Kabanata 31 (3RD PERSON'S POV)
“Alam ko na lahat, Willard.” lumuluhang sagot ng ginang. Hindi na maawat sa pag-agos ang kaniyang mga luha.
Halos manlambot naman ang mga tuhod ni Willard dahil sa tinuran ng dating asawa. Hindi siya makapaniwalang malalaman nito ang ginawa niya sa anak nito bilang paghihiganti. Lumuluha ang ginang habang nakatingin sa kaniya dahilan para biglang lumambot ang kaniyang puso. Ni minsan ay hindi niya nakitang lumuha ng ganito ang dating asawa. Dapat masaya siya ngayon dahil nakikita niyang nagdurusa ang babae ngunit hindi niya maintindihan kung bakit parang winawasak ang ang puso niya nang makitang nasasaktan ito. Nakokonsensiya siya sa lahat ng kaniyang ginawa.
“Pa'no mo nagawa sa'min 'to, Willard?” emosyonal na tanong ng dating asawa. “Bakit nagawa mong pagdudahan ang pag-ibig ko sa'yo?” dugtong na tanong pa nito habang pilit na tinatakpan ang bibig dahil sa sobrang lakas ng paghagulgol nito.
Namalayan na lang ni Willard na maging siya ay umiiyak na rin. Bumalik lahat ng magkahalong masasaya't masasakit na ala-ala na inakala niyang hindi na niya maaalala pa. Sa loob ng dalawampu't siyam na taon, akala niya nakalimot na siya. Akala niya ayos na siya. Akala niya natapos na ang lahat sa pagitan nila ng dating asawa. Akala niya ay nawala na ang pagmamahal niya para dito. Mahal niya pa rin pala ito.
Sa muling pagtatama ng kanilang mga mata, pareho nilang nakita sa mga mata ng bawat isa ang sakit at pagdurusang hindi nila nagawang bitawan sa nakaraan.
“Eh, ikaw. Bakit mo ako binigo, Conception?” emosyonal na tanong ni Willard. “Bakit, Conception? Ang layo na ng narating natin, e. Bakit nagawa mo pa rin akong biguin?” dugtong niya pa kasabay ng walang sawang pagbuhos ng luha mula sa mga mata niya. Gustong-gusto niyang itanong ang mga ito sa dating asawa. Ang tagal niyang inasam na dumating ang araw na maitatanong niya ang bagay na ito sa dating asawa. Halatang-halata rin sa kaniyang tinig na nasasaktan siya.
“Hindi kita binigo, Willard. Kahit kailan ay hindi ko ginawa 'yon.” sagot ni Lucilla (Conception) habang wala pa ring sawang tumutulo ang mga luha mula sa kaniyang mga mata. Hindi niya maiwasang hindi masaktan nang malamang sa loob ng mahabang panahon pala'y iniisip ng dating asawa na sumama ito sa ibang lalaki. Ngayon batid niyang pareho pala silang kapwa nilinlang ng tadhana.
“Anong hindi? Conception, minahal kita! Pero ano'ng ginawa mo? Nakipaglandian ka sa pinsan ko. Sa pinsan ko pa mismo!” punong puno ng hinanakit na sagot ni Willard. “Ayaw ko nga sanang maniwala, e. Pero no'ng umalis ka at sumama ka kay Menando, mas lalo kong napatunayan sa sarili ko na niloko mo lang ako! Conception, bakit? Ipaliwanag mo! Bakit mo nagawa sa'kin 'yon?!” dugtong pa nito kasabay ang pagtayo sa kinauupuan at paglapit sa kinaroroonan ng dating asawa.
“Mahal na mahal kita, Conception! Bakit mo 'ko binigo?” lumuluhang tanong nito nang makalapit sa dating asawa.
“Willard, hayaan mo 'kong makapagpaliwanag. Pakinggan mo 'ko.” pakiusap ni Lucilla (Conception). Wala pa ring sawa sa pagtulo ang mga luha mula sa mga mata niya.
Isinalaysay niya ang lahat ng sakit na ininda pati na rin lahat ng pagsubok at labang nilabanang mag-isa. Isinalaysay niya lahat ng pagyayaring batid niyang hindi nalalaman ng dating asawa. Mga pangyayaring matagal nang ibinaon sa nakaraan.
Agosto 1995
Imus, Cavite
Gabing gabi na ngunit gising na gising pa rin ang diwa ni Conception habang mag-isang nakatanaw sa bintana ng kanilang silid. Umaasa siya na uuwi ang asawa ngayon. Dalawang gabi nang hindi umuuwi ang asawa nito sa kanilang tahanan. Hindi niya tuloy mapigilang hindi mapaiyak dahil sa labis na sakit at pagkalitong nadarama.
YOU ARE READING
Love in Ermita
General Fiction"Ano ba tayo ngayon? O sa susunod na mga taon?" Ang mga katanungang paulit-ulit na gumugulo sa utak ni Resianne C. Asenar na sobrang pretty simula no'ng dumating sa buhay niya ang paasang-maharot-na-sweet-at-caring-at-pa-fall-pero-sobrang-gwapo n...
