Kabanata 16
Buong buhay ko, hindi ko naramdaman na may kulang sa'kin. Kahit na hindi kami mayaman, never kong naramdaman na may kulang, na may nawawala.
Lumaki akong kuntento, hindi dahil 'yon ang itinuro sa akin, kundi dahil iyong ang pinaramdam nila sa akin. Kahit iniwan na kami ni nanay, hindi ko naramdaman na may nawala. Hindi ko naramdaman na may puwang sa puso ko na nangangailangang mapunan dahil nandiyan si tatay. Siya ang nagpunan ng nabakanteng espasyo sa puso namin nang umalis si nanay. Binusog niya kami ng pagmamahal niya.
Never kong naramdaman na may kulang sa'kin. Pero no'ng oras na nalaman kong wala na si tatay, pakiramdam ko naubos ako bigla. Pakiramdam ko, nawala ang lahat sa'kin.
Wala na siya.
Wala na 'yong taong kakampi ko sa lahat. 'Yong taong kapag sinabi kong may nakaaway ako, mas galit pa kaysa sa akin. Ganito pala 'yong pakiramdam na mawalan ng kakampi sa lahat, 'no? Pakiramdam ko, wala na akong matatakbuhan at masasandalan kapag inaway at pinaglaruan ulit ako ng kapalaran.
Hindi ko inakala na sa isang iglap, mawawala 'yong lahat sa akin. Kung alam ko lang na iiwan na kami ni tatay, sana pala niyakap ko na siya hanggang sa huling sandali. Kung alam ko lang na 'yon na 'yong huling pag-uusap namin, sana nasabi ko na sa kanya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano ako ka-thankful na siya ang ibinigay na tatay sa'kin.
Wala man lang akong nagawa para kay tatay. Namatay siya nang hindi ko man lamang siya na nabibigyan ng maayos na buhay. Namatay siya nang hindi ko man lamang natutupad 'yong mga pangarap ko para sa amin, para sa kanya. Namatay siya nang hindi man lamang nararanasan 'yong mga magagandang bagay na hindi ko pa naibibigay.
T*ng ina! Ang sakit-sakit!
Hindi ko alam kung ilang araw na 'kong nakakulong dito sa bahay habang hawak-hawak 'yong family picture namin noong mga panahong buo pa kaming pamilya. Hindi ko na nararamdaman ang gutom, ang uhaw, pati na rin ang pagod sa walang sawang pag-iyak. Puro sakit na lang ang nararamdaman ko.
Nakaburol na si tatay sa barangay hall. Sinagot ni Mang Ruben ang pamburol sa kanya dahil alam niyang walang-wala kami at siya rin ang huling kasama ni tatay nang mamatay ito. Hindi pa ako lumalabas at sumisilip do'n. Hindi ko kaya, p*ta! Ni minsan hindi ko pinangarap na dumating 'yong araw na sisilipin ko si tatay habang nakahiga siya sa kabaong.
Muli akong napatingin sa family picture namin. Hindi na pala namin mararanasan 'to. Hindi na pala talaga kami mabubuo.
“Tay, ang daya mo naman, e. Sabi mo 'di ba walang iwanan? Bakit wala ka ngayon dito?” hinimas-himas ko 'yong picture ni tatay na kaakbay si nanay. Wala pa ring tigil sa pagtulo 'yong mga luha ko. Ang sakit-sakit!
“Iniwan na nga kami ni nanay, tapos mawawala ka pa. Pa'no na kami, tay?” sobrang sikip pa rin ng dibdib ko. Hindi ko kaya 'tong ganito. Ayaw ko na. Ang sakit, lintek!
“'Tsaka tay, 'di ba marami pa tayong pangarap? Yayaman pa tayo tay, 'di ba? Papatayuan pa kita ng mansiyon. Bibilhan pa kita ng maraming kotse tapos magta-travel pa tayo. Sabi ko pa sa'yo ipapakilala kita kay Sir para ikaw mismo ang sasapak sa kaniya. Bakit mo agad kami iniwan, tay?” pagkakausap ko pa sa picture ni tatay. “Ni hindi mo man lang ako naabutang grumaduate.” dugtong ko pa habang walang sawang tumutulo ang mga luha ko.
YOU ARE READING
Love in Ermita
Ficțiune generală"Ano ba tayo ngayon? O sa susunod na mga taon?" Ang mga katanungang paulit-ulit na gumugulo sa utak ni Resianne C. Asenar na sobrang pretty simula no'ng dumating sa buhay niya ang paasang-maharot-na-sweet-at-caring-at-pa-fall-pero-sobrang-gwapo n...
