CHAPTER 10

433 43 8
                                    


Ikasampung Kabanata: Three



Hindi ko sukat akalain na mahihirapan akong mag-adjust sa bagong pamumuhay sa Maynila. Paminsan-minsan ay bumibisita kami sa ibang kamag-anak ni nanay dito noon. Namamasyal kami sa mall at masayang kumakain. Sobrang excited ako noon nang manood kami sa sinehan. First time ko kasi.

Ngayong mag-isa ako ay napakahirap. Tila bang may kulang sa akin. Ang apat na sulok ng kwarto ay mas nagpabigat sa aking nararamdaman. Pakiramdam ko ay ikinukulong ako sa labis na kalungkutan.

Kamusta na kaya sina tatay doon? Tatlong araw na ako dito at mula noo'y araw-araw ko silang tinatawagan pati na si Tita Sherly. Kahit sino man lang na makakapawi ng sakit na nararamdaman ko sa aking puso. I've never had a separation anxiety as worse as this before. Kasing bigat nito ang pagkawala ni nanay. Bumalik lahat ng alaala sa akin.

Kung paanong hinahaplos niya ng marahan ang aking buhok sa pag-idlip. Sa marahang pagpatak ng mga maliliit at magaang halik sa sandaling ako'y natatakot. Sa bawat sermon at pangaral na kahit masakit ay lubha ko nang hinahanap-hanap.

Parang gusto ko na noong umuwi at maging kuntento na lamang sa buhay at trabahong naiwan sa probinsya.

Ang mga nagkikislapang istruktura sa baba ay masarap panoorin. Kahit hindi masyadong naaaninag ang mga bituin dito sa lungsod, kahit paano'y napapawi nito ang lumbay at hapis na aking nararamdaman.

Ang mga ilaw ay nagsisilbing paalala sa akin. Na kahit ano mang mangyari ay kailangan kong magsumikap at panatilihing tuwid ang pagkakatayo. Walang kahit na ano mang dapat na makapagpatibag sa akin. Kumbaga ay gabay ko sila sa buhay.

Nilanghap ko ang malamig at maalinsangang hangin. Ibang-iba ang lungsod sa probinsya. Kahit labis na ang pagdilim at kanina pa lumubog ang araw, gising na gising pa ang paligid. Hindi katulad sa Gabriella o sa ibang bayan pa ng La Esencia na akala mo'y nilisang lugar kapag sumapit na ang ika-sampu ng gabi.

Patuloy lang ako sa pagtanaw sa malawak na karagatan ng ingay at ilaw nang maramdaman ang presensya ng tao sa gilid. Sa tatlong araw kong pamamalagi rito ay tatlong araw din siya kung bumisita. Sa tatlong araw ng pamamahinga ko'y siya ang aking kasama.

"Are you cold?"

Tatlo. Tatlong salita ang namutawi sa kanyang bibig ngunit sapat na sa akin upang siya ay paunlakan ng sulyap. Pinakiramdaman ko ang paglagaslas ng dugo sa aking dibidb kung saan nakahimlay ang aking puso. Tatlong araw ko na siyang binabahagian ng dalamhati ngunit wala akong narinig na kahit anong reklamo sa kanya.

Hindi ko pa rin matukoy at maigapos ang sarili sa pagtataka kung bakit mas pinili niya akong samahan kaysa iwanan sa apat na sulok ng kwartong ito.

"Hindi na. Hindi na malamig," tugon ko sa Adonis na ito.

Mula nang samahan niya ako sa pamimili ng mga pagkain para sa condo ay madalang na lang kung siya ay umalis. Umaga ay aalis siya para magtrabaho at sa hapon ay uuwi rito upang tulungan akong masanay sa pamumuhay dito. Hindi niya ako iniwan. Hindi siya nagpakita ng kahit na anong alinlangan. Hindi umano ito labag sa kanyang kalooban. Ninais niyang gawin ito.

"I prepared dinner. Come on, Gabriella." Ang binitawan niyang mga kataga ay punong-puno ng sinseridad. Hindi pumasok sa isipan ko na may tutulong at aagapay sa akin. Buong buhay ko'y sanay akong lumalaban ng mag-isa. Sanay akong akuin ang lahat ng kaya kong gawin. Hindi ako nagreklamo. Sa paghabi ko sa daang aking tinahak ay determinasyon ang baon ko. Hindi ko naman aakalain na makakaramdam din ako ng pagod. Dito ko napagtantong mahirap pala ang mag-isa.

The Heart of a Wounded SoldierTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon