ALAS-OTSO pasado na nang magising si Mavis kinabukasan. Hindi siya sanay magising nang tanghali na. Pero ang katahimikan ng gabi at ang klima ay nagpapangyari upang makatulog siya nang mahimbing. Isa pang dahilan ay hindi siya dinadalaw ng kanyang panaginip.
Lumabas siya sa veranda at malakas na hangin ang sumalubong sa kanya. Makulimlim ang kalangitan at sa wari ay may namumuong ulan. At may manaka-nakang kulog siyang naririnig. Nagbalik siya sa loob ng silid at pumasok sa banyo. Pagkaligo at pagkabihis ay bumaba siya. Tahimik ang buong kabahayan. Hindi niya naririnig ang pamilyar na tinig ni Benjo na nakikipaglaro sa tuta nito.
Dumeretso si Mavis sa kusina at inaasahang naroroon si Anna. Subalit wala ito roon. Tinungo niya ang percolator at dinama iyon ng daliri. Mainit pa. She made herself a cup of coffee. Naupo siya sa breakfast table at unti-unting hinigop ang kape niya nang maramdamang may nagmamasid sa kanya.
Nang mag-angat siya ng paningin sa may pinto sa dakong palabas sa dirty kitchen ay muntik na siyang mapasigaw nang makitang mataman siyang tinititigan ni Mang Fermin. Naibaba niya nang wala sa oras ang tasa sa platito. Kung hindi niya nabawasan ang kape ay malamang na natapon iyon.
"G-ginulat ho ninyo ako. Akala ko'y nag-iisa lang ako."
Hindi kumibo si Mang Fermin at tuloy-tuloy na pumasok sa kusina. Kumuha ito ng mug sa cupboard at tulad niya ay nagsalin ng kape mula sa percolator at tinimplahan. May-edad na ang lalaki subalit malaki ang pangangatawan at kung tutuusin ay nakakailang ang mabalasik na anyo.
"Ako nga po pala si Mavis, Mang Fermin..." mahinang sabi niya sa palakaibigang tono. "Halos isang linggo na ho ako rito pero hindi ho tayo nagkaroon ng pagkakataong ipakilala ang isa't isa."
"Pareho nating alam ang ating mga pangalan," anito sa walang emosyong tinig. "Tama na iyon." Lumakad ito pabalik sa pinanggalingan nang magtanong siya.
"Wala po yata ang mag-ama at si Anna?"
Huminto ito sa bungad ng pinto at bahagya lang lumingon. "Sina Anna at Benjo ay nagtungo sa bayan para patingnan ang aso na nananamlay. Si Rolf naman ay kaalis-alis lang kasama ng isang surveyor." Tuluyan na itong lumabas.
Napabuntong-hininga si Mavis. Kung ganoon ay ngayong umaga dumating ang kausap nitong surveyor. Sana ay ginising man lang siya nito. Inubos niya ang kape at dinala sa lababo, saka hinugasan iyon pagkatapos ay pinunasan at ibinalik sa cupboard. Pagkatapos ay sinundan niya sa paglabas si Mang Fermin at tinungo ang kuwadra.
Naroon ang matanda at nakaupo sa bangkito at hinihigop ang kape. Nag-angat ito ng paningin nang pumasok siya. Sa kuwadra ay ang mare. Bakante ang kulungan ng stallion. Malamang na gamit ni Rolf kung saang bahagi man ng lupain ito naroroon.
"Maaari ko po bang sakyan si Juno?"
Nagkibit ito ng mga balikat. Ipinagpatuloy ang paghigop sa kape.
Kinuha ni Mavis ang saddle na nakasabit sa haligi at ikinabit sa likod ng kabayo. Hinila niya iyon palabas ng kuwadra at doon na sumakay.
"Nagbabanta ang ulan," babala ni Mang Fermin.
"Uuwi ho kami kaagad sa sandaling umulan," sagot niya.
Hindi niya maiwasang lumingon nang malayo-layo na siya. Nakatayo si Mang Fermin sa bukana ng kuwadra at matamang nakasunod ng tingin sa kanya.
Strange man, she thought. Then shrugged him off her mind. Pinatakbo niya ang kabayo patungo sa bahagi ng lupain na pinili niya. Kung may kausap nang surveyor si Rolf ay malamang na mapapabilis na ang paghahati ng mga lupain.
![](https://img.wattpad.com/cover/203234055-288-k5649.jpg)
BINABASA MO ANG
Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)
RomanceMavis met an accident on her way to Bangui, a town in Ilocos Norte. Ang nakapagtataka ay wala siyang maalala sa mismong aksidente, bago man o pagkatapos niyon. Subalit ang isip niya ay okupado ng mga pangitain na hindi kanya--ng isang babaeng nagdad...