CHAPTER 20

294 18 11
                                    


Ikadalawampung Kabanata: Kind



Punong-puno ako ng takot sa aking buhay. Punong-puno ako ng pangamba sa maaaring mangyari bukas kaya sinisikap kong maging mabuti ang lahat ng desisyon na aking ginagawa ngayon. Mahirap, dahil ako mismo'y dumadating sa puntong naliligaw na. Sa pagnanais kong maibsan ang mga pagkakamali, kumakapit ako sa mga plano. Pero sa napakaraming posibilidad, hindi ko na maagapan lahat. Dahil doon, mas lumalabo ang nagiging mga solusyon ko.

Sa dagat ng naglalakihang mga bituin, siya ang pinakamaliwanag sa lahat. Kung noo'y sa sarili ko lang ako kumakapit, ngayo'y hinayaan ko na ang aking sariling magtiwala sa kanya. Maganda ba 'yon o hindi? Mas kaya ko ba 'pag kasama ko siya o mas mahihirapan ako?

Hindi ko na alam.

Kung noon, sa tuwing inaalala ko kung paano niya ako binibigyan ng kasiguraduhan, nakakalma ang sistema ko. Pero nitong nakaraan, simula noong bitiwan ni Eunice ang mga salitang iyon, nag-ugat na ang takot sa aking puso. Sapat ba na mahal niya ako para harapin namin ang bukas?

Ni minsan ay hindi ko pa nasasabi sa kanyang mahal ko nga siya. Hindi sa wala akong tiwala sa kanya. Kung hindi dahil wala akong tiwala sa sarili ko. Ayokong dumating sa puntong madali ko siyang mabitiwan kapag dumating sa puntong hinihila ko na siya pababa. Marami siyang pangarap para sa amin. Ngunit mas marami akong pangarap para sa pamilya ko.

Baka nga tama si Eunice. Siguro dapat palaguin ko muna ang sarili ko bago ako dumikit kay Gabriel. Ano ba ang maitutulong ko sa kanya? Sa dami ng mga nagawa niya para sa akin, ano na ba ang nagawa ko para sa kanya?

Hindi ko alam kung ang pananatili ko sa tabi ni Gabriel ay nagdulot ng panibagong lakas sa akin. Ngayon kasi, sa tuwing tumatabi ako sa kanya, parang nawawalan ako ng kumpiyansa sa sarili. Hindi naman ako ganito noon.

Paulit-ulit kong ipinukpok ang aking ulo sa mesa. Sumaglit muna ako dito sa pantry upang makapag-isip. Kahit nagkausap na kami ng maayos ni Gabriel, hindi pa rin ako tinatantanan ng bigat ng mga nangyayari. Hindi ko na alam kung ano ang ikinakatakot ko.

Naliligaw na ako.

Nakarinig ako ng kaluskos sa bandang gilid ng ref. Agad akong umayos ng upo. Ipinukol ko ang tingin sa kapeng lumamig na dahil sa pag-iisip. Naalala ko tuloy ang paalala ni kuya sa kape. Sumilay ang ngiti sa aking labi nang maalala ko silang lahat.

"Nakakainggit ka." Mula sa kanyang pinagtataguan ay lumabas siya. Maga ang mga mata nito at halatang magdamag na umiyak. Hindi rin maayos ang kanyang pananamit, taliwas sa nakasanayan ko.

Umupo siya sa aking harap at agad akong kinabahan. Kung ano man ang nais niyang sabihin ay parang ayaw kong pakinggan. Sa mga binitiwan niyang salita'y pakiramdam ko, ako ang may kasalanan kung bakit siya umiiyak ngayon.

"Okay ka lang, Lyle?" pagbabaka sakali ko. Mapakla itong tumawa at bumunot ng tisyu sa hawak-hawak niyang holder.

"I'm fucking not." Naramdaman ko ang pag-init ng aking tiyan. Sumulyap ako sa magulo niyang buhok at sira-sirang nail polish. Sa ilang buwan naming hindi pag-uusap ng matino ay hindi ko na siya masyadong napansin. Pumayat yata siya?

Nakaramdam ako ng habag nang makita ang malalaki at sunod-sunod na patak ng kanyang luha. Awang-awa ako sa paraan ng kanyang pag-iyak. Ito iyong tahimik ngunit masakit. Gusto ko mang umalis upang bigyan siya ng espasyo para makahinga ngunit hindi ko magawa.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko dahil hindi ko naman siya gaanong kilala. Ngunit sana, sa presensya ko rito'y maramdaman niyang hindi siya nag-iisa.

The Heart of a Wounded SoldierTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon