Yuan's POV
Matapos nilang ibigay sa akin yung mabigat na libro ay pumunta naman ako kaagad sa mga lamesang pwede kong gamitin para basahin ang librong ito.
Tahimik ang buong lugar at bilang lang din ang mga taong nagbabasa ng payapa sa loob nitong silid aklatan.
Nang makahanap na ko ng pwestong maaari kong pagbasahan ng librong hawak ko ay umupo na ako sa upuan na naroon at inilapag ang libro sa lamesa.
Ramdam kong may kalumaan na rin ang libro pero mapapansin rin na maayos at halos mukhang bago pa rin ang itsura nito.
Malamang ay yung Ner ang may gawa nito at sa pakamagitan ng gift niya ay napanatili niya ang maayos na estado nitong libro pati na rin ang iba pang mga libro na nandito.
Nakakabilib ang paraan ng paggamit nila sa mga gift nila para mapatakbo ng maayos ang silid aklatang ito.
Tinignan ko naman ang librong ngayon ay nasa harapan ko.
"Istoría tou Dryad" pagbasa ko sa pamagat ng libro.
(Dryad's Tale)
Dryad? Hindi pa ko nakakarinig o nakakabasa tungkol sa mga nilalang na yun o kung man iyon. Kaya hindi ko na pinalampas ang pagkakataon at marahang binuksan ang libro patungkol sa mga Dryad.
Nakalagay sa isang pahina ang isang larawan ng isang nilalang na hindi ko pa nakikita sa buong buhay ko. Isa itong larawan ng isang magandang babae pero kulay berde at tsokolate ng balat niya na may mga dahon at mga ugat. Para bang isa itong taong halaman o puno pero napakaganda ng wangis niya.
Nabasa ko na ito pala ang wangis ng isang Dryad. Nilalang na maaaring makita sa liblib na kagubatan sa Gubat ng Mantrynae.
Isa ang lahi nila sa mga sagradong nilalang na tagapangalaga at tagapanatili ng kaayusan sa lahat ng kagubatang pinamamahayan nila.
Maraming nag nanais na makakita ng isang Dryad dahil sa angking kagandahan ng mga ito. Marami rin ang nagtangkang bumihag sa mga Dryad ngunit bigo silang magawa ito.
Maiilap ang mga Dryad kaya hindi sila basta bastang nagpapakita kahit kanino man.
Sa tulong na rin ng mga Golem, mga tapat nilang mga katulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa mga kagubatan ay mas napapadali ang kanilang layunin.
Nakasulat din dito na sila rin daw ang may likha ng mga bahaghari na maaaring makita sa kalangitan at sa dulo noon ay makikita ang Dryad na may gawa noon.
Kapayapaan lang ang nais ng mga Dryad sa buong buhay nila. Saksi sila sa mga nagdaang mga digmaan sa mundo dahil umaabot ang buhay ng isang Dryad hanggang isang libong taon o mahigit pa.
Halos manlaki ang mga mata ko kasabay ng pananabik ng mabasa ko ang mga sumusunod na impormasyon tungkol sa mga Dryad.
Halos lahat ng Dryad ay magkakapareho ng mga kakayahan na makontrol ang mga bagay sa kagubatan maliban sa kanilang reyna na may natatanging kakayahan na matukoy ang kapangyarihan ng isang nilalang maging isa man itong Gifted o maging Cursed.
Hindi nagmumula sa isang maharlikang dugo ang mga susunod na magiging reyna ng mga Dryad, kaya ang lahat sakanila ay maaaring maging reyna kung magkakaroon sila ng kakayahang tumukoy ng kapangyarihan ng isang nilalang. Ngunit magkakaroon lang ng ganitong kakayahan ang isang Dryad kung mamamatay ang kasalukuyang reyna nila.
Marami pa talaga akong hindi alam sa mundo ng Armedeia. Nakakamangha ang mga Dryad at ngayong may panibago na naman akong pag asang pang hahawakan ay hindi na ko mag aaksaya pa ng panahon para makakuha ng kasagutan sa mga tanong ko.
BINABASA MO ANG
The Gifted Cursed | COMPLETED ✓
FantasyIsang nilalang na pinagkaitan ng nakaraan. Mga alaalang pinipilit na binabalikan. Kinagisnan ang mundong para sa mga kagaya niya'y kay hirap galawan. Pinagkaitan nga ba siya o siya'y hinahanda lamang ng tadhana para sa mas makabuluhan niyang hinaha...