Three years later...
"I am about to give birth two weeks from now, Rolf," ani Bettina pagkatapos ay sinulyapan ang rearview mirror sa bahagi nito. "Bakit kailangang magtungo pa tayo sa Laoag para patingnan ako sa OB ko?"
"Dahil gusto mo ng caesarian," sagot niya at sinisikap alisin ang inis sa dibdib.
Hindi niya gustong manganak si Bettina sa pamamagitan ng caesarian section. Ito lang ang nagpipilit. He wanted her to deliver her baby... his baby the natural way. Kung anak man nga niyang totoo ang nasa sinapupunan nito.
Kumunot ang noo nito nang titigan siya na sa wari ba ay galing siya sa panahong kay tagal nang naglaho. "And so? Ano ang masama sa gusto kong paraan ng panganganak? Ano ka ba naman, Rolf. Tinalo mo pa ang tao sa una!" Kapagkuwa'y ibinalik ang mga mata sa sideview mirror.
Hindi agad siya sumagot. Napuna niya na kanina pa ito pasulyap-sulyap sa sideview mirror. Napilitan siyang tumingin din sa sideview mirror sa kaliwa para malaman kung ano ang tinitingnan nito sa dinaanan nila. Subalit nakaliko na sila sa isang road bend at wala siyang matanaw kundi ang mabatong bundok at ang walang sasakyang kalsadang pinanggalingan nila.
Ang daang iyon sa bahagi ng Norte mula Cagayan patungong Laoag ay magkabilang panig ang mga bundok at bangin patungo sa karagatan. Bibihirang sasakyan ang nagdaraan maliban sa mga pampasaherong bus na bumibiyahe mula at patungong Cagayan, Laoag, Vigan, o Maynila. From Capistrano to Laoag was more or less an hour drive.
Ibinalik niya ang pansin sa asawa. Napuna niya ang pagtaas at pagbaba ng dibdib nito sanhi ng paghugot ng malalim na hininga. Napuna rin ni Rolf ang pag-aalala na nakabalatay sa mukha nito. Hindi niya nauunawaan ang anyong iyon ng asawa. Natitiyak niyang hindi sanhi ng pag-aalala nito ang ipinagdadalantao dahil ni ayaw nga nitong magtungo sila sa OB nito sa Laoag.
Ilang araw nang hindi gustong lumabas ng bahay ni Bettina. Parang may kinatatakutan na hindi niya mawari. At kapag tinatanong naman niya ay walang maisagot kundi hindi rin daw nito naiintindihan ang sarili. At ngayong araw, tutungo rin lang siya sa bangko sa Laoag ay pinilit na niyang sumama sa kanya si Bettina at magpa-check up dahil mula nang magbalik ay hindi pa ito nagpapatingin. Sa una'y mahigpit itong tumanggi subalit sa bandang huli ay napilit niya, lalo at sinegundahan siya ng mamang niya. Na makabubuting magpatingin upang makatiyak na maayos ang lagay ng mag-ina.
Hindi niya masisi ang mamang niya na nananabik sa apo. Lalo pang tumindi ang pananabik nitong magkaapo magmula nang mamatay ang papang niya may isang taon na ang nakaraan.
"Sa maikling salita," he said, "manganganak ka nang isang linggong kaunahan sa talagang due date mo. Maiaalis mo ba sa akin ang mag-alala, Bettina?"
"Rolf, please—"
"Hindi ba dapat na ang ina ay dapat na manganak sa mismong araw na naka-due ang bata? You see, naniniwala akong hindi natin dapat pinakikialaman ang naturalesa ng tao."
Bettina laughed. Isang tawang hindi naman talaga naaaliw. Then she was looking again at the sideview mirror. "Kapag C-section, makakapamili ka ng araw na malapit sa talagang due mo. Iyon ang kainaman ng caesarian. At sa totoo lang ay inip na inip na ako!" padabog nitong sabi. "Subukan mong ikaw nga ang magdala nitong nasa tiyan ko, tingnan ko lang kung hindi mo gugustuhing lumabas kaagad."
Other times, he would have laughed at that. But he was not in the mood. Nahahati siya sa pananabik sa magiging anak nila at sa kaisipang baka hindi naman talagang siya ang ama ng nasa sinapupunan nito...
Sila ni Bettina ay magkaklase sa isang subject sa UP Los Baños may tatlong taon na ang nakalilipas. He was majoring Agriculture, at si Bettina naman ay Public Affairs. Naging magkasintahan sila nang semestreng iyon bago sila nagtapos.
BINABASA MO ANG
Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)
RomanceMavis met an accident on her way to Bangui, a town in Ilocos Norte. Ang nakapagtataka ay wala siyang maalala sa mismong aksidente, bago man o pagkatapos niyon. Subalit ang isip niya ay okupado ng mga pangitain na hindi kanya--ng isang babaeng nagdad...