CHASE'S POINT OF VIEW
Late na nang matapos ang klase namin sa Cognitive Psychology. Pagkarinig ko ng "See you next meeting" mula sa propesor namin sa kursong iyon ay agad kong hinablot ang telepono mula sa bag at patakbong nilabas ang klasrum.
"Sorry!" mabilis kong banggit sa mga nakabangga ko sa hallway habang tumatakbo.
Habang nakai-sprint ay nabasa ko ang natanggap na mensahe mula kay Audrey. Siya na raw ang nagbigay ng potion kay Reese. Agad din naman akong napatigil sa pagtakbo't nakahinga nang maluwag dahil sa nabasa. Baka kasi'y kanina pa ako hinihintay ni Reese.
Isinabit ko nang maayos ang bag kong noo'y pabitiw na sa aking kanang balikat. Muli kong binuksan ang text ni Reese noong Sabado ng gabi at paulit-ulit iyong binasa.
Nagtataka kong idinebate sa sarili kung pupunta ba ako roon o maghihintay na lamang sa ibabalita niya. Ngunit bago pa man ako makapag-isip ng mabuti ay inunahan na ako ng mga paa ko sa pagdedesisyun.
Pakiramdam ko'y dapat na naroroon ako para kay Reese, kahit hindi naman niya ako kailangan.
Patungo sa College of Science and Mathematics na kalahating kilometro ang layo mula sa CHSS ay nahagip ng pareho kong mata ang pigura ni Ross na noo'y nakasakay sa Ikot, tawag namin sa pumapasadang dyip sa loob ng unibersidad, patungong CSM.
Mukha papunta pa lang siya kay Reese. Bulong ko sa sarili.
Nang makarating sa CSM grounds ay palihim akong lumapit sa parteng iyon ng CSM na itinext ni Reese. Napapalibutan iyon ng mga matataas na puno ngunit hindi rin naman iyon ganoon ka rami upang maihalintulad sa isang kakahuyan.
Agad ko rin namataan si Reese at katabi na noon si Ross. Mukhang nagkukwentuhan muna sila at kita sa gawi ko ang mahigpit na hawak ni Reese sa isang bote ng tubig.
Ngunit maliban sa kanila ay nahagip rin ng mga mata ko ang babaeng nakatayo sa likod ng isang puno sa 'di kalayuan. Pareho niyang pinagmamasdan ang dalawang taong nakaupo sa isang sementong bangko.
Lumapit ako sa kaniya't agad din naman niyang naramdaman ang presensya ko't napalingon sa akin.
"Audrey," pagtawag ko. Ngunit sandali lang niyang ibinaling ang tingin sa akin at ibinalik din naman iyon kina Ross at Reese.
Kilala ko si Audrey, ang mga tingin niyang iyon ay nangangahulugang may hinihintay siya at may balak.
Habang abala ako sa pagsuri sa kaniya, na noo'y nagmamasid pa rin sa dalawa, ikinagulat ko nang bigla na lang siyang umalis sa kaniyang pwesto at huli na nang mapagtanto ko kung saan siya patungo.
Hindi ko na siya napigilan nang iprenesenta niya ang sarili sa harap nilang dalawa. At kasunod nang pangyayaring iyon ay ang nakayayamot na katotohanang ibinunyag niya.
***
Isa-isang pumasok sa isipan ko ang mga katanungan tungkol doon.
Paano iyon nangyari?
Paanong si Reese ang nasa ilalim ng gayuma?
Paanong apat na taon?
***
Nakita kong naging lila na naman ang parehong mata ni Audrey, hudyat na gagamitin na naman niya ang kaniyang kapangyarihan.
"Audrey!" sigaw ko ulit sa pangalan niya. Wala na yata akong ibang magawa sa mga panahong iyon kung hindi ang isigaw ang kaniyang pangalan.
Huli na dahil narinig ko na naman siyang bumulong ng mga salitang kahit kailan ay hindi ko naintindihan, kasunod na nangyari'y nakapaloob na kami sa isang see-through na dome.
BINABASA MO ANG
Just One Drop (Completed)
FantasyMaurice had never thought of giving up when it comes to Ross, the man she's into. Unfortunately, Ross sees her as a little troublemaker who pesters his pretty little life. To make matters worse, Ross is in love with Macey, her greatest enemy. Little...