NAPAKURAP si Mavis sa bahaging iyon ng alaala na ang bahagi mismo ng aktuwal na aksidente ay ikinuwento na lamang ng ina sa kanya. Wala siyang totoong alaala sa mismong aksidente. Iniyakap niya ang mga braso sa sarili. Alas-singko pasado na. Malamig ang hangin mula sa karagatan ng Bangui at nanunuot na iyon sa kalamnan niya.
Umalis siya sa pagkakatayo sa may barandilya at bumalik sa sasakyan niya. Pinaandar niya palayo ang sasakyan. Ilang sandali pa ay pababa na uli siya at patungo sa bayan ng Bangui. She'd ask her way around. Maliit lang ang bayang iyon at natitiyak niyang maituturo ng lahat kung nasaan ang Hacienda Andrade.
Makalipas lamang ang ilang minuto ay nasa harap na siya ng malaking bahay ng mga Andrade. Malaki ang dalawang palapag na nakatayo sa isang malawak na lupain. Totoong namangha siya sa nakita. Inaasahan niyang dilapidated iyon sa nakalipas na limang taong mahigit mula nang mamatay ang mag-asawang Andrade.
The house was old but huge and well-maintained. Kahit ang pintura sa labas ng bahay na bagaman hindi naman bago ay wala siyang makitang nagka-crack. Ang wrought-iron gate ay napipinturahan ng itim. Ang hindi kataasang pader na nakapalibot sa napakalawak na solar ay kakulay ng lupa ang pintura.
Nagpapaligsahan sa ganda at pagkasarisari ng kulay ng mga bulaklak. May fountain at malinis ang tubig na dumadaloy mula sa inukit na batong bata na may dalang banga sa balikat. Ang ikalawang palapag ng bahay ay may wraparound veranda. Natatanaw iyon mula sa ibaba. May dalawang entrance and exit ang ikalawang palapag, mula sa loob ng isang silid na hindi mabuksan ni Mavis, at ang isa ay sa silid na pinili niya. Sa dulo ng veranda ay naroroon ang makitid at paikot na hagdanang bakal pababa sa ground.
Ang ikalawang palapag ay may anim na malalaking silid. Tatlo sa left wing at tatlo rin sa right wing. Nakalulungkot isiping ipinagawa ang bahay ng mga magulang pa ng mga Andrade para sa isang malaking pamilya subalit hindi nagkaroon ng katuparan iyon.
Inisa-isa niya ang mga silid mula sa kabilang bahagi ng pasilyo hanggang sa kabila. Ang isa ay hindi niya mabuksan dahil parang hindi kasama sa bungkos ng mga susi ang para sa silid na iyon.
Ang tatlong kuwarto sa kabilang bahagi ay common ang malaking toilet and bath na nasa dulo ng pasilyo malapit din sa tatlong silid. Iyon marahil ang orihinal at kasama sa pagkakayari ng bahay dahil may kalumaan na rin ang mga tiles. Sa ibaba ay may isang guest room. Malaki ang sala. Ang mga muwebles ay pawang antigo bagaman hindi ganoon karami. Very spartan. And she liked it. She didn't want a cluttered house.
Ganoon din ang dining room na ang antigong dining table ay panlabindalawahan. Ang kusina, bagaman malaki rin ay luma na ang mga kasangkapan at may pang-apatang breakfast table na dalawang pulgadang kapal ng solidong narra. There was an old white refrigerator and an Aga. The kitchen was huge and old but immaculately clean. Nilapitan niya ang ref nang marinig ang banayad na ingay ng motor niyon. Ibig sabihin ay naka-on. Binuksan niya iyon at natambad ang loob nito na puno ng pagkain. Some were leftovers at nakatakip pa ng clinging plastics.
May taong naninirahan sa bahay na ito?
Lumakad siya patungo sa cupboard at binuksan iyon. There were a few canned foods and some groceries. Iyong mga kailangan lang. Sinikap niyang alalahanin ang iba pang sinabi ng sekretarya noong kausap niya ito nang nasa hotel siya sa Maynila. Ayon dito ay may nagmamantini ng bahay sa nakalipas na limang taon.
Ipinapaliwanag niyon kung bakit may laman ang ref. Binuksan niya ang pinto sa kusina palabas gamit ang susi mula sa bungkos. It was an open area, at may dirty kitchen.
Iyon tiyak ang ginagamit ng kung sino man ang nagmamantini ng buong bahay. Maaaring mag-asawa. Nagpatuloy siya sa paglabas hanggang sa likod-bahay. That was when she saw the stable. Fascinated, lumakad siya patungo roon. Inside were two horses. Ang isa ay isang malaking itim na stallion at ang nasa kabila ay isa pa uling kabayo. Hazelnut naman ang kulay. Gayunman, mas matikas ang itim na kabayo.
At sa wari niya ay may nag-aalaga sa mga ito. Bagaman wala siyang nakikitang tao o groom boy.
BINABASA MO ANG
Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)
RomanceMavis met an accident on her way to Bangui, a town in Ilocos Norte. Ang nakapagtataka ay wala siyang maalala sa mismong aksidente, bago man o pagkatapos niyon. Subalit ang isip niya ay okupado ng mga pangitain na hindi kanya--ng isang babaeng nagdad...