Chapter 2.3: Hope (4/20/2020)

12.1K 314 5
                                    

Chapter 2.3: Hope

Written By: Felix Alejandro

KINABUKASAN ay laman na naman si Nina ng kwarto ni William. Napailing naman si William nang makitang pumasok si Nina sa loob ng kwarto niya. Ang buong akala niya ay nagtampo na ito sa kanya dahil umalis itong umiiyak kahapon pero heto ito ngayon, parang wala lang nangyari.

"Kuya, alam mo bang may narinig akong magandang balita kay Mama? Ang sabi niya ay may pag-asa ka pa raw makalakad! Pyschological reason lang daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nakakalakad!" pangungulit ni Nina na kumuha ng silya malapit sa wheelchair ni William.

As usual, nagpe-painting na naman ang lalaki. Halos punong-puno na nga ng painting ang buong kwarto nito.

"Sa tingin mo ay ganoon lang kadali iyon? Kung mabilis lang para sa akin ang maglakad ulit, sana ay dati ko pang nagawa," malamig na sabi ni William.

"Iyon ay dahil sumuko ka nang gawin iyon ulit, Kuya! Alam mo, kailangan mo lang maniwala sa sarili mo. Bakit hindi mo subukang maglakad ulit? Huwag kang mag-alala, Kuya, tutulungan kita—"

Nagulat si Nina nang biglang ibinaba ng pabalibag ni William ang hawak nitong paint brush at masama na naman na tinitigan siya.

"Madali para sa 'yo ang sabihin iyan dahil hindi naman ikaw ang nasa kalagayan ko. Hindi ikaw ang lumpo at inutil kaya hindi mo alam kung gaano kahirap ang umasa sa wala! Habang buhay na akong ganito at ito na ang kapalaran ko! Tanggap ko na iyon kaya huwag mo na akong paasahin pa! Kaya pwede ba, tantanan mo na lang ako?!" Muling pagsigaw nito at sa pagkakataong iyon ay nakaramdam na siya ng takot dahil alam niya na galit na talaga si William.

Tumayo na siya mula sa kinatatayuan. "Aalis ako ngayon pero paulit-ulit lang akong babalik hanggang sa makumbinsi kita na subukang maglakad ulit, Kuya William. Tama ka, hindi ko nga siguro naiintindihan dahil hindi naman ako ang nasa sitwasyon mo pero ang alam ko lang, habang may buhay ang isang tao ay may pag-asa. Mas maigi nang may ginagawa ka para makapaglakad ulit kaysa naman ang magmukmok na lang palagi rito sa kwarto mo. Gusto mo ba talaga na habang buhay ka na lang na nandito sa kwarto? Iyong hindi makapag-aral sa labas at hindi nakakasalamuha ang ibang tao? Bata pa ako, Kuya pero alam ko na marami pa sa labas ang dapat nating makita. Malaki ang mundo kaya hindi natin ito dapat na pinapaliit. Gusto kong makita mo mismo ang mundo sa pamamagitan ng mga paa mo. Gusto ko na hindi lang ang kwarto na ito ang maging mundo mo. Gusto ko na matuto kang ngumiti. At magagawa mo lang iyon kung wala ka nang dalahin sa dibdib mo. Kapag nakakapaglakad ka na..." Muling tumulo ang luha sa mga mata ni Nina habang si William naman ay nakatitig lang dito.

"Kung natatakot ka na makita ang mundo ng mag-isa ay nandito ako. Sasamahan kita kahit ano pa man ang mangyari. Iyon ay dahil mahal na mahal kita..." Iyon na ang huling sinabi ni Nina bago ito tuluyang umalis.

Naiwan namang nakatigagal lang si William. Hindi maiwasang hindi maisip ng paulit-ulit ang huling mga katagang sinabi ni Nina.

Kung natatakot ka na makita ang mundo ng mag-isa ay nandito ako. Sasamahan kita kahit ano pa man ang mangyari. Iyon ay dahil mahal na mahal kita...

Napapailing na lang siya habang naiisip ang babae. Sumasakit na ang ulo niya dahil palagi na lang itong tumatakbo sa isipan niya. Ito lang ang bukod tanging tao na kahit itinataboy na niya ay pilit pa rin siyang nilalapitan. Ito lang ang hindi sumusuko sa kanya...

Panahon na ba para subukan niyang ulit na maglakad? Tama nga kaya si Nina? Makakalakad pa kaya siyang muli?

-------------------------

ISANG MAGANDANG BALITA ang narinig ni Nina mula kay William kinabukasan nang bumalik siya sa kwarto nito.

"Dahil palagi mo na lang akong dinadramahan araw-araw ay pagbibigyan na kita, Nina. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para makapaglakad ulit. Kahit na sa tingin ko ay malabo nang makalakad pa ako ulit ay susubukan ko. Pero ipangako mo na kapag walang nangyari ay titigilan mo na ako. Hindi ka na ulit pupunta sa kwarto ko, nagkakaintindihan ba tayo?" sabi ni William na ipinanlaki naman ng ngiti sa mga labi ni Nina.

"Pangako, Kuya! Malakas ang kutob ko na magagawa mong makapaglakad ulit! Magtiwala ka lang sa akin. Ako mismo ang tutulong sa 'yo!"

LUMIPAS pa ang ilang araw na madalas ay nasa bakuran lang sila ng mansyon ni William para makapagpractice ito sa paglalakad. Saksi sina Wilma at Alaric sa nakikitang unti-unting improvement kay William. Bagama't hirap na hirap at tila palaging pagod ang panganay nila ay sinusubukan nito ang lahat ng makakaya nito kahit paulit-ulit itong natutumba. At sa lahat ng pagkakataon na iyon ay naroon lamang si Nina para umagapay.

Noong araw na iyon ay nakatakdang mangyari ang isang bagay na talagang magpapabago sa buhay ni William.

"Kaya mo 'yan, Kuya, go, go! Malapit na!"

Maaga pa lang ay naririnig na ang boses ni Nina sa labas ng bakuran ng mansyon ng mga dela Vega. Isa lamang ang araw na iyon sa maraming araw na tinutulungan nitong makapaglakad ulit si William.

Pero kakaiba sa palaging eksena na nakikita nina Wilma at Alaric ay nanlaki ang mga mata nila ng makitang unti-unti na ngang naigagalaw ni William ang mga paa nito! Pilit itong naglalakad papunta sa kinaroroonan ni Nina at sa pagkakataong iyon, kahit na hirap na hirap ay nakarating ito sa finish line!

Agad na bumaha ang matinding emosyon sa dibdib ni Wilma nang makitang sa wakas ay nakakalakad na ang anak. Totoo ngang si Nina ang hulog ng Diyos sa kanila mula sa langit!
Hindi na siya nakapagpigil at tumakbo siya para sugurin ng yakap ang panganay na anak.

"Nakakalakad ka na, anak! Nakakalakad ka na!" Parang nanalo sa lotto na tumatalon at masayang umiiyak si Wilma.

Katulad nito ay masayang umiiyak din si William. Nang maghiwalay ang dalawa ay hinawakan ni William ang kamay ng ina.

"Utang kong lahat ng ito kay Nina, Mama. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi na ako makakalakad muli. Kung hindi niya ako kinulit at kinumbinsi ay hindi ko magagawa ito. Masyado akong negative noon at nagpalulong sa paniniwala na hindi na ako makakalakad ulit kaya ikinulong ko na lang sarili ko sa kwarto. Natakot ako na umasa na naman ulit sa wala pero ang totoo ay halos araw-araw akong umaasam na sana ay bumalik na rin ulit sa normal ang lahat. Na makakalakad ulit ako. Pero ngayon, nagkatotoo na lahat ng hiling ko. Nakakalakad na ulit ako, Mama!" umiiyak na sabi ni William.

"I'm so proud of you, Son!" Katulad ni Wilma ay nangingilid na rin ang luha sa mga mata ni Alaric. Nilapitan na rin nito ang anak at yumakap dito.

Masaya lang na pinapanood ni Nina ang lahat habang nagyayakapan ang tatlo. Natupad na ang pangarap niya para Kuya niya. Dininig ng Diyos ang mga dasal niya sa araw-araw!

My Two Obsessive Brothers (Slight SPG) Obsession Series # 1 - COMPLETED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon