"Abo, huy... ano ba? Ilang araw mo na akong hindi kinakausap ng maayos," reklamo ko habang naglalakad kami papunta sa cafeteria.
Pinuntahan ko siya sa classroom niya kasi gusto ko siyang ilibre ng lunch. Nung una nagdadahilan pa ang loko pero napilit ko rin naman. Kaso nga lang hindi niya naman ako kinakausap. Ewan ko ba rito. Simula nung... simula nung nahuli niya kami ni Clark sa apartment ganito na siya.
"Wala naman kasi akong sasabihin sayo,"
Umirap ako. Hindi ko alam kung nakita niya 'yon dahil dire-diretso ang lakad niya papuntang cafeteria. Pagkapasok namin sobrang dami ng tao. Gusto ko sanang sabihin sakaniya na maghanap siya ng mauupuan namin kaso natatakot akong baka bigla akong iwan nito! Mahirap na, 'no! Mamaya takasan ako.
Kaya bago niya pa ako matakasan hinila ko na siya papunta sa pila. Bibili muna kami. Medyo mahaba naman ang pila. For sure pagkabili ko nabawasan na kahit papano ang mga studyanteng kumakain.
"Abo naman, e. Ano ba kasing problema mo? Nagseselos ka ba?"
Muntik ko na atang makita yung utak ni Asher dahil sa panlalaki ng ilong niya. Hindi siya galit kaya nanlalaki ilong niya, e. Nandidiri siya! Halos layuan niya na nga ako dahil sa sinabi ko.
"Nasargo ba 'yang utak mo?"
"Ikaw kaya sarguhin ko? Diring-diri, a?"
"Hindi lang diri. Kung pwedeng masuka, nagsuka na ko! Kung ano-ano sinasabi mo dyan,"
"E ba't ba kasi ayaw mo kong pansinin?!" Napasigaw tuloy ako! Bwisit kasi 'tong Abo na 'to! Napatingin pa yung ibang studyante na malapit samin akala ata ano na nangyayari saming dalawa. Baka isipin LQ pa kami. Yuck nga, yuck!
"Gusto mong malaman?" tanong niya at tinignan ako bigla mata sa mata.
"Oo 'te. Ilang linggo mo na akong pinapaisip,"
"Sige, bilhan mo muna ako nun..." at kung ano-ano na nga ang tinuro niya na nasa menu ng cafeteria! Peste 'to! Akala ata ang dami kong pera?!
Tatlong tray na puno ng pagkain ni Asher ang dala namin. Oo! Halos kanya lahat ng laman! Nahiya ako sakaniya samantalang ako carbonara, garlic bread tsaka royal lang order ko pero yung kanya pang-feeding program!
Nakahanap nga kami ng pwesto. Umonti na rin kasi yung mga tao rito sa cafeteria kaya 'di kami nahirapan. Pagkaupo pa lang, nilantakan agad ni Asher yung mga inorder niya.
"Iba talaga kapag anak mayaman yung kaibigan mo, 'no? Barya na lang sakanila yung ganitong gastos," sabi niya habang kumakain.
"Para kang tanga,"
"Sus!" uminom siya sa coke niya. "Kunwari ka pa! Kamusta naman maging anak mayaman, kaibigan? Iba ka na ah! 'Di na kita maabot," tumawa pa siya pero alam kong pilit lang 'yon. Halatang may halong inis kasi dahil umiigting bigla yung panga niya.
Pilit kong pinakalma yung sarili ko. Meron na kasi akong nararamdaman na 'di maganda. Ayokong tuluyan akong mainis at mawalan ng gana sa kinakain ko. May dalawang subject pa ko kaya ayokong madistract hangga't maaari.
"Asher, 'yun ba dahilan bakit ka nagkakaganyan?"
Sinulyapan niya ko habang humihigop siya ng sabaw. Pagtapos, tumawa nanaman siya. Bago pa ako mawalan ng gana nagpatuloy na ako sa pagkain. Sayang yung pinangbili ko rito. Pera ko pa rin 'to.
"Anong sinasabi mo dyan? Alam mo, Mace, ayos tayo. Wala tayong problema. Ikaw 'tong nag-iisip ng kung ano-ano,"
Binitawan ko ang tinidor ko. Bahala na kung hindi ko maubos 'to konti na lang din naman. Pero sinasagad ata ni Asher pasensya ko.