"Napapansin mo ba ang isang kotseng kanina pa nakasunod sa atin?" ani Bettina na nagpanumbalik ng isip ni Rolf sa kasalukuyan.
Tumaas ang mga mata niya sa sideview mirror. Isang sasakyan ang nakikita niya sa likuran at may-kalayuan nang kaunti ang distansiya mula sa kanila. "What is it about the vehicle?"
"Nakita ko na iyan kanina nang sumakay tayo rito sa pickup kanina. Parang nakaparada 'yan sa may di-kalayuan sa bahay ng Mamang. Doon sa kabilang bahagi ng daan sa tindahan ni Manang Rosa."
"Malamang na may binili. Alam mo namang ang tindahan lang ni Manang Rosa ang makikita mong malapit sa amin. At wala ka nang tindahang makikita pa sa susunod na ilang minuto sa kalye."
Huminga ito nang malalim. Nang lingunin niya ang asawa ay nakita niya ang ligalig sa mga mata nito. Hindi niya maunawaan kung bakit. At sinabayan pa nito iyon ng sunod-sunod na paghugot ng hininga.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" Kahit paano ay hindi niya maiwasang mag-alala. "Kanina ka pa ganyan. Sumasakit ba ang tiyan mo?"
Umiling ito. "It's not the baby. Pero hindi ko maintindihan ang sarili ko, Rolf..." she said worriedly. Hindi marahil nasiyahan sa pagsilip sa rearview mirror ay lumingon pa ito. "Kanina pa ako kinakabahan. Tila mababasag ang dibdib ko..."
"Sabi ni Mamang ay ganyan daw talaga ang malapit nang manganak. Aligaga."
She turned and smiled at him. A poignant smile that tugged at Rolf's heart. Inabot niya ang kamay ng asawa at pinisil iyon. Umaasang makabawas sa ano mang nararamdaman nito. She gripped his hand back. Na para bang umaamot doon ng lakas.
"Maybe your mother's right," sang-ayon nito na sinabayan ng tango. "Gusto ko uling magpasalamat sa iyo sa pagtanggap mong muli sa akin..."
Hindi siya kumibo. Napilitan siyang bitiwan ang kamay ni Bettina upang kumambiyo at ipinagpatuloy ang pagmamaneho. Ano ang sasabihin niya? Pagkapanganak nito ay aalis din uli sa sandaling makabawi ng lakas. At kahit ang pagmamahal niya rito ay unti-unti na ring nagmamaliw dahil sa ginawa nitong pag-alis.
"I love you, Rolf," anito pagkatapos ng sandaling katahimikan sa pagitan nila. "Hindi iyan nawala kahit nang umalis ako sa piling mo. Alam kong hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal mo sa akin. But if I stay and pretend to love this place, hindi rin ako magiging maligaya. I would be miserable."
Nagtagis ang mga bagang niya. Nakikita niya sa sulok ng mga mata na sinulyapan siya nito bago sinundan ng buntong-hininga.
"Maybe my love wasn't that strong to survive this place. Gayunman, huwag mong pagdudahang mahal kita."
"Yeah," he said sarcastically. More than ever, ngayon naniniwala si Rolf na hindi sapat ang pag-ibig para maging maligaya ang dalawang tao. Or maybe Bettina's love for him, tulad ng sinasabi nito, ay hindi ganoon katibay upang tanggapin ang maaari niyang ibigay rito.
"All my life, nakatira ako doon sa munting kahon na iyon na puro kahirapan ang dinanas. Kung hindi ko pinagsumikapang makakuha ng scholarship ay hindi ako makakapasok sa unibersidad. You cannot imagine the hardship I've been through, Rolf. When my parents died, kasama ko araw-araw ang mapanlait kong tiyahin at tiyuhing hindi ako miminsan pinagtangkaan. At kung hindi ko itinatrangkang mabuti ang silid ko ay baka matagal na akong napahamak..."
"Inalis kita mula sa kanila, hindi ba? Pinakasalan kita," he said furiously. "Sa panahong hindi ko pa binalak mag-asawa man lang. Ibinigay ko sa iyo ang buhay na malayo sa kinagisnan mo sa kabila nang tulad mo'y may pangarap din naman ako at napilitang isantabi. Pero mataas masyado ang pangarap mo, Bettina."
BINABASA MO ANG
Mystic (COMPLETED) (Published by PHR)
RomanceMavis met an accident on her way to Bangui, a town in Ilocos Norte. Ang nakapagtataka ay wala siyang maalala sa mismong aksidente, bago man o pagkatapos niyon. Subalit ang isip niya ay okupado ng mga pangitain na hindi kanya--ng isang babaeng nagdad...