Chapter 2.2: Psychological Reason (4/20/2020)
Written By: Felix Alejandro
MAKALIPAS pa ang ilang sandali ay bumalik si Nina sa kwarto ni William para tingnan ang kalagayan nito. Wala na ito sa gilid ng kama nito at nakita niya na nabawasan naman nito ang cake na dinala niya kanina kaya napangiti siya.
Pero nanlaki ang mga mata niya nang makarinig ng ingay mula sa loob ng CR nito.
Sa William, pinipilit na tumayo mula sa wheelchair nito gamit ang saklay nito para magpunta sa bathub. Sa halip ay muli na naman itong natumba!
"Kuya, tutulungan na kita!" Saklolo niya sa kapatid.
Tinulak siya nito ng pabalya. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo na hindi ko kailangan ang tulong mo? Bakit ba ang kulit mo?!" pagsigaw nito.
"Pero, Kuya, kailangan mo ng tulong! Baka madulas ka lang dito kapag iniwan kita. Baka kung ano pa ang mangyari sa 'yo—"
"Ano ba ang tingin mo sa akin? Inutil?!" Mas malakas na sigaw ang pinakawalan nito ngayon kaya naman natigilan siya.
Mula sa pagkakaluhod para sana tulungan ito ay tumayo siya.
"Kahit na kailan, hindi ko inisip na inutil o pabigat ka sa pamilyang ito. Gusto lang kitang tulungan dahil alam kong nahihirapan ka na. Bakit ba kahit minsan lang, Kuya, hindi mo matanggap na kailangan mo rin ng tulong namin? Hindi ka nag-iisa!" Sa pagkakataong ito ay siya naman ang sumisigaw habang tuluyan nang tumutulo ang luha sa mga mata niya.
Si William naman ang natigilan matapos nitong makita ang luha sa mga mata niya.
"Hindi sa pagkakaroon mo ng kapansanan nagtatapos ang lahat, Kuya William. Marami pang nagmamahal sa 'yo na sana lang balang-araw, ay makita mo rin..."
Matapos sabihin iyon ay tinalikuran na niya si William at ibinigay ang gusto nito. Iniwan niya itong mag-isa roon para maligo!
KINAGABIHAN...
"Mommy, wala na po bang pag-asa na makalakad pa ulit si Kuya William?" Habang sinusuklayan si Nina ng kanyang ina ay naitanong niya ito.
Nakatayo ito sa likuran niya habang siya ay nakaupo sa harap ng salamin.
"Bakit mo naman natanong 'yan, ha, anak? Pinagtangkaan mo na naman bang kausapin ang masungit mong kapatid?" tanong ni Wilma.
Bumuntong-hininga siya.
"Sa tingin ko po kasi, ang pagiging lumpo niya ang dahilan kung bakit siya masungit palagi. Hindi ko alam, Mommy kung bakit ang laki ng galit niya sa akin. Gusto ko siyang tulungan pero palagi lang niya akong tinataboy palayo..." malungkot na sabi niya.
"Dapat ay dati pa nakakalakad si William dahil nagpantay at naghilom na ang mga buto niya na nabali noong naaksidente kami. Pero kahit pina-therapy naman namin siya noon ay wala pa ring nagbago. Ang sabi ng doktor ay psychological reason ang dahilan kung bakit hindi pa rin siya nakakalakad hanggang ngayon. Masyadong natrauma ang kuya mo nang dahil sa nangyaring aksidente noon at dahil maging ang mga kaibigan niya noon ay nilayuan na siya nang dahil sa kapansanan niya ay tila ba nagalit na siya sa mundo, anak. Sa totoo lang ay masakit din para sa akin na nakikita siyang ganoon. Ni ayaw na niyang pumasok sa school at nagkukulong na lang dito sa bahay. Kahit ang homeschool teacher niya ay hindi rin niya kasundo but what should I do? Tila ayaw ni William na tulungan maging ang sarili niya. Kahit tayong pamilya niya ay tinataboy niya. Ni ayaw niya na kunan namin siya ng nurse para personal na mag-alaga sa kanya." Tila nastress si Wilma nang mapag-usapan ang panganay na anak.
"Naniniwala pa rin ako na makakalakad pa rin si Kuya William, Mama. Kung ang ibang tao ay kaya siyang sukuan, ako ay hindi. Gagawin ko ang lahat para matulungan siyang makalakad ulit. Pangako iyan!" positibong sabi niya.
Ngumiti naman ng mapait si Wilma. "Sana nga ay magdilang anghel ka, Nina. Kapag nangyari iyon, tatanawin ko na malaking utang na loob ang gagawin mo para sa kuya mo."
"Utang na loob? Bakit kailangan mong magkaroon ng utang na loob sa akin, Mama? Pamilya tayo, normal lang na tulungan ko si Kuya," nagtataka na namang tanong ni Nina.
At muli, tila nawala sa sarili niya si Wilma. Hindi sinasadya na nakapagbigay na naman siya ng clue kay Nina na hindi nila ito tunay na anak. Bagama't masiglahin at bata pa kung kumilos si Nina, matalino rin ito kung ikukumpara sa pangkaraniwang mga bata. Marunong itong makaramdam.
Umiling siya at pinitik ang ilong nito. "Tama ka. Kuya mo si William kaya dapat lang na tulungan mo siyang makalakad ulit! Kapag nakapaglakad siya ulit ay bibigyan kita ng reward! Kahit ano pa man ang gustuhin mo!" nakangiting sabi ni Wilma.
Umiling si Nina. "Pinakamalaking pabuya na para sa akin ang makitang makalakad ulit si Kuya William. Para sa akin, iyon na ang magiging pinakamagandang regalo," inosente naman sabi ni Nina.
Nang dahil sa sinabi ni Nina ay nayakap ito ni Wilma. Mabuti ang puso ni Nina kaya naman hindi niya pinagsisisihan kailan man ang pag-ampon dito. Sana nga ay may pag-asa pa ang panganay niyang anak. Sana ay si Nina ang magdala ng swerte sa kanilang pamilya...
- TO BE CONTINUED...
BINABASA MO ANG
My Two Obsessive Brothers (Slight SPG) Obsession Series # 1 - COMPLETED
Romantizm2 guys obsessed with 1 girl. But what if, ang dalawang lalaking ito ay inaakala niya na kapatid niya? Sa pagkamatay ng mga magulang nila, malalaman niya na siya ay ampon lang pala. Pero paano kung plano ng dalawa na angkinin siya, hindi bilang kapat...