Ang Kapatid ng Prinsipe

417 24 5
                                    

RECAP: Dumalo si Cromuella sa piging para mang-akit ng prinsipe. Ibang lalaki ang nakita niya...

ILANG segundo pa ring tulala lang si Cromuella sa lalaki. Nakakatulala naman talaga ito, kasi guwapo. Makinis ang kutis, mestiso, parang balat ng dugong bughaw. May kaliitan ang ilong pero bumagay sa hugis pusong mukha nito. Manipis ang mapupulang labi, maarko ang kilay. Ang mga mata ay parang... parang palaging nanghuhubad.

Magtigil ka, Cromuella! Guwapo nga. Pero hindi naman siya isang prinsipe.

Tumalon ang lalaki mula sa pagkakaupo sa pasimano at lumapit sa kanya. Dahan-dahan ang hakbang nito, nananatili ang ngiti sa mga labi. Bigla namang bumilis ang tibok ng puso ni Cromuella.

Nang nasa tapat na niya ito ay kulang mapapikit siya ng malanghap niya ang amoy nito. Mabango. Parang napakasarap sumubsob sa dibdib nito, para langhapin ang katawan nito...

Ano'ng iniisip mo, Cromuella? Narinig niyang sabi ng isang tinig sa likod ng isip niya. Tinig ng kanyang ina. Hindi tama ang mga naiisip mo! Manalangin kang puta ka! Maligo ka sa dugo ng alay! Maligo ka sa dugo ng alay nang mahugasan ang maruming damdamin sa loob mo!

Unti-unting humina ang tinig ng kanyang ina sa kanyang isip nang matutok ang tingin niya sa magagandang mata ng lalaki. Binalak niyang ilayo ang tingin dahil lalo pang bumibilis ang kanyang puso, pero hindi nakikisama ang kanyang leeg. Parang kinukumbinse siya ng mga matang iyon na tumitig lang at magpakalunod.

Lalong lumawak ang ngisi ng lalaki. "Naglalaro ba tayo ng patagalan ng pagtitig?" tanong nito. Kasunod ay biglang dumukwang, kaya muntik na siyang kapusin ng hininga. "Kasi kaya ko 'tong gawin magdamag."

Dumadampi na sa kanyang pisngi ang init ng hininga nito. Napalunok siya, napaatras. At doon, siya na mismo ang nagbaba ng tingin.

"Talo ka," narinig niyang sabi nito, nasundan ng mahinang tawa. "Ano'ng premyo ko?"

Halatang natutuwa sa naging reaksyon niya ang lintik. Bigla, parang gusto ni Cromuella na iligtas ang dignidad. Tiningala niya ang lalaki, pinilit na ipakita rito na naiinis na siya.

Pero wala na naman siyang nasabi. Napipi na naman siya dahil sa kaguwapuhan nito.

"Round two ng titigan?" sabi nito mayamaya. "Matatalo ka na naman."

"Suntukan na lang," nasabi niya wakas. Wala siyang maisip sabihin bukod doon.

Natawa ito. "Ikaw na yata ang pinakamagandang naghamon ng suntukan na nakita ko," sabi nito.

Napakalandi ng lalaking ito! Tama yata ang kanyang ina. Matatamis ang dila ng mga lalaki, walang idinudulot na maganda.

"Ano'ng pangalan mo?" tanong ng lalaki.

"Ano'ng karapatan mong malaman, ha?"

"Meron naman siguro," sabi nito. "Dahil narito ka sa bahay ko."

"Bahay mo?" sabi ni Cromuella, iginala ang tingin sa paligid. "Nakikitulog ka sa verandah?"

Baka pulubi ito na natutulog sa verandah ng palasyo. Baka may sayad. Baka manakit!

Tumawa lang ang lalaki. Napapailing pa. Tapos ay inilahad nito ang kamay nito sa kanya. "Hindi," sabi nito. "Donovan. Ako ang nakababatang kapatid ni Prince Charming."

"SORRY talaga, Van," sabi ni Cromuella. Naglalakad sila sa kakahuyan. May ilang oras na rin silang nag-uusap kaya nalaman niya na ayaw ni Donovan na magpunta sa mga piging ng ama nitong hari. Hindi raw nito gustong mapaligiran ng maraming tao. "Hindi ko naman kasi alam na... kapatid ka pala ng prinsipe."

Umiling si Donovan. "Wala 'yon, ano ka ba," sabi nito. "Iyong mga kasingganda mo, madaling patawarin."

Medyo nawala ang ngiti ni Cromuella. Kung alam lang ni Van. Kung alam lang nito na hindi talaga iyon ang anyo niya, na paglipas ng alas-dose, babalik siya sa kanyang pangit na anyo. Kaya kailangan niyang inumin ang tabletas na binigay sa kanila ng diwata. Iyon ang paraan para manatili ang mahika.

Pero siyempre, hindi niya masasabi iyon. Kaya ngumiti siya. "Nagagandahan ka sa 'kin?"

Napahinto sila sa ilalim ng isang puno. Lumalagos doon ang liwanag ng buwan at dumadampi sa guwapong mukha ni Van. "Kaya nga sabi ko sa 'yo, kaya kong makipagtitigan sa 'yo maghapon."

Nag-init ang magkabilang mukha ni Cromuella. Tapos ay bigla siyang may naisip itanong. "Pero bakit nga pala hindi ka ipinakikilala ni Haring Seleo?" tukoy niya sa ama nito. "Wala kaming narinig..."

Nakita niyang naglayo ng tingin si Van. Bigla ay naisip na niya ang dahilan.

"Anak ka niya sa ibang babae, 'no?" Mahilig kasi sa babae ang hari. Baka may nabuntis na kusinera o tigalinis.

Hindi nakapagsalita si Van. Naisip ni Cromuella na baka nasaktan ito sa sinabi niya.

"Sorry, sorry, Van," sabi niya. Medyo nataranta na siya. "Wala namang masama... kung anak ka sa labas. Marami akong kilalang anak sa labas na naging successful. Saka mga anak sa labas na mabubuting tao. Bihira ang kilala kong anak sa labas na naging kriminal--"

Tumawa nang malutong si Van. "Alam ko."

"Alam mo?"

"Na walang masama sa pagiging anak sa labas."

"Sorry talaga."

Humakbang si Van palapit sa kanya. Nakikipagtitigan na naman habang may ngiti sa mga labi.

"Sumama ka na lang sa 'kin para makabawi kami," sabi nito. "Gusto kong mamasyal muna. Ayokong bumalik sa palasyo."

"Saan tayo mamamasyal?" Pumayag na siya, ibig sabihin.

"Sa Lawang Salamin."

Bago pa niya maitanong kung ano at saan ang Lawang Salamin, hinawakan na agad nito ang kamay niya at hinila siya sa direksyong gusto nitong tahakin.

Nakatitig siya sa magkasalikop na mga kamay nila. Masarap sa pakiramdam na maramdaman ang kamay nito.

Kung nakikita ng aking ina ang nangyayari, sasaktan na niya ako.

Pero wala doon ang kanyang ina. At kung magagawa niyang makabingwit ng prinsipe, posibleng hindi na siya nito masaktan kahit kailan.

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon