"Ang pangit ng boses! Ang pangit ng boses!" sabay-sabay na sabi ng mga iyon, walang tigil sa paglipad. Dinig na dinig niya ang pagaspas ng mga pakpak.

"Manahimik ka na!" sigaw na nanggaling sa puno. "Ang pangit ng boses mo!"

Kasunod niyon, lahat ng puno ay bumalik sa pagiging patay. Parang naglaho ang mga dahon at nawala ang ginintuang kulay. Dumilim muli ang buong kakahuyan.

Napasimangot si Cromuella. "Eh di kayo na magaling kumanta!" sabi niya na parang nagwawala. "Eh, di kayo na! Mga pintasero!"

Narinig ni Cromuella ang mahinang pagtawa ni Van. Bumaling uli siya dito. Umangat ang kamay nito at hinaplos siya sa pisngi.

"Ako na lang ang makikinig," sabi nito. Ngumiti. "Kaya kong pakinggan ang pag-awit mo magdamag."

At doon naintindihan ni Cromuella, na hindi niya kailangan ng audience na mga pintaserong puno at ibon. Ang kailangan lang niyang makinig sa kanya ay si Van.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon