Yong bigla kang nagtransform! Patay na!

277 18 2
                                    

"ANO NA?!" sigaw ni Cromuella kay Van, hinahampas ito sa balikat. Pinapatakbo nito ang karwahe at parang hindi alintana ang pagwawala niya sa tabi nito. "Walanghiya ka. Kung hindi dahil sa 'yo, hindi ako... nasa palasyo pa din ako! Buwisit ka!"

"Sumama ka na lang sa 'kin," sabi ni Van, ngumiti. "Ayaw mo ba akong makasama?"

"Natural! Magnanakaw ka!" sabi niya, nanlalaki ang mga mata. "Alangan namang masaya ako na makasama kita?"

Umangat ang sulok ng labi ni Van. "Ako, masaya na kasama ka."

"Hindi 'to ang time para lumandi ka," gigil na sabi ni Cromuella. "Itulak kita e."

Bahagya lang tumawa si Van.

"Ngayon, saan na ako pupunta? Saan na ako pupulutin nito?" sabi niya. Halos masabunutan niya ang sarili. "Paano kung magpalabas sila ng mga larawan natin? Sigurado mahuhuli din tayo. Ano'ng gagawin natin?"

"Relax ka lang," sabi ni Van, sandaling tumingin sa kanya. "Gusto mo ba ng yakap?"

Sinapak niya ito sa balikat. Paulit-ulit. "Nang-iinis ka pa!"

Natawa lang ito. "Hindi na nila tayo ipapahanap. Madali silang makakagawa ng bagong setro. Hindi iyon kawalan sa kanila," sabi ni Van. "Kaya lang nila tayo hinabol kanina, siyempre, para subukang mabawi ang korona. Pero ngayong nakatakas tayo, hindi na nila tayo hahabulin. Gagawa na lang sila ng bagong setro."

"Paano mo naman nalaman?" sabi ni Cromuella, sarcastic. "Experience?"

Hindi sumagot si Van. Kaya nainis si Cromuella. Hindi niya inaasahan ito. Ano na ang mangyayari ngayon? She was practically a fugitive. Well, maybe that was an exaggeration but she couldn't deny that there was a problem. Hindi iyon ang plano. Ang plano ay makabingwit ng prinsipe. Hindi makipagsabwatan sa magnanakaw!

"Bakit mo pa kasi ako idinamay dito?" sabi niya.

"Tanga ka ba?" sabi nito. "Ikaw ang lumapit sa 'kin. Kung hindi mo ko inistorbo habang hinihipnotismo ko iyong babae, hindi sana mawawala ang concentration ko. Hindi tayo mabubuko."

Ah, iyon pala ang dahilan kaya titig na titig ang babae rito kanina. Wait lang--marunong ito ng hipnotismo? Hindi kaya... hindi niya masabi ang naisip.

"Pero idinamay mo pa rin ako!" sabi niya. "Kung hindi dahil sa 'yo, wala ako dito."

"Ang tanga mo minsan, 'no?" sabi ng lalaki, napapailing pa.

Napasinghap na Cromuella. "Bakit ganyan ka na magsalita? Noong una ang bait bait mo a."

"Because now I don't have to pretend," sabi ni Van. "Alam mo nang magnanakaw ako."

"Bakit ka kasi ba nagkunwari sa 'kin na kapatid ka ng prinsipe?" sabi niya.

"To have sex with you," walang gatol na sabi ni Van. Ngumisi.

"Bastos!"sabi niya.

"Like I said, I don't have to pretend," he said with a teasing smile. "Iyon naman ang gusto ko una palang kitang makita. Kaso, ang binigay mo lang sa 'kin, yakap? 'Di mo ba alam, tumigas--"

"Bastos!" sigaw ni Cromuella.

Humalakhak lang ang magnanakaw. Walanghiya pala talaga ang lintik! Manyakis pa. Sana, kung marunong siya ng sumpa, paliliparin niya ang masamang ibon nito. Baka umiiyak ito habang humahabol.

"Bastos ka na, sinungaling ka na, magnanakaw ka pa," sabi ni Cromuella. "Akala mo naman, ikaw ang pinaka-guwa..."

Natigil si Cromuella sa pagsasalita. Naramdaman kasi niya na uminit ang buong katawan niya. Nang tumingala siya sa langit, nakasilip ang kahel na buwan sa kulay abong ulap, ang liwanag ay lumalapat sa pisngi niya na parang malambot na kamay. Doon niya naramdaman na tumibok ang mukha niya. Pati na ang buong katawan niya.

Babalik na siya sa dati niyang anyo! Isang problema na hindi pumasok sa isip niya kanina. Buti na lang at may mga bote pala siya ng tabletas na bigay ni Fairy Godmother. Ang tabletas ay kailangan lang niya inumin para humaba pa ng anim na oras ang epekto ng mahika ng diwata. Kailangan lang niyang mabilis na uminom ng tabletas na iyon nang hindi napapansin ni Van.

Kinapa ni Cromuella ang kaliwang bulsa. Wala siyang nakapang kahit anong nakaumbok doon. Kinapa niya ang kanyang kanang bulsa. Wala din.

Patay na.

Bumilis ang tibok ng puso niya, isinilid ang mga kamay sa loob ng bulsa. Walang laman.

Baka nahulog ang bote ng tabletas habang tumatakas sila.

Hindi nakagalaw si Cromuella. Tuloy-tuloy ang pagtibok ng buong katawan niya. Dinig na dinig na rin niya ang tibok ng puso niya. Babalik siya sa anyong mangkukulam sa tabi ni Van!

Patay na. Lagot na. Patay na talaga.

TAHIMIK na si Cromuella. Nagsabi siya na masakit ang ulo niya at pumihit na lang siya patalikod kay Van, isinubsob ang mukha sa sandalan ng upuan ng karwahe. Nagkunwari siyang humihilik nang malakas para hindi siya istorbohin nito.

Pero sa isip niya ay nagpa-panic siya. Tumalon na lang kaya siya habang tumatakbo ang karwahe? Pero mabilis magpatakbo si Van, baka ikamatay niya. Magkunwari kaya siya na nagulat sa pagbabago ng anyo niya. Tapos sabihin na lang niya: "Hindi kaya isinumpa nila ako dahil akala nila kasabwat mo ako sa pagnanakaw ng korona?" Pero ang tusong magnanakaw na tulad ni Van, siguradong hindi magpapauto sa kanya.

Mayamaya ay huminto na ang karwahe. Nasaan na kaya sila? Bakit sila huminto?

"Cromuella?" untag ni Van sa kanya.

Nilakasan niya ang kunwari niyang paghilik.

"Gumising ka muna," sabi ni Van. "Makituloy muna tayo sa kaibigan ko. Dito muna tayo magpahinga."

Hindi siya sumagot, humilik lang.

Tumawa si Van. "Bilis na. Tabi tayo matulog."

Hindi mo ko tatabihan kapag nakita mo na ang totoo kong anyo.

Natawa lang uli si Van. Natahimik ito saglit. Buong akala niya ay iniwan na siya nito kung hindi lang niya narinig ito na magsalita. "Unang kita ko pa lang sa 'yo, natuwa na ako," sabi nito. "Kaya alam ko na kahit puwede ko namang tapusin ang pagnanakaw ng korona sa Unang Gabi ng Pagpili, hindi ko ginawa. Gusto kong makasama ka."

Patlang. Narinig niya ang paghinga nito.

"And I was honest when I said I want to have sex with you," sabi ni Van. "With consent," habol nito. "Hindi naman ako katulad noong lalaki na nabalitang inanakan iyong babaeng matagal na ding natutulog dahil sa isang sumpa. Mas gusto ko iyong payag ka. Kasi gusto kong makita sa mukha mo kung gaano mo nagugustuhan 'yong mga gagawin ko sa 'yo."

Nag-init ang magkabilang pisngi ni Cromuella. Manyakis talaga. Pero nakakainis, bakit parang nag-iinit siya dahil sa naririnig?

"Noong unang kita ko pa lang sa 'yo, alam ko na magiging masaya ako na kasama ka," sabi pa nito. Ipinatong nito ang kamay nito sa likod niya. May kiliting gumapang sa buong katawan niya. "At unang kita ko pa lang sa 'yo... alam ko na."

Hindi nito dinugtungan ang sinabi. Pero naramdaman niya ang init ng katawan nito. Nalanghap niya rin ang natural na amoy ng katawan nito. Isa lang ang ibig sabihin niyon. Dumukwang ito sa kanya! Ngayon, naramdaman niyang sandaling lumapat ang mga labi nito sa tainga niya. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa likod!

"Alam ko na," sabi niya. "Alam ko nang mangkukulam ka."

Once Upon A Time 2: CromuellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon