"Ang ganda, Ben!" bulalas ni Marina nang makita ang dalawang pares ng kuwintas. Sa tig-isang parihabang pendant ay nakaukit ang pangalan nilang dalawa.
Isang masuyong ngiti ang kumawala sa mga labi ni Benito. "Nabawasan ko ang inipon ko para sa ating kasal, mahal ko. Ibinili ko ng may kalidad na uri ng ginto at ipinagawa ko tayo ng tig-isang kuwintas bilang sagisag ng pag-ibig natin sa isa't isa."
Dinama ng daliri ni Marina ang mga letrang nakaukit sa tig-isang pendant. Ang isa ay "M" at ang isa ay "B." Ang mga unang letra ng pangalan nila. Kapagkuwa'y bahagyang nagkaguhit ang noo nito at tumingala sa kanya.
"Magandang klase ang gintong ginamit mo, Ben," anito. "Pero bakit kuwintas? Sana'y nakatipid ka kung singsing ang ipinagawa mo para sa atin at kaunti lang ang nabawas mo sa iyong ipon."
Ngumiti siya. Dinampian ng halik ang ibabaw ng ilong nito. Tatlong buwan na silang magkasintahan at iniibig niya ito. Si Marina ay anak ng asawang kauli ng may-ari ng asyendang pinangangasiwaan niya. Nang una niya itong makita nang dalhin ni Don Hilarion ang bagong asawa sa malaking bahay upang ipakilala sa sariling anak ng don na si Carmen, ay natitiyak niyang ito ang babaeng ihaharap niya sa altar.
Kababata niya si Carmen at ilang beses na rin itong nagpahiwatig ng pagkakagusto sa kanya. Subalit hindi iyon magkaroon ng katugon sa puso niya. Nang suyuin niya si Marina ay nakita niya ang poot sa mga mata ni Carmen na hindi niya binigyan ng halaga.
"Totoo naman, mahal ko. Pero mas gusto kong malapit sa puso natin ang palatandaan ng ating pag-ibig. At huwag kang mag-alala, kahapon ay binanggit sa akin ni Don Hilarion na tinaasan niya ang aking sahod."
Inihilig nito ang ulo sa dibdib niya. "Mahal kita, Ben. Wala akong ibang mamahalin kundi ikaw lamang."
Puno ng pagmamahal ang dibdib niya. Isinuot niya rito ang kuwintas na ang pendant ay may nakaukit na B. At isinuot naman niya sa sarili ang kapares ng kuwintas na may nakaukit namang M.
"Sa lalong madaling panahon ay itatakda ko ang ating kasal, mahal ko," aniya. "Kakausapin ko ang inay mo at si Don Hilarion."
"Walang tutol si Inay, Ben. Kulang na nga lang ay itaboy ako sa malaking bahay," pabuntong-hiningang sabi nito. "Naipagtapat ko na sa kanya ang tungkol sa atin. Kaya lang..."
"Kaya lang ay ano? Bakit biglang nag-ulap ang mga mata mo?"
Gumuhit ang pag-aalala sa magandang mukha nito at tinanaw ang karagatan. Dapit-hapon na at nagsisimula nang kulayan ng araw ng kahel ang tahimik na dagat.
"Hindi ko maunawaan, Ben. Pero nararamdaman ko sa dibdib kong parang hindi matutupad ang ating mga pangarap..."
"Ano ba namang kalokohan iyan!" kontra niya sa sinasabi nito. Hindi iyon ang unang pagkakataong ipinahihiwatig ni Marina ang ganoong damdamin. "Nagpapadala ka sa mga ginagawa sa iyo ni Carmen. Huwag kang mag-alala, kakausapin ko siya."
Hindi na ito kumibo at muli ay isinandal ang likod ng ulo sa dibdib niya.
"You have a few minutes to talk to her," wika ng doktor kasabay ng banayad na pagtapik sa balikat niya. Bahagya pa siyang naguluhan. Kani-kanina lang ay kapiling niya sa alaala si Marina.
Kumurap si Ben at tumingala sa doktor.
"I am sorry," patuloy nito, puno ng simpatya ang mga mata. "She is dying. Her organs are shutting down."
BINABASA MO ANG
Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)
RomanceMavis met an accident on her way to Bangui, a town in Ilocos Norte. Ang nakapagtataka ay wala siyang maalala sa mismong aksidente, bago man o pagkatapos niyon. Subalit ang isip niya ay okupado ng mga pangitain na hindi kanya--ng isang babaeng nagdad...