CHAPTER 24

264 15 10
                                    


Ikadalawampu't apat na Kabanata: Decision



Maingat kong hinawakan ang kamay ni kuya. Kasabay nito ang pagpalis ko sa luhang agad na lumandas sa aking pisngi.

Puting-puti ang kabuuan ng kwarto. May karampot na kulay ng kahoy ang pader at pinto. Luma na rin ang kama.

Naiwan ang amoy ng gamot at alkohol galing sa nars na pumunta rito kani-kanina lang. Napatingin ako sa naiwang siwang ng pinto at nakitang kausap ni tatay ang doktor.

Napatingin sila sa akin at agad na isinara ni tatay ang pinto. Napayuko ako.

Muling nanumbalik sa akin ang lahat nang makita ang sitwasyon ni kuya.

Puro pasa ang mukha at katawan nito na hindi pa rin gumagaling sa ngayon. May cast ang kaliwang binti nito na kanyang tinamo sa matinding pambubugbog.

Kritikal ang kanyang kondisyon dahil sa balang tumama sa kanyang dibdib. Mas lalo lang nalagay sa panganib ang buhay niya dahil sa sakit niya sa puso noon.

Tumayo ako at inilagay sa magandang temperatura ang aircon kahit pang-ilang beses ko na itong ginawa sa nakaraang tatlong linggo. Inayos ko rin ang mga prutas at gamit sa lamesita.

Kahit hindi na halos kaya ng bulsa ay ninais kong magpahinga ang kapatid ko sa pribadong kwarto. Gusto kong mapabilis ang paggaling niya. Hindi kaya ng loob kong makita ang sinapit niya sa kamay ng mga gagong iyon.

Bumukas ang pinto at iniluwa nito si Tita Sherly. Banayad ang kanyang ngiti ngunit hindi ko iyon nasuklian.

Nahagip naman ng aking tingin na ang kausap na ngayon ni tatay ay ang dalawang pulis na naatasan ng kasong ito.

Kumunot ang aking noo. Agad na isinara ni tita ang pinto at natuon ang atensyon ko sa kanya.

"Kumusta, tita? Nahuli na ba?"

Nawala ang ngiti niya. Lumapit siya sa akin at hinaplos ako sa balikat.

"Magpahinga ka muna, Gabo. Umuwi ka sa bahay. Maligo ka at magpahinga. Ilang araw ka nang puyat kakabantay kay Tupe," utos niya sabay tingin kay kuya. Napatingin din ako sa kanya at sunod-sunod na umiling.

"Hindi, si kuya ang dapat na mas pagtuunan natin ng pansin. Anong sabi ng pulis, tita?"

"Gabo... baka mapa'no ka niyan. Magpahinga–"

"'Yong pulis, tita? Ano raw ang sabi?" Namuo ang tensyon sa aking dibdib. Ilang linggo na ang kaso at hanggang ngayon ay wala pa man lang lead. Paulit-ulit nilang sinasabi na nire-review ang CCTV ngunit wala naman iyong usad.

"W-Wala pa rin... Gabo."

Bagsak ang mga balikat niya. Nakuyom ko ang aking palad at 'di na napigilang tumayo. Sunod-sunod ang aking hakbang palabas.

"Gabo, sandali–"

Hinihingal ako kahit maliit lang ang distansyang tinahak. Pakiramdam ko'y umaalpas sa akin ang hustisyang dapat na makamtan ng pamilya ko lalong-lalo na si kuya.

"Sige, chief. Balitaan niyo na lang kami."

Nagtaka ako nang biglang umalis ang mga pulis. Napatingin ako kay tatay na pinipilit akong papasukin muli sa loob.

"Saglit lang, 'tay. Ano 'yon? Anong sabi nila? Nahuli na ba?"

"Anak, halika sa loob. Doon tayo–"

"Tatlong linggo na 'tay! Tapos ngayon wala pa ring lead? Baka naman pulis patola 'yan? Ano bang apelyido niyan–"

"Ginagawa nila ang lahat–"

The Heart of a Wounded SoldierTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon