Ikadalawampu't anim na Kabanata: Change
Napabalikwas ako ng bangon. Habol ko ang aking hininga habang pinakikiramdaman ang mabilis na tambol sa dibdib ko. Huminga ako ng malalim upang maibsan ang takot na nadarama ngunit tila walang epekto iyon.
Napatingin ako sa labas ng bintanang katabi ng aking kama. Nakita kong may isang grupo ng mga kalalakihan na nagtatago sa malaki at mayabong na halaman. Tantiya ko'y nasa apat sila.
Sa isang banda, naroon ang isang immaculate o first class cadet na naglilibot. Nang makalampas ito sa gawi nila'y tumakbo sila pabalik ng quarters. Siguro'y nanggaling sila sa mess hall. Lumalakas talaga ang loob kapag yearling o third class na.
Bumalik sa aking alaala ang masamang panaginip. Tatlong taon na ang nakakaraan mula nang huli kong mapanaginipan ang pagkamatay ng aking ina. Mula pa noong magising ako sa condo na inaapoy sa lagnat at nilalamig.
Bahagyang nangingilig pa pala ang aking kamay kaya't pinagsalikop ko iyon. Napatungo ako at nagsimulang magdasal.
Tatlong taon na ang lumipas mula nang makapasok ako sa academy. Matapos ang nangyari sa amin ni Gabriel, nagdesisyon na akong ituloy ang hangarin kong ito.
Hindi naging madali ang aking simula. Naging mahirap para sa akin ang makumbinsi si tatay. Muntikan na rin akong hindi makapasok dahil hindi umano niya nakikita ang tunay kong rason.
Naging masinsinan ang aming pag-uusap, at nagkaroon kami ng kasunduan. Ngayon, nasa cow year na ako o ang ikatlong taon sa academy. Isa na akong ganap na second class cadet.
"Naval, ayos ka lang?" ani Mila habang kinukusot ang mata. Gising na rin pala siya.
Umangat ang tingin ko sa kanya. Dalawa ang double-deck na kama sa aming kwarto. Siya ay nasa itaas ng isa, habang ako'y nasa ibaba naman ng isa pa.
"Ayos lang, Almario," mahinahon kong sagot. Siguro'y bakas pa rin sa mukha ko ang takot. Hindi ko alam kung bakit muli akong binisita ng bangungot na 'yon.
"Parang nagsasalita ka kasi kanina kaya naalimpungatan ako."
Sinundan ko ng tingin ang pagbaba ni Mila sa kama. Nag-unat ito at nagsimula nang mag-push-up.
"Sorry, naistorbo ko yata ang tulog mo."
"Hindi naman. Excited rin naman akong bumangon kasi maso-solo ko na 'tong kwarto mamaya," biro niya na siyang ikinailing ko. Sinamahan ko siya sa ginagawang ehersisyo.
Noong plebe o fourth class cadet pa lamang ako rito ay sobra-sobra ang dinanas kong paghihirap. Tinatadtad talaga kami ng samu't saring taladro at pagsasanay. Mabuti na lamang at kahit papaano'y sanay na ako sa umagang ehersisyo kaya't nairaos ko ang una kong taon. Kung hindi, marahil ay natanggal na rin ako kagaya ng iba.
"Pucha, mani-mani na lang talaga 'to sa'yo, Naval."
"Ang sabi ko sa'yo, pag-aralan mo rin ang tamang paghinga para hindi ka napapagod agad."
"Yes ma'am, sinusubukan ko naman."
"Hindi ka talaga uuwi? Ikaw lang ang matitira dito."
"Oo. Mag-aaway lang kami sa bahay kung uuwi ako. Tsaka ang bilis mo namang maka-miss. 'Wag kang mag-alala, Naval. Sa'yo pa rin ang puso ko."
"Gago. Seryoso kasi. Matutuwa si tatay kung bibisita ka ulit, gaya noong isang taon."
"Hindi na. Pakikumusta na lang ako kay uncle..." Huminga ito ng malalim at kinagat ang kanyang labi. "Tsaka... nagkasundo na kami ni Bonifacio. Ayokong masira ang diskarte niya."
BINABASA MO ANG
The Heart of a Wounded Soldier
Romance[La Esencia Series #1] - heart Despite the vast lands of her town, Gabriella Marie wanted to be something different. She came from a resilient family with overflowing affection and her sole inspiration is her father - a soldier. She is strong-willed...