"Ano ang gagawin ng asawa mo kay Benjo? Mga walanghiya kayo!" sigaw ni Anna, sinulyapan ang lalaking nakasandal sa may bintana ng tree house at nakangisi sa kanya, panay ang hitit ng sigarilyo.
"Huwag kang mag-alala, Anna. Mananatili sa Mister Donut si Benjo at ang walang kamalay-malay kong asawa." Humalakhak ito. "Hihintayin ako roon ni Val. Alam mo namang hindi kayang magmaneho ng matandang iyon. At ikaw at si Mavis ay mamamatay na magkasama dito sa kubo..."
Napaungol si Anna. Gusto niyang paniwalaang isang masamang panaginip ang lahat. Tinawagan siya ni Solita kaninang umaga para ihatid si Benjo sa Mister Donut sa bayan. Ayon dito'y naroon ang isa nitong itini-tutor at gustong mag-blow out dahil birthday. Kaibigan ng pamilya si Solita at hindi siya naghihinalang may gagawin itong masama. Inihatid niya si Benjo sa bayan na ilang minuto lang naman gamit ang scooter niya mula sa asyenda.
Wala siyang nakitang bata roon at walang tao ang donut house dahil maaga pa naman at sa wari ay kabubukas lang. Ang naroon ay si Val de Gracia, ang asawa nito. Ipinasok niya si Benjo at agad na nagbilin si Solita sa asawa na bantayan ang bata at ibigay ang lahat ng gustong donuts.
Hinawakan siya ni Solita sa braso at halos hilahin palabas patungo sa kinaparadahan ng kotse nito at pilit na isinakay. Hindi ito sumasagot sa mga tanong niya kung saan sila patungo. Napuna na lamang niyang pabalik sila sa asyenda. Lamang sa halip na sa bahay ay sa daan patungo sa gubat siya nito itinuloy.
"Solita, naloloka ka na ba? Ano ang gagawin natin diyan sa tree house?" Nagpakatanggi-tanggi siyang bumaba ng kotse nito na nakaparada may sampung yarda mula sa tree house dahil wala nang daan doon para sa kotse, malibang four-wheel drive iyon.
"Huwag kang tatanggi, Anna, kung gusto mong hindi masaktan si Benjo. Hindi mangingimi si Val na patayin ang bata sa sandaling hindi ako nakabalik."
Anna was shocked. Sa una'y inakala niyang nagbibiro lang ito subalit nang makita niya ang hawak nitong baril ay ganoon na lang ang kaba niya. Patulak siya nitong pinalakad patungo sa tree house. Pero naghisterya siya sa ibaba ng puno, sanhi upang ang lalaking nasa itaas ng tree house ay bumaba at pakaladkad siyang hinila papanhik sa gitna ng pagtitili niya.
Ang lalaki ay may-edad na subalit mukha pa ring malakas dahil matipuno ang katawan. Patuloy siyang nanlaban kahit nang nasa itaas na siya. Isang malakas na sampal ang ibinigay nito sa kanya. Ilang sandali rin siyang nawalan ng malay. Nang magmulat siya ng mga mata'y nakatali na siya sa haligi.
"Sasabihin ni Benjo na magkasama tayo, Solita!"
Isang ngiti ang pinakawalan ni Solita. "Hindi nakita ni Benjo na sumakay ka sa kotse ko, Anna. Sasabihin kong nagpaalam kang may bibilhin. Hindi kayang ipaliwanag ng isang limang taong gulang na bata ang haba at iksi ng oras."
"Bakit mo ginagawa ito?" nalilitong tanong niya. Humalo ang luha niya sa dugong nasa bibig niya. "Itinuring kang pamilya ng mga Montilla!"
Subalit bago nasagot ni Solita iyon ay isang tinig ang maririnig mula sa ibaba. "Anna... Benjo!"
Ngumiti si Solita. Sinenyasan ang kasamang lalaki na agad tumayo sa may gilid ng entrada.
"Mavis, huwag kang pumanhik!" sigaw-babala ni Anna. Agad siyang binalingan ni Solita at sinampal. Napasigaw siya.
NARINIG ni Mavis ang sigaw pero hindi niya naunawaan. Hustong nakapanhik siya ay agad siyang sinunggaban ng lalaki at hinatak sa loob ng kubo sa gulat niya.
"Ano ang ibig sabihin nito?" tanong ni Mavis na nagulat nang makitang duguan ang bibig ni Anna at nakatali sa haligi. "Anna!"
"Hello, Mavis..." bungad ni Solita mula sa kanang bahagi niya at hindi niya kaagad napuna.
BINABASA MO ANG
Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)
RomanceMavis met an accident on her way to Bangui, a town in Ilocos Norte. Ang nakapagtataka ay wala siyang maalala sa mismong aksidente, bago man o pagkatapos niyon. Subalit ang isip niya ay okupado ng mga pangitain na hindi kanya--ng isang babaeng nagdad...