Twelve

22.9K 562 9
                                    


Muling bumalik si Mavis sa sala patungo sa hagdan na tila pamaypay. Sa dingding papanhik ay ang larawan ng mga magulang ng mommy niya at ang dalawa pang kasunod ay marahil ang mga great grands. She grimaced at the austere faces on the wall.

Sa itaas, ang isang silid na may sariling toilet and bath ang pinili niya. Katabi lang niyon ang saradong silid. Bukas na niya aalamin sa sekretarya kung nasaan ang susi ng silid na iyon. Hindi na muna siya nagtanggal ng mga damit sa maleta. Bukas na rin niya gagawin iyon. Kumuha lang siya ng tuwalya at pantulog at pumasok sa banyo.

Nang makapagbihis ay nanungaw siya. Puro kadiliman ang nakikita niya sa paligid maliban sa nag-iisang malamlam na ilaw sa poste na nasa main road. Ang kasunod ng posteng iyon ay doon na sa bahaging may mga bahay. Pinuno niya ang dibdib ng panggabing hangin. Ninanamnam niya ang katahimikan ng gabi. Kakalahati ang buwan na tumatanglaw sa buong paligid. At may mga bituin sa kalangitan. Akalain ba niyang makakakita siya ng bituin?

Ang samyo ng rosas at ng kung ano-ano pang bulaklak mula sa hardin ay pumuno sa paligid. Naririnig niya ang mahinang ingay ng mga palaka na paminsan-minsan ay napapatungan ng ingay ng kung ano-anong insekto. Umaabot sa pandinig niya ang kahol ng aso na tiyak na nagmumula sa mga kabahayang nadaanan niya kanina. She was amused. Kaunting ingay mula sa napakalayong bahay at naririnig iyon dahil sa katahimikan ng gabi.

It was almost like their place in Colorado. Ikinasisiya niya ang katahimikan. Noon niya natanto na hindi na niya gustong umalis pa sa bahay na iyon; na wala na siyang pagnanais pang bumalik sa Amerika. This was her home. Unang pagkakita pa lamang niya sa bahay ay alam na niyang doon niya gugugulin ang susunod pang mga taon ng buhay niya. Bukas ay dadalawin niya ang buong lupain. Gusto niyang alamin kung patuloy na may nagkokopra tulad ng sinasabi ng abogado sa Daddy Armando niya.

INGAY ng sasakyan ang nagpabalikwas ng bangon kay Mavis. Kinapa niya ang cell phone sa ibabaw ng side table. Alas-otso y medya ng gabi. May dalawang oras halos siyang nakatulog.

She must be very tired from the eleven hours or so drive from Manila. She stared at the darkness. Hindi kaagad siya kumilos. Baka naman may nagdaan lang na sasakyan at dahil napakatahimik ng kapaligiran ay hindi normal ang ingay sa lugar na iyon ay agad siyang napukaw. Kahit na nga ba ang malaking bahay ay may limampung metro ang layo mula sa main road.

Malamang na may nagdaan lang na sasakyan, she thought. Inabot niya ang isang unan at niyakap at handa na uling bumalik sa pagtulog nang makarinig siya ng ingay sa ibaba. Parang malakas na hampas ng pagbukas ng pinto. Agad siyang napabangon. Kinabahan.

She strained her ear. Nakakaulinig siya ng tila may nagsasalita na parang may mga nag-uusap. Lalong tumindi ang kabang naramdaman niya. May magnanakaw bang nakapasok sa bahay? Why of all times ay sa unang gabi mismo ng pagdating niya?

Subalit kung magnanakaw ay hindi tiyak na gagawa ng ingay. Lalo at nakaparada ang rental vehicle niya sa garahe. Tumayo siya mula sa kama at nangapa sa dilim patungo sa pinto ng kuwarto niya. Wala siyang balak na buksan ang ilaw.

She heard footsteps downstairs. Nauulinigan niyang pumapanhik ang kung sino man ang nagmamay-ari ng mga tinig. Pagkatapos ay ang pagbukas-sara ng mga pinto ng mga silid sa unahan. May isang tinig na nangingibabaw sa mga tinig ng lalaki at babae.

Parang mula sa isang... bata?

Napuna ni Mavis ang liwanag na lumusot sa ibaba ng pinto ng silid niya. May nagbukas ng ilaw sa pasilyo. Ipinasya niyang buksan sa sandaling iyon ang ilaw pagkatapos ay inalis ang barrel bolt sa pinto at pinihit pabukas ang doorknob. Napasigaw siya nang mapagbuksan ang isang malaking lalaki na akmang pipihitin ang doorknob ng pinto niya.

Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon